Chapter 25
Goal on the Pitch
"Maligayang bati sa iyong pagsilang. Maligayang-maligayang, maligayang bati!" Masiglang kumanta sina Kyle at Cleo pagkapasok ng aming tahanan. Sinamahan pa nila iyon ng pagpalakpak at paggalaw ng ulo.
"Happy birthday po, lola," nakangiting bati ni Kyle pagkatapos magmano kay lola. Inabot niya ang dalang regalo na nakakahon at nababalutan.
"Happy birthday po," bati rin ni Cleo at nagmano. Ibinigay rin niya ang dalang regalo.
"Ito ba iyong isa mo pang kaibigan, Isabelle?" tanong ni lola at tumingin sa akin. Makikitaan ng matamis na ngiti ang kaniyang labi.
"Opo." Tumango ako.
"Masaya akong nandito kayo pero may paregalo pa?" Humalakhak si lola at niyakap ang mga nasa kamay. "Maraming salamat, mga ijo."
Naglakad kami patungong kusina. Nadatnan namin ang mga kaibigan ni lola na nagkukuwentuhan. Napakalakas ng kanilang pagtawa at napakasarap noon sa tainga. Deserve nilang magtawanan sapagkat buong buhay nila ay inaalagaan nila ang mga anak nila. Ngayon nga ay inaalagaan din nila ang kanilang mga apo.
"Aba! May kaibigan ka na, Isabelle?" pumalpak na tanong ni Lola Glori.
Ngumiti ako bilang sagot sa kanila. Nagpakilala lamang ang mga kaibigan ko bago kami umupo.
"Hindi na dapat kayo nagdala ng regalo," bulong ko kina Cleo at Kyle.
Ngumiti sila at umiling. "Gusto ko talaga siyang regaluhan," sagot ni Kyle.
Ilang minuto pa ay dumating na rin sina Kuya Jaspi, Ate Rain, at Kuya Piolo.
"Aba! Nagkita ulit tayo, Gandang Lalaki at Ginoong Crisostomo!" Nakipag-apir si Kuya Jaspi kina Cleo at Kyle.
Binati nila si lola at kinantahna rin namin siya. Pagkatapos ay nagsimula na kaming kumain.
"Isabelle."
Napatingin ako kay Lola Kilay nang bigla niya akong tawagin. Nakatingin siya sa akin at parang may gustong sabihin.
"Po?" Hinintay ko siyang sabihin ang nais.
Tiningnan niya muna ang mga kaibigan ko bago tumingin sa akin. "Wala ka pang boypren?" naiiling niyang tanong.
Kumabog ang dibdib ko sa kaniyang sinabi. Alam kong wala namang dahilan upang makaramdam ng kaba. "W-sala po, Lola Kilay."
Tumango-tango siya. "Gusto mo bang ipakilala ko sa 'yo iyong apo ko?" taas ang kilay niyang tanong. "Guwapo iyon at saka mabait. Matalino rin. Siya ang palaging nangunguna sa klase nila. Wala rin siyang gelpren." Puno ang kaniyang mga mata ng pagmamalaki.
"Oo nga! Mabait na bata iyong si Aldrin," gatong ni Lola Flor na may kasamang paghampas sa katabi. "Hindi pa kayo nagkakakilala, ano?"
"Hindj pa nga po," naiiling kong sagot.
"Dapat magkakilala kayo. Perpekto kayong tignang dalawa. Parehong mababait na bata."
Napangiti na lamang ako. Hindi ko alam ang dapat na isagot...
"Lola, naman. Huwag niyong madaliin si Isa," nayayamot na sagot ni Kyle. Ngumuso pa siya. "Kung ayaw pa niya, hayaan niyo muna."
Kumunot ang noo ni Lola Kilay. "Bakit ka naman kumokontra, ijo? Guwapo iyong apo ko. Siguradong magugustuhan siya ni Isabelle." Humarap siya kay Cleo na katabi niya. Kinalbit niya ito na mabilis namang lumingon sa kaniya.
"Ano po iyon, lola?"
"Ijo, pakitignan nga iyong pesbuk niya. Aldrin Cañevas."
Kinuha ni Cleo ang kaniyang cellphone at ginawa ang sinasabi ni lola. "Isa, tingnan mo," aniya at inabit sa amin ang cellphone. "May itsura nga, Ck."
Nahuli ko ang lalong paghaba ng nguso ni Kyle. Hindi ko alam kung dahil sa sinabi ni Cleo sa kaniya o dahil sa nakita.
Itinuon ko ang mga mata sa cellphone at nakita ang apo ni Lola Kilay. Magkahalong malamyos at marahas ang kaniyang mukha.
"'Di ba? Mana iyan sa akin," sambit ni Lola Kilay.
"Guwapo 'di ba, Isa?" Tiningnan ako ni Cleo at tinaas-babaan ng kilay. "Mukha pang matalino. Hindi tulad ng isa riyan na nagkakainteres lang sa pag-aaral dahil sa crush niya." Ang kaniyang tono ay parang may pinaparinggan. Sinulyapan niya pa ang aking katabi na si Kyle.
Binatukan ni Kyle ang kaibigan. "Alam mo, Cleopatra? Dapat tinatahi ang bibig mo, eh."
"At least ako, hindi nagkukunwari." Nag-ikot ng mga mata si Cleo at nagpatuloy sa pagkain.
"Sinong nagsabing nagkukunwari ako? Totoo 'to, uy! 'Di tulad mo na nagkukunwaring hindi siya iniyakan kahit na obvious naman sa mga mata!"
"Isa ija, iyong apo ko, hindi maingay tulad ng dalawang ito."
Natigilan naman sina Kyle at Cleo. Ngunit nang tumingin sila sa isa't isa, nagsenyasan sila gamit ang mga parte ng mukha.
"Tahimik iyon at mahilig pa sa libro."
Agad na nabaling ang aking atensyon kay Lola Kilay. Mayroong kumiliti sa aking tainga. "Talaga po? Mahilig siya sa libro?" Tinibgnan ko siya nang puno ng interes. "Anong klase ng libro po kayang binabasa niya?"
"Ano nga ba ang tawag niya ro'n?" Tumingin siya sa kawalan na para bang may inaalala. "Piksyon.. Pisyonal.. Ay basta!" Humarap siya sa akin at muling ngumiti.
"Fictional po?" Naramdaman ko ang unti-unting pag-angat ng aking mga labi. Minsan lang ako makarinig ng ibang taong may hilig rin sa pagbabasa ng mga piksyunal na kuwento.
Hindi ko namalayan ang pagtakbo ng oras dahil nakikinig lamang ako kay Lola Kilay habang kinukuwento niya ang kaniyang apo.
Naiwan ako sa kusina nang mapagpasiyahan nina lola at ng mga kaibigan niyang kumanta. Nagtungo sila sa sala at ginamit ang aming TV upang kumanta. Pumunta rin doon sina Kuya Jaspi pati na si Cleo.
Napatingin ako sa aking katabi nang makitang may isinubo siya. Pinagmasdan ko siyang nguyain ang pagkain. Diretso ang kaniyang mukha at seryoso, na para bang may gumawa sa kaniya ng kasalanan at nagpaplano siya ng paghihiganti.
"Masarap ba?" tukoy ko sa kaniyang kinakain.
Nagliwanag ang kaniyang mukha nang tumingin sa akin. "Oo! Ang sarap magluto nila lola, eh."
Ganoon ba? Pinulot ko ang tinidor sa aking plato at kumuha ng tinutukoy niya. Malagkit ang kakanin at ang sarap ng amoy niya. Isinubo ko iyon at agad na nalasahan ang tamis roon. Kumunot ang aking noo.
Tiningnan ko si Kyle nang may pagtataka. "Pero hindi ka mahilig sa matamis. Huwag mong damihan kung ayaw mo," malumanay kong sambit.
"Masarap naman talaga. Ayoko lang iyong part na.."
Itinuon ko sa kaniya ang aking paningin ngunit lumipas na ang isang minuto ay hindi pa siya nagsasalita. Nakabuka ang kaniyang mga labi na para bang may sasabihin ngunit wala namang lumalabas. "Na?" tanong ko na lamang.
Bahagya akong napaatras nang bigla siyang humarap sa akin. "Isa, guwapo naman ako, 'di ba?"
Natikom ang aking mga labi. Kumabog ang aking dibdib. Wala sa sarili kong nakagat ang loob ng aking labi. Bakit ba siya biglaang nagtatanong ng ganoon..?
Pinagmamasdan ko ang mukha niyang palakaibigan. Unang kita mo pa lamang sa kaniya ay iisipin mong gusto ka niyang maging kaibigan lalo na kung nakangiti siya.
"Hm." Simple akong tumango nang makita ang naghihintay niyang mukha. "Hindi nga lang sapat ang guwapo para ilarawan ka."
Mabilis siyang napangiti na itinago sa isang nguso. "Mabait din naman ako, 'di ba?"
Muli akong tumango. "Hm. Ikaw at si cleo ang unang kumaibigan sa akin. At napakabait niyo sa akin."
"Tama iyon! Iyong huli.." Tumingin siya sa kisame na animo'y may inaalala. "Matalino..." bulalas niya bago tumingin sa akin. "Hindi nga ako matalino pero magaling naman ako sa soccer. 'Di ba, Isa?"
Napangiti ako sa kaniyang tanong. Masaya akong alam niya kung saan siya magaling.. "Oo, Kyle. Magaling ka sa soccer. Ang cool mo tuwing naglalaro ka."
Namula ang kaniyang mukha. Nahuli ko ang kaniyang paglunok kasabay ng kaniyang pag-iwas ng tingin. "Teka, inom muna akong soda. Kinikilig ako."