Chapter 2
Goal on the Pitch
"Gaano kalaki ang epekto ng presyo ng mga paglain sa canteen sa mga estudyante?" suhestiyon ni Leslie. Nagtaas siya ng dalawang kilay at naghintay ng sagot mula sa amin.
"English dapat!" kontra ni James.
Ngumuso si Leslie at tinignan ang katabi kong lalaki. "Kaya na iyon i-translate ni President Cleo."
Umismid naman ang presidente namin. "'Di niyo ako translator!"
Binigyan kami ng guro namin sa research na mag-brainstorm ng research topic. Nahati na niya ang section namin sa apat na grupo. Kasama ko sa pabilog na hugis ang mga kagrupo ko habang nag-iisip.
"Iyong hindi sana masyadong pinagtutuunan ng pansin pero may mahahanap pa ring RRL," sambit ng presidente at pinuno namin sa grupo. Sumandal siya sa upuan.
Sinubukan kong mag-isip ng research topoc ayon sa gusto niya.
"Pero 'di rin naman napagtutuunan iyon ng pansin, ah?" tanong ni Leslie, tinutukoy ang suhestiyon kanina.
"Sige nga." Umayos ng upo ang pinuno naming si Cleo at humilig palapit kay Leslie. "Anong epekto ng gintong tinda sa canteen sa 'yo?"
Tumagal ng ilang segundo ang posisyon nila bago muling sumandal si Cleo sa upuan.
"Marami tayong pinagkakagastusan. Projects, pamasahe, contributions, marami!" Nagbilang siya gamit ang mga daliri. "Tapos ang mahal pa ng mga binebenta nila." Ngumuso siya.
"'Di ba uso sa vocabulary mo ang inflation?" kunot ang noong tanong ni president. "Pero isusulat ko iyang suggestion mo." Nakita ko ngang sinulat niya ang suhestiyon ni Leslie sa papel na nasa lamesa niya. May ibang suggestion na rin ang naroon.
"May naiisip pa kayo?" Muli siyang nagtaas ng mukha at hindi ko napigilang makita ang mahahaba niyang pilikmata.
Wala sa sarili akong napatingin sa mga kagrupo namin. Totoo nga. Mas mahaba ang pilikmata ng mga lalaki.
"Isabelle?"
Napatingin ako kay president nang bigla niya akong tawagin. "A-ano iyon?" Naramdaman ko ang pagtingin sa akin ng mga kasama namin.
"May.. suggestion ka ba?"
Mabagal akong umiling. Wala akong maisip sa ngayon. Tila ba tumigil sa pagtrabaho ang utak ko. Siguradong may maiisip rin ako pero kung pipilitin ko, lalo lang akong walang maiisip.
Inayos namin ang mga upuan nang dumating ang sunod na guro. Wala akong ibang ginawa kundi makinig sa kaniya.
"Answer this," saad niya nang matapos ang discussion.
Nang tumingin ako sa orasang nasa gilid ng TV ay nakita kong sampung minuto na lang ang natitirang oras ni ma'am. Muli kong ibinalik ang paningin sa TV at nag-umpisa nang sumagot. Lima lang naman iyon at may pagpipilian rin kaya mabilis ko iyong natapos.
Hindi ko maaaring ilabas ang libro ko upang magbasa kaya namn napatingin na lang ako sa labas ng room namin. Nasa gilid lang ako ng bintana dahil mas tahimik rito. Napadako ang mga mata ko sa isang open field sa hindi kalayuan. May mga estudyante roon na naglalaro yata ng soccer.
Parang may kung anong umilaw sa utak ko. May ideyang pumasok sa isip ko.
Kinolekta lang ni ma'am ang mga papel namin at nagpaalam na. Nang makaalis siya ay lumingon ako sa tabi ko. Nakita kong may sinusulat siya sa papel niya.
Mahina ko siyang kinalabit. Mukhang hindi niya iyon nararamdaman dahil nagpatuloy lang siya sa sinusulat.
Titingin na sana ulit ako sa labas nang tumingin siya sa akin. Maingat niya akong tinaasan ng kilay.
"Sa research topic..." mahina kong sambit. "Tumatanggap ka pa rin ba ng suggestion?"
Pumilig siya paharap sa akin. "Oo naman. May suggestion ka pa? The more the merrier." Ngumiti siya nang matamis sa akin.
Hindi ko mahanap ang tamang salita. Alam ko ang gusto kong sabihin sa kaniya pero hindi ko alam kung paano. Humarap na lang ako sa lamesa ko at nagsulat sa papel. Nang matapos ay inabot ko iyon sa kaniya.
Tinignan niya muna ang papel bago kunin iyon. Mabilis niyang binasa ang sinulat ko tsaka tumingin sa akin. "Maganda ngang idea ito." Muli siyang ngumiti sa akin. Nakita ko rin ang pagsulat niya sa papel.
Maliit akong ngumiti at ibinalik ang tingin sa labas. Muling dumako ang paningin ko sa soccer field. Isa sa mga pambato ng eskwelahan namin ang soccer team. Naririnig kong malakas raw talaga sila.
"Why did you choose this topic?" tanong ni Ma'am Garcia, ang guro namin sa research. Magaan lang ang boses niya sa amin na ipinagpapasalamat ng karamihan. Nakatayo kami ng mga kagrupo ko sa harap ng teacher's table kung saan nakaupo si ma'am.
Tumikhim si Cleo. "We chose 'The Price of Athleticism' to see how being an athlete affects life beyond sports. Our study fills a knowledge gap by investigating the impact of athletics on different aspects mainly on academics, physical and mental health, social life, and future careers. Our findings will help educators, coaches, policymakers, and athletes understand and support athlete development and well-being."
Pinigilan ko ang sariling mapanganga. Ang fluent niya. Napapansin kong may pagkakulit siya minsan kahit na presidente namin siya pero nakakamangha... Diretso ang pagsasalita niya. Walang utal-utal at puno ng kumpiyansa. Hindi na ako nagtataka na siya ang pinaka-una sa buong HUMMS 11, kahit pa Class C kami.
Ngumiti si Ma'am Garcia. "Research topic and title approved." Munti siyang pumalakpak. "You can now start your Chapter 1 and 2. I'll check it next week."
Nagpasalamat kami bago bumalik sa kani-kaniyang upuan. Narinig ko ang mga kasama kong nagbuga ng kaginhawaan.
"Salamat, Isabelle." Mahina akong tinapik ni presidente. "Maganda iyong idea mo."
Maliit akong napangiti. Nakakatuwa na ideya ko ang napili ng grupo naming maging research topic.
Tumingin ako sa labas at nakita ang mga naglalarong estudyante. Hindi tamang kunin nang buo ang credit. Salamat sa soccer players.