Chapter 3
Goal on the Pitch
"Nagbasa ba kayo ng RRL o hindi?" tanong ng pinuno namin na magkasalubong na ang mga kilay habang nakatingin sa mga kagrupo namin. May pagkagigil sa boses niya pero halata rin ang pagpipigil dahil baka marinig kami ng guro.
"Hindi naman kasi namin alam kung sa'n maghahanap ng RRL," sagot ni Leslie.
"May sinend naman akong sites, ah?"
"Hindi nga namin alam kung paano, Cleo," sambit naman ni Sanya na nakayuko. Nakita kong nilalaro rin niya ang mga daliri.
Sinabi kasi sa amin ng presidente namin kahapon na magbasa ng RRL para dito namin sa eskwelahan gawin ang Chapter 1 at 2. Nagbigay rin siya ng mga website na puwede naming pagbasahan. Naiintindihan ko naman sina Leslie. Mahirap talaga at nakakalito kung unnag beses mong maghanap ng RRL. Siguro ay hindi naituro sa kanila iyon noong Grade 10 sila.
Naiintindihan ko rin si Cleo. Nakakainis kung ikaw lang ang gumagawa ng lahat at hindi mo maaasahan ang mga kagrupo mo.
"Iyong sa research gap..." mahina kong sambit. Naramdaman ko ang pagtingin sa akin ng mga kagrupo ko. Ang pinuno lang sana namin ang gusto kong kausapin pero... Nakakaasiwa ang mga paningin nila sa akin. Alam kong wala naman iyong mga ibig sabihin o paghuhusga pero nararamdaman ko pa rin ang biglang pagkabog ng dibdib ko.
"W-wala pala," sabi ko na lang at yumuko. Ayoko talaga ng mga mata sa akin. Nakakakaba.
Nang tumunog ang bell ay nagsilabasan na ang mga estudyante. Tsaka lang ako lumabas nang makaalis ang karamihan sa mga kaklase ko.
Kinuha ko lang ang pitaka ko bago lumabas. Ilang hakbang pa lang ang nagawa ko nang maramdaman kong may tumabi sa akin. Nang tapunan ko ito ng tingin ay nakita ko ang presidente naming si Cleo.
"Pwedeng makisabay?" tanong niya nang tignan rin ako.
"Hm," tanging sagot ko at munting tumango. "Ano pala iyong sinasabi mo tungkol sa research gap kanina? Puwede ko bang malaman?"
Luminga ako sa paligid. Naglalakad lang ang ibang mga estudyanteng kasabayan namin at sa kabutihang palad, wala namang nakatingin sa direksyon namin.
"Naisip ko... puwede ring maging research gap ang pag-aaral sa mental health ng mga atleta." Sinubukan kong lakasan ang boses ko para marinig niya. Hindi rin naman masyadong maraming tao ang nasa paligid. "Sa mga nabasa ko kasing RRL, hindi pa masyadong napapansin ang aspetong iyon. Karamihan ay naka-focus sa academic performance at stress ng mga atleta."
Tumango siya. "Maganda iyang naisip mo, ah? Chance na rin ito para magbigay pa ng additional information tungkol sa mental health. 'Di ko nga iyon napansin. Galing mo, Isabelle!" Tumingin siya sa akin at ngumiti. Pinakita niya sa akin ang hinlalaki.
"Ah.. S-salamat," iyon na lamang ang naging tugon ko. Hindi ko talaga alam ang isasagot tuwing may nagbibigay ng papuri sa akin. Pakiramdam ko, napaka-awkward.
"Psych ba ang kukunin mo sa college?"
Bahagya akong napalingon sa kaniya nang magtanong siyang muli. "H-hindi ko pa alam.. Pero gusto ko ang psychology."
"Feeling ko, bagay ka ro'n. Kailangan mo lang i-improve ang pakikipag-usap sa ibang tao." Tumingin siya sa akin at nakita ko ang aliwalas sa kaniyang mukha. "Huwag kang mag-alala. It's takes time to improve and it eill be worth it."
Napaka-friendly niya..
"Siya nga pala, kung gusto mo.."
Naghihintay ang kaniyang mukha.
"Puwedeng ako na lang ang mag-encode ng Chapter 1 at 2 natin. May laptop sa bahay namin," maingat kong mungkahi. Ayokong magtunog mayabang sa kahut na sino man.
"Sure ka?" taas ang kilay niyang tanong.
Tumango lang ako bilang sagot. "Pero mas marami ka nang naitulong kaysa sa iba nating kagrupo. Dapat sila naman ang mag-volunteer na gawin iyan," litanya niya at ngumuso pa na tila nagrereklamo.
"Baka naman hindi lang talaga nila alam kung paano iyon gawin..."
Pagsapit ng hapong pangklase namin ay dumating si Ma'am Garcia. Sinabi lang niya na gawin na muna namin ang Chapter 1 at 2 dahil ginagawa pa niya ang mga grado namin.
Umupo kaming muli nang pabilog at ginawa na ang sinabi ng guro. Kahit na nagsusulat na ang pinuno namin sa papel ay nagsusulat rin ako para kubg sakaling may hindi maisulat ay mayroon naman sa akin. Hindi na rin masyadong mainit ang ulo niya tulad kanina.
"Sigurado ka bang ikaw na lang?" tanong sa akin ng pinuno namin nang maiabot sa akin ang mga papel na npinagsulatanamin ng Chapter 1 at 2.
Simple akong tumango. "A-ako nang bahala."
Hindi naman malaking bagay sa akin iyon. Kung alam kong kaya ko naman iyon at maitutulong ko iyon, ayos lang sa akin na ako na ang gumawa dahil may kayang gawin ang mga kagrupo namin na hindi ko rin kaya. Doon sila babawi.
"Sino ulit sa 'yo, James?" tanong ni Agnes, isa pa sa mga kagrupo ko.
"Si Peter Parkers ng Arnis."
Agad na isinulat ni Agnes ang sagot na nakuha niya mula kay James. "Guwapo no'n," simpleng papuri pa niya.
"Magaling pa," dugtong naman ni Leslie.
Napatingin ako sa harap. Ipinasa na namin kay Ma'am Garcia ang Chapter 1 at 2 namin. Hinihintay na lang namin ang pag-apruba niya. Minungkahi ni Agnes na habang naghihintay ay maghanap na kami ng respondents. Karamihan sa mga kagrupo ko ay nakahanap na. Nakuha na nga rin nila ang permiso ng mga iyon, eh.
"Ikaw, Isa?"
Umiling ako kay Agnes. "Wala pa." Nagbuga ako ng hangin at muling tumingin sa labas ng bintana. Wala ang mga soccer player sa field. Mukhang tuwing hapon lang ang pag-e-ensayo nila.
"Sinong interviewee mo, Isa?"
Napatingin ako kay Cleo nang marinig ang boses niya. "Ah, w-wala pa. Wala kasi akong kakilalang player." Nahihiya akong sabihin iyon sa ibang kaklase namin pero sa tingin ko ay hindi ganoon nag nararamdaman ko kay Cleo. Mukha siyang mapagkakatiwalaan..
"Sa soccer ka na lang. Wala pang magi-interview ro'n." Magaan ang boses niya. Kahit na pinuno namin siya, maingat siyang mag-utos sa amin. Nagbabago nga lang iyon tuwing nasasagad ang pasensya niya. "May kaibigan ako ro'n. Puwede ko siyang kausapin kung gusto mo."
"S-sige. Salamat, Cleo."
Kahit na hindi ko siya masyadong nakakausap, masasabi kong karapat-dapat nga siyang maging presidente namin. Maaasahan siyang tao. Nakikita kong tuwing may kailangan ang mga kaklase namin ay lagi siyang nakaagapay. Tuwing may lesson na hindi sila naiintindihan, si Cleo ang takbuhan.
"Isa?"
Mula sa libro ay nag-angat ako ng tingin sa lamesa ng adviser namin. Nakaupo siya roon habang ang laptop ay nasa harapan.
"Ma'am?" Isinara ko ang libro ko at lumapit sa kaniya.
"Alam mo ba kung nasaan si Cleo?"
Napatingin ako sa kabuuan ng classroom namin. Wala ang iba kong kaklase at tanging ako lang at si ma'am ang narito. "Narinig ko pong pumunta po siya sa soccer field po," sagot ko.
"Puwede ba kitang utusan muna?" Ngumiti siya sa akin nang nahihiya.
"Opo." Tumango ako. "Ano po iyon?"
"Puwede mo ba siyang puntahan at sabihing pumunta rito? Hindi ko kasi ma-contact." Ngumiti siya nang pagkatamis-tamis.
Lumabas na ako ng room namin at naglakad patungo sa alam kong pinuntahan ng presidente namin. Wala masyadong estudyante dahil maaga pa para sa panghapong klase. Iilan lang ang nakikita kong nasa paligid at mukhang mga katulad ko silang nagbaon o kumain rito.
Natanaw ko ang soccer field ngunit walang mga naglalaro iyon. Taas na taas rin ang sikat ng araw dahil tanghali na. Kawawa naman ang mga naglalaro rito. Napakainit tapos tumatakbo pa sila.
Pagkarating ko roon ay nakita ko agad sa hindi malayo ang pinunta ko. May kausap siyang lalaki ngunit nakatalikod ito sa aking direksyon kaya hindi ko makita. Nakasuot siya ng sleeveless jersey na ang kulay ay magaang asul.
Ibarra
06
"Isa!" Itinaas ni Cleo ang palad sa akin nang makita ako. "Bakit ka nandito?" tanong niya nang tuluyan na akong makalapit sa kanila.
Mabilis na humarap ang kasama niya. Nakita ko ang nakangiti niyang mukha nang magtama ang mga mata namin. Nakangiti siyang kumaway sa akin. "Susunduin mo ba itong si Cleopatra?" Pati ang boses niya ay tunog palakaibigan rin.
Siya ba iyong sinabi ni Cleo na kaibigan niyang soccer player?
Maliit akong tumango. "Pinapatawag ka ni ma'am," mahina kong saad.
Malakas niyang hinampas sa balikat ang kasama bago lumapit sa akin. "Una na kami, Ibarra!"
Hindi pa kami nakakatatlong hakbang ay nagsalita na ang lalaking iniwan namin.
"Cleopatra!"
Salubong ang kilay na lumingon si Cleo. "Ano?" angal niya.
Nang lingunin ko ang lalaki ay nakita ko siyang tinatawag si Cleo sa pamamagitan ng kamay.
Gumuhit ang isang tuwid na linya sa labi at mga mata ni Cleo bago padabog na naglakad pabalik sa kaibigan. "Kakausapin ko lang sandali itong kaibigan kong pinulot sa kanal, Isa."
Mabilis siyang binatukan ng lalaki nang malapit. Nag-usap sila kaya naman tumalikod na ako. Hindi magandang makinig sa usapan ng iba at tinatak iyon ni lola ko sa isipan ko.
Hindi nagtagal ng tatlong minuto ay bumalik na sa tabi ko si Cleo. "Tara na."
Bahagyang nakataas ang dalawang kilay ko nang nagsimula kaming maglakad. Hindi naman sa iniisip kong hindi maganda ang pinag-usapan nila pero kasi, narinig ko ang pangalan ko habang nag-uusap sila... Hindi lang galing kay Cleo kundi pati sa kaibigan niya.