Chapter 8
Goal on the Pitch
Kahit na isang semester na ang lumipas ngayong taon, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapigilang malula sa dami ng estudyante ng aming paaralan.
Halos limang minuto na akong nakapila para bumili ng tanghalian ngunit parang matatagalan pa. Nararamdaman ko ang pagdami ng estudyante. Kumabog ang dibdib ko. Alam kong hindi ngunit pakiramdam ko ay maraming matang nakatingin sa akin at hinuhusgahan ako. Tinatanong kung anong ginagawa ko rito at sinasabihang anak ng magulong mag-asawa. Bunga ng kamalian.
"Isa."
Naibalik ako sa reyalidad nang makarinig ng boses. Mula sa gilid ng aking mga mata ay may nakita akong pigura ng lalaki sa aking gilid. Matangkad ito at nang linungin ko, nakita ko ang maaliwalas na mukha ni Kyle. Nakataas ang kaniyang buhok ngayon kaya kita ang makinis niyang noo.
Ngumiti ako at muling humarap sa pila. Tumingin muli ako sa kaniya nang umayos siya ng upo sa tabi ko. Maliit na kumunot ang aking noo. "Dapat pumila ka sa likod," mahina kong sambit.
Humilig siya palapit sa akin. "Ano ulit iyon?"
Tinikom ko ang bibig at hinayaan na lamang siya sa aking tabi. Ilang minuto pa ang ginugol namin sa tahimik na pagpila hanggang sa makaabot na kami sa counter.
Pagkabili namin ay umupo kami sa isang bakanteng lamesa na nasa gilid ng pader.
"Eatwell," saad ni Kyle.
"Gano'n rin sa 'yo.."
Gaya kahapon ay tahimik lamang kaming kumain. Mukha siyang masalita at makulit gaya ni Cleo ngunit tahimik lamang siya habang kumakain kami. Binabati rin siya ng ilang dumadaan ngunit tinatanguan niya lang ang mga iyon.
"Hay, ang sarap," nakapikit na ani Kyle nang matapos kaming kumain. Nakaligpit na ang aming mga pinagkainan ngunit nagpapahinga lang kami. "Ang saya kumain."
Napangiti ako sa kaniyang tinuran. Iilan lamang ang aking kilalang nasisiyahang kumain.
"Kyle," mahina kong tawag sa kaniya.
Mabilis siyang nagmulat at tumingin sa akin. "Bakit? Bakit mo 'ko tinawag?" mabilis niyang tanong at humilig palapit.
"Ah.." Mahina kong kinagat ang pang-ilalim na labi. Nakatitig siya sa akin nang taimtim at naghihintya ng sasabihin. Hindi naman importante ang sasabihin ko ngunit gusto ko lamang siyang kausapin. Nakakahiya naman kasi. Kumakain kami nang tahimik.
"P-pumunta pala ako sa room niyo kahapon pero wala ka," mabagal kong sambit.
Maliit siyang tumango habnag may maliit na ngiti sa labi. "Ano.." Ngumuso siya. "May pinuntahan kasi ako." Nahihiya siyang tumawa. "Bakit pala?"
"Iyong sa interview bukas..." Bumaba ang mga mata ko sa lamesa. "Saan mo gustong magkita bukas?"
Sinalubong niya ang mga mata ko nang magtaas ako ng tingin.
"Do'n tayo sa komportable ka," mahinhin niyang usal.
"Ah.. P-puwede ba rito sa school?"
Kumurba sa ngiti ang kaniyang labi. "Ang weird pero sige. Kung doon ka komportable." Nagkibit siya ng balikat at tumango.
Lumikot ang aking mata at napatingin sa paligid. Maraming estudyante ang nakatingin sa direksyon namin. Hindi ko alam kung ako o ang lalaking kasama ko ang tinitignan nila ngunit sigurado akong sa direksyon namin sila nakatingin.
Napayuko na lamang ako. Nakakailang ang matignan ng maraming mata.
Nakayuko lamang ang aking mga ulo nang bumalik na kami sa aming mga classroom. Ayokong makitang may ibang nakatingin sa akin. Hindi ako komportable.
Hindi ako iyong tipo ng tao na mahilig maging center of attention. Siguro ay masaya iyon para sa ibang tao ngunit ayokong mangyari iyon sa akin. Tuwing may mga matang nakatingin sa akin, pakiramdam ko ay pinag-aaralan at hinuhusgahan ang aking pagkatao.
"Guys, 'wag niyong kakalimutan ang interview niyo tomorrow!" malakas na paalala ni Cleo sa aming mga kagrupo niya sa research nang mag-uwian na.
"Naka-schedule iyong lagnat ko bukas," birong tugon ni Sasha.
"Ay, subukan mo lang talaga," mapagbantang saad ni Cleo at binigyan ng matalim na tingin ang isa.
Humagikhik naman si Sasha. "Mag-re-report ako, leader!" Sumaludo siya at naglakad na palabas.
Isinukbit ko na ang bag ko nang maayos ko ang lahat ng gamit.
"May meeting place na kayo ni Ibarra?" tanong sa akin ni Cleo.
Tumingin ako sa kaniya at tumango. Nakasuot na rin ang bag niya at mukhang handa na ring lumabas. Sabay kaming naglakad paalis.
"Enjoy!" Kumaway siya kasabay ng kaniyang mapaglarong ngiti bago humiwalay ng daan.
Nagbuga ako ng hangin at tumingin sa paligid. Nasa daan na palabas ang karamihan at iilan na lamang ang nasa likuran. Ayoko talagang nakikisabay sa karamihan. Nakakapagod makipagsiksikan. Mas maginhawang maglakad kung maluwang na ang daan. Kailangang maghintay ngunit worth it naman.
Inilabas ko ang cellphone at hinanap ang profile ni Kyle. Pinindot ko ang maliit na kahon ng message at nagtipa ng maikling mensahe.
Hindi ko pa napipindot ang pindutan upang mai-send ang mensahe ay naramdaman ko nang may tumabi sa akin.
Nang lingunin ko iyon ay nakita ko ang lalaking sinusubukan kong bigyan ng mensahe.
"Hello, Isa!" Kumaway siya at hinawakan ang magkabilang buhatan ng bag. "Ready ka na ba for tomorrow?"
"Ah.. Hi, Kyle." Maliit ko siyang nginitian. "I-cha-chat sana kita." Pinakita ko sa kaniya ang cellphone ko kung nasaan ang aking tinutukoy. Nang makita kong tapos na siyang basahin ay agad kong binura iyon.
"Huwag mong burahin!" Lumakas ang boses niya at tumingin pa ang ilang kasabayan naming maglakad. Nahihiya siyang ngumiti. "I-send mo na lang. Para.. 'di ko makalimutan." Umabot sa kaniyang mata ang kaniyang ngiti.
"Ma.. k-kakalimutin ka?" mabagal kong tanong.
Umiling siya. "Hindi. Gusto ko lang maalala. Tsaka gusto kong..." Tinikom niya ang bibig. Nanliit ang kaniyang mga mata at tumingin sa paligid na para bang may hinahanap. "Ano, kung gusto mo, i-send mo lang. Ayos lang."
Kahit na hindi ko naintindihan ang kaniyang tinuran ay muli kong tinipa ang mensahe kanina at sinend iyon.
Mariah Isabelle Fuertes
See you bukas.
Magkalabas namin ng paaralan ay nakita namin ang mga nakaparang tricycle.
"Mauuna na ako," mahina kong paalam.
Nakangiti siyang tumango sa akin.
Sumakay lamang ako sa bakanteng tricycle.
Kumaway sa akin si Kyle bago tumingin sa drayber. "Ingat sa pag-drive, kuys."
Kasabay ng pag-andar ng sasakyan ay ang pagtunog ng notification sa cellphone ko. Tinignna ko kung ano iyon.
Cris Kyle Ibarra
Excited to see you tomorrow^^