Chapter 9
Goal on the Pitch
"Tawag ka kapag magpapasundo ka na, ah?" paalala ni Kuya Jaspi nang makababa ako ng motor niya. Itinaas pa niya ang palad sa akin.
Maliit akong tumango sa kaniya. "Wala naman akong ibang pupuntahan," mabagal kong sambit at maliit na ngumuso. Maliit akong kumaway bago siya nagpaandar at umalis na. Bahagya akong nagbuga ng hangin bago tuluyang naglakad patungo sa harapan ng paaralan namin.
Malayo pa lamang ay naaninag ko kaagad ang isang pigura ng lalaki. Nakasuot lamang siya ng simpleng puting shirt at itim na shorts hanggang sa tuhod. Bahagya siyang nakahilig sa itim na gate ng aming paaralan. Sinuklay niya ang kaniyang bagsak na buhok gamit ang mga daliri. Ilang sandali pa siyang tumitig sa gate at inayos-ayos ang buhok. Pagkaraa'y malalim siyang bumuntong-hininga at tumuwid ng tayo.
"Magandang umaga, Kyle," bati ko nang makalapit sa kaniya.
Gaya ng pataas na sikat ng araw, magaan at maliwanag ang itsura niyang nakangiti sa akin. "Good morning," matamis niyang bati. Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang aking itsura. Dumiretso sa aking mga mata ang kaniyang paningin. "Ang ganda mo."
Maliit na tumaas ang aking labi. "Ah, s-salamat." Hindi ko agad iyon nasundan. Napayuko ako nang makitang taimtim siyang nakatingin sa akin. "K-kanina ka pa ba rito?"
"Hindi naman. Sa'n tayo?"
Nagtaas ako ng tingin at pilit na sinalubong ang kaniyang mapupungay na mga mata. "Ah.. May alam ka bang lugar na wala masyadong tao?" mabagal kong tanong. Naitikom ko ang bibig.
Dapat ay inisip ko pala iyon kagabi. Dapat ay nagplano ako. Bakit ba hindi ko iyon naalala? Nakakahiya naman sa kaniya. Ako na nga ang siyang humihingi ng kaniyang oras. Paano na lamang kung may lakad pa pala siya?
"May alam ako. Tara?" Nakangiti lamang siya habnag nakatingin sa akin. Tila ba hindi problema ang hindi ko pagpaplano. "Perfect ang lugar na iyon."
Tumango na lamang ako. Wala rin naman akong alam na lugar. Kaysa naman ang patuloy kong sayangin ang kaniyang oras..
Sumunod lamang ako nang magsimula siyang maglakad. Ang akala ko ay mabilis siyang maglakad dahil mahahaba ang kaniyang mga hakbang ngunit hindi. Halos magkasingbilis lamang ang aming mga hakbang.
Tumigil kami nang marating ang isang pampublikong palaruan. Kahit na ilang metro pa ang aming layo mula roon ay abot na sa amin ang malakas na tunog na nanggagaling roon. Maraming bata ang makikitang nagtatakbuhan at nagtatawanan. Kalat na kalat at marami ring ibang naroroon na mukhang bantay ng mga bata.
Napatingin ako sa katabi ko nang marinig ko siyang bumulong.
Pinatunog niya ang dila habang dismayadong nakatingin sa harapan. Nakangiwi siyang humarap sa "Weekend pala ngayon. Nakalimutan ko. Sorry, Isa." Pinalobo niya ang kaniyang pisngi.
Ngumiti ako at umiling. "Ayos lang."
Ano ang maayos roon, Isabella? Sinayang mo ang oras niya...
Napakagat ako sa ibabang labi. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng aking mga kamay. Maliit akong nagbuga ng hangin. "Kyle.."
Humilig siya palapit sa akin.
"May ibang lugar ka pa bang alam?"
"Bakit 'di muna tayo magmeryenda?" Malawak siyang ngumiti. Nagtaas at baba pa siya ng kilay.
"Kumain na ako bago pumunta rito," mabagal kong sambit, nag-iingat na huwag siyang bigyan ng maling ideya. "At.."
"At?" Maingat na umangat ang kaniyang mga kilay.
"Ahm.." Hindi ko mahanap ang mga tamang salita kaya naman napalibot na lamang ang aking mga mata sa paligid. Kinalikot ko aking bokabularyo upang maahanap ang mga salitang gusto kong sabihin. "Hindi ako kumakain.. kapag wala pa akong natatapos."
Mumunot ang kaniyang noo. "Pero para may matapos ka, dapat kumain ka muna. Ganyan mo ba pahirapan ang sarili mo?" Ngumuso siya.
Umiling ako. "Hindi naman. Kumakain ako bago magtrabaho."
Marahan siyang tumango.
"Pero kung gusto mong kumain, ayos lang. Ikaw na lang muna," habol ko. Ayos lang naman sa akin kung mas gusto niyang kumain muna. Para may pagkakataon na rin ako para mag-isip ng lugar na maaari naming puntahan.
"Hindi na. Sabay na lang tayo mamaya." Muling lumiwanag ang kaniyang mukah. Tumingin siya sa paligid na mukhang may hinahanap. "Sa'n pa ba puwede? Gusto mo ba iyong tahimik at wala masyadong tao?" Bumalik sa akin ang kaniyang mga mata.
Tumango lamang ako.
"May alam ako. Tara?"
Hindi ako umangal nang maglakad siya. Hindi ko mawari kung bakit ngunit bumalik sa aking alaala ang nangyari kanina. Paano kung may mga tao ulit sa pupuntahan namin? Ayoko nang sayangin pa ang kaniyang oras.
Napahinto ako sa paglalakad at ganoon rin siya.
"Bakit?" tanong niya sa akun.
"Ano.." Lumunok ako. Paano kung masamahin niya ang sasabihin ko..? "S-sigurado ka ba sa.. p-pupuntahan natin?"
"Oo," tugon niya nnag may kasamang pagtango. Tumingin siya sa akin nang maigi at mukhang inaaseso ang aking ekspresyon. "May tiwala ka ba sa 'kin?"
Hindi ako kaagad nakasagot. Bakit naman niya iyon natanong..?
"May tiwala ka ba kay Cleo?"
Kahit na amy pag-aalangan ay mabagal akong tumango nang isang beses sa kaniya.
"May tiwala siya sa' kin," bulalas niya. Wala sa kaniyang tono ang dismaya o sakit. "Kaya ka nga niya binigay sa kin, eh. Kaya sana, magtiwala ka rin sa 'kin." Muli niyang ipinakita sa akin ang kaniyang ngiting matamis.
"Hm." Muli akong tumango at ngumiti. Tama. Para hindi na tuluyan pang masayang ang kaniyang oras.
Sa gitna ng aming paglalakad ay bigla siyang huminto kaya napahinto na lang rin ako. Pagtingin ko sa aming harapan ay naramdaman ko ang pagtatanong sa aking sistema. "Kyle," nag-aalangan kong tawag sa kaniya.
Lumingon siya sa akin. "Ayos lang. Hindi naman natin kakainin agad, eh. Kainin natin pagkatapos." Binigyan niya ako ng ngiting pagpapanatag bago niya hinila ang pintuan ng isang grocery shop.
May punto siya..
Tinignan niya ako at iginaya ang ulo sa loob. Nauna akong pumasok at sumunod naman siya.
Modern at minimalistic ang disenyo ng loob. Puti ang dingding, puti ang tiles, at pati ang mga stall ay puti rin ang kulay.
Mabilisan lamang kaming pumili ng aming bibilhin. Chips cracker at soda ang kaniyang binili. Ako naman ay cookies lamang at gatas.
"Bakit 'di ka mag-record through video?" tanong niya nang makalabas kami ng grocery store. Nagprisinta siyang buhatin ang aming mga pinamili.
"Ah.. Hangga't nakukuha ko ang mga sagot mo, ayos na iyon," sagot ko habang nakatingin sa aming dinaraanan. Wala talaga akong ideya sa aming pupuntahan. Habang palapit kami nang palapit sa sinabi ni Kyle na pupuntahan namin ay kumukonti rin ang bilang ng mga tao.
"Hindi mo na kailangang kunin ang expressions? Malay mo, makakuha ka rin ng hints at answers sa mukha na hindi mo maririnig sa bibig."
Napatango ako sa kaniyang pahiwatig. Body language.. "Ayos lang ba iyon sa 'yo?"
"Pero," pinaglapat niya ang mga labi, "ibig sabihin no'n ay mapupunta itong mukha ko sa gallery mo, ano?" nanlalaki ang mga mata niyang tanong. "Nahihiya yata ako," biro pa niya at tumawa.
Mahina akong nagpakawala ng tawa.
Kumunot ang aking noo nang makitang parang papunta sa isang burol ang daang tinatahak namin. Tama nga ang hinala ko nang binuksan ni Kyle ang isang maliit na gate.
"Kyle, hindi ba't trespassing ito?" nag-aalangan kong tanong. Baka makulong kami bigla.
Umiling siya. "Amin naman 'to, eh."
Muntik nang malaglag ang aking panga sa kaniyang sinabi. May kaya sila..?
Hinawakan niya ang aking palapulsuhan at maingat na hinila papasok. Isinara niya ang maliit na gate bago kami tuluyang naglakad paakyat.
Wala masyadong nakakalat na dahon. Wala ring malalaki at naliligaw na mga dahon. Malinis at pantay-pantay ang pakakaputol nila.
Nahulog ang aking puso nang makita ang tanawin. Napakaganda na hindi kaysa ang aking bokabularyo upang ilarawan ito. Hindi ko namalayan ang sariling nabighani sa magandang asul na kulay ng kalangitan na sinamahan ng iba't ibang disenyo at hugis ng mga ulap.
"Ang ganda 'no?"
Lumingon ako kay Kyle. Mula sa akin ay pumunta sa kalangitan ang kaniyang paningin.
"Nong langit," saad niya. "'Di ba ang ganda?"
tumango siya at tumingin ulit sa kalangitan.
Nakangiti akong tumango at ibinalik ang tingin sa tinutukoy niya. "Hm. Napakaganda.. kahit na simple lang."
"At tahimik."
Naghanap si Kyle ng malaking bato na siyang ginamit namin pagtayuan ng cellphone ko.
Umupo lamang kami sa ilalim ng isang malaking puno kung saan ay hindi against the light ang likuran namin.
"As a star player.." Tinignan ko siya at nakitang nakatingin lang siya sa akin. "How do you handle the pressure from people around you? Coaches, teammates, fans, friends, family, teachers, classmates..?" Maingat lamang ang aking pagsasalita dahil gusto kong malinaw sa kaniya ang aking mga sinasabi.
Binigyan niya ako ng bread smile. Ang katawan niya ay unti-unting humarap sa camera. "Para sa akin, depende kung pa'no mo tignan. I mean, oo, marami talagang expectation sa paligid ko lalo na at binansagan pa akong star player." Mahina siyang tumawa. "Pero sinusubukan kong mas mag-focus sa love at support sa likod no'n."
Napatango ako sa sinabi niya. Love at support sa likod ng pressure... Ang ganda no'n.
"Ang motto ko kasi sa buhay, one at a time." Humarap siya sa akin. May kakaibang ngiting naglalaro sa labi niya. "One game at a time, one play at a time. Madali lang naman kung iisipin, eh. Hinga ng malalim." Huminga siya nang malalim. "Manatili sa kasalukuyan, at ipaalala sa sarili kung bakit nga ba ako nag-umpisang maglaro... Gusto ko 'to. Masaya ako rito. Passion ko 'to. Mahal ko 'to at gusto ko iyong pakiramdam tuwing pumapasok ang team namin sa pitch at ginagawa namin ang mga best namin."
"Tuwing parang lumalaki ang pressure sa 'kin, pinapaalalahanan ko lang ang sarili kong hindi ko naman kailangang maging perpekto, eh. May solid team kami, cool na coach, mga kaibigan na sumusuporta sa akin. At ang pamilya ko? Number one at biggest fans ko sila. Grateful ako sa suporta ng lahat kaya sinusubukan kong ibigay ang best ko. Hindi lang para sa kanila kundi dahil alam kong magsisisi ako kapag hindi." Binigyan niya ako ng matamis at kontentong ngiti
"Pero syempre, nagkakamali pa rin ako," mabilis niyang bawi. "Nagkukulang pa rin ako. Palagi. Kung hindi, aba! Perpekto na ako!"
Halos sabay kaming natawa sa kaniyang tinuran. Kahit sa gitna ng pagiging seryoso, naisisingit talaga niya ang mga ganoong banat..?
"Sa huli naman, passion at pagmamahal ang nagpapanatili at nagpapaalala sa 'kin kung bakit ako nandito," dugtong niya. "Isa pa, iyang pressure na iyan? Mga ingay na kailangang patahimikin. At ang pagmamahal ko ang nagpapatahimik sa mga iyon. Naglalaro ako para sa sarili, sa team, sa pamilya, at sa pagmamahal sa ginagawa ko."
Napangiti ako. Nagsasalita siya na puno ng pagmamahal. Sigurado siya sa mga sinasabi at walang pag-aalinlangan. Ang mga mata niya ay puno ng pag-aalab sa pagmamahal sa bawat salitang binibitawan niya.
"Napaka-healthy living mo pala," ani Kyle nang tignan niya ang ang sachet ng chips na aking kinakain. "Gusto mo tikman?" Inilapit niya sa akin ang chips cracker na kinakain.
Nakangiti akong umilinh. "Hindi naman sa gano'n. Ayoko lang talaga sa lasa ng junkfoods," mahina kong sambit. "Mas gusto ko ng matatamis."
Nakita kong may sinulat siya sa isang notebook kaya napaiwas ako ng tingin. Saan siya nakakuha ng notebook? Wala naman siyang bag..?
"Salamat sa time, Kyle." Ngumiti ako sa kaniya. Huminto kami nang makarating sa tapat ng isang convenience store. Dito kasi ako susundin ni Kuya Jaspi.
"Salamat din, Isa," ganti niya at sinagot ang aking ngiti nang matamis. "Next time ulit, ha? Goodie byie!" Masigla siyang kumaway.
"Hm. Paalam." Maliit akong kumaway.
Tuluyan na siyang naglakad. Kahit noong makatalikod siya sa akin ay patuloy pa rin siya sa pagkaway sa akin.