Chapter 7
Goal on the Pitch
"Good morning, Isa!" masiglang bati sa akin ni Cleo nang makalapit ako sa kaniya. Nakaupo lamang siya sa labas ng pinto ng classroom namin. Kumaway siya sa akin at ngumiti ng tunay na malapad.
Hinihintay ba niya ang bawat estudyante sa room namin at isa-isang babatiin?
Maliit akong ngumiti pabalik. "Magandang umaga, Cleo." Pumasok na ako sa loob. Napatingin ako sa kaniya nang marinig ang paghabol sa akin.
"Kamusta ang interview niyo kahapon ni Ck? Ayos ba?" Mabilis siyang umupo sa kaniyang upuan na katabi lang ng akin. Humarap siya sa akin nang buo.
"Hm. Naging maayos naman," sagot ko at tumango. Inayos ko ang mga gamit sa aking upuan.
"Kamusta si Ck?"
"Ha?" Muli akong napatingin sa kaniya. Ang akala ko ay magkaibigan sila..? Hindi ba?
"Ang ibig kong sabihin, ayos ba siyang kasama? Hindi ba siya weird o awkward?" Tumingin siya sa kin nang diretso at mukhang gusto talagang makuha ang sagot sa kaniyang tanong.
"M-maayos naman siyang kasama,"Â sagot ko na lamang.
"Ganon ba..?" Kumunot ang noo niya kasabay ng pagtingin sa bintana. "Enjoy kayo sa next interview niyo."
Ang akala ko ay doon na iyon matatapos dahil umayos na siya ng pagkakaupo ngunit hindi pa pala.
"Sa Sabado iyon, 'di ba?" Lumingon siya sa akin nang may maliit na ngiti. "May napag-usapan na ba kayo kung sa'n kayo magkikita?"
Nagtikom ako ng bibig. "Wala pa." Hindi namin iyon napag-usapan kahapon. "Pero tatanungin ko siya," dagdag ko.
Tumango siya. "Sabihan mo lang ako kung may complications."
Natapos ang aming pag-uusap nang dumating ang aming guro. Hindi naman niya sinubukang makipag-usap sa akin habang may gurong nagtuturo dahil nasa harap ang buo niyang atensyon.
Hindi ko mapigilang hanggaan ang pagkatao niya. Palakaibigan siya at mukhang comfort person. Tapos seryoso pa siya sa pag-aaral.
Palabas na sana ako ng aming classroom dahil recess na ngunit narinig ko ang boses ni Cleo sa likod ko. Tumigil ako at nakitang tumabi siya sa akin.
"Pupunta ka sa room nina Ck?" tanong niya nang magsimula kaming maglakad.
"Hm." Tumango ako.
"Sabay na tayo."
Hindi na ako umangal pa. Sabay naming tinahak ang building nina Kyle. Halos wala na masyadong estudyante roon at iilan na lamang. Dumiretso kami sa kuwarto ng kaibigan ng kasama ko.
Agad na napatingin sa gawi namin ang mga estudyante sa loob ng kuwarto nila Kyle.
"Bakit?" maangas na tanong ng isang babaeng may hanggang leeg ang buhok. Siya rin iyong babaeng kumausap sa akin noong pumunta ako rito. Tumingin siya sa direksyon ko at ngumiti. Isang beses rin siyang nag-taas ng kilay.
"Si Ibarra?" tanong ni Cleo at inilibot ang tingin sa loob ng kuwarto.
Nang ilibot ko ang tingin ay wala akong nakitang Kyle.
"Kanina pa iyon umalis," diretsong saad no'ng babae.
"Kumaripas pa nga iyon ng takbo, eh," sambit namna ng isa pang babaeng may mahabang buhok na nagkikinis ng kuko. "Kala mo naman si Flash o Sonic Dash. Kung sabagay, mabilis naman siya tuwing naglalaro."
Ngumuwi si Cleo. "May alam ka ba kung nasaan iyon?" tanong niya sa akin ng tanong na sa tingin ko ay ako dapat ang nagtatanong.
Umiling lamang ako. Hindi naman kasi malapit sa isa't isa para malaman kung nasaan siya ngayon. Dapat nga ay siya itong may ideya dahil sila ang magkaibigan. Kung may ideya man ako, isa lang iyon ngunit siguradong wala siya roon.
"Nga pala, June," aniya nang muling tumingin sa loob.
"Ano?" salubong ang kilay na tanong no'ng may maliit na buhok.
"Kita kits." Kahit na mapaglaro ang ngiti ni Cleo ay may halo pa rin iyong tamis.
Lalong kumunot ang noo ng babae. "Kita kits mo mukha mo!" Ibinalik niya ang tingin sa laptop na nasa kaniyang lamesa.
Mukha siyang masungit at makikipaglaban kung kailangan pero alam kong mabait siya. Alam ko iyon dahil minsang ko nang naranasan ang kabaitan niya.
Narinig ko ang munting halakhak ni Cleo bago ito tumingin sa akin. "Sa canteen na tayo?" tanong niya sa akin na tinanguan ko lamang.
Wala naman ang pinunta namin rito. May klase pa kami kaya dapat na kumain para hindi masyadong mahirapan ang utak. Importante ang pag-aaral ngunit mas importante ang kalusugan. Iyan ang palaging paalala sa akin nina Kuya Jaspi at lola.
Pumila lamang kami. Kahit noong makaupo kami ay hindi pa rin namin nahagilap si Kyle. Si Cleo kasi, panay tingin sa paligid para hanapin ang kaibigan.
"Baka nasa soccer field lang iyon," aniya nang maglakad na kami pabalik ng classroom. "Puntahan mo na lang mamayang lunch. Kung gusto mo naman, pwede ko siyang tawagan."
"Huwag na. Icha-chat ko na lang siya mamaya," saad ko at tumingin sa daang dinaraanan namin.
"Mas maganda iyang naisip mo."
Maliit akong ngumiti. Hindi ko alam kung bakit ako sinasamahan ni Cleo pero nagpapasalamat ako.
"Nagkita ba kayo ni Ck?" tanong agad ng isang kaklase namin nang makatapak kami sa loob ng classroom.
"Hindi. Wala nga siya sa room nila o sa canteen," sagot ni Cleo na mukhang nagrereklamo pa. "Bakit?"
Tumungo ako sa aking upuan habang si Cleo naman ay nanatili roon upang kausapin ang aming kaklase.
"Pumunta siya rito pagkaalis niyo," nguso ng kaklase namin. "Mukhang hinihintay ka nga, eh pero sinabi kong lumabas ka na. Ayon, tumakbo."
Naramdaman ko ang bahagyang pagtaas ng aking mga kilay. Hindi ko naman intensyong makinig sa kanilang pag-uusap ngunit malakas kasi ang mga boses nila kaya hindi ko mapigilang marinig.
"Bakit raw?"
"Ewan ko lang. Pero tinanong niya rin si Isa eh."
Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko siyang tumingin sa aking direksyon.
"Baka tungkol do'n sa interview niyo."
Inabala ko na lamang ang sarili sa pagbabasa hanggang sa dumating na ang aming guro. Mabilis naman iyong nawala sa aking isipan dahil sa lesson namin.
Maagang natapos ang huling guro namin kaya halos wala pa masyadong estudyante sa canteen. Nagawa kong pumila at makaupo sa isang lamesa. Mabilis lang naman akong kumain kaya't hindi ako aabutan ng alon ng estudyante.
"Pwedeng maki-share?"
Napaangat ako ng tingin nang may lumapit sa aking lamesa. Nagsalubong ang aming mga mata. Nakangiti siya nang matamis habang hawak ang isang tray. Bukas ang unang tatlong butones ng kaniyang uniporme kaya kita ang kaniyang panloob na puting damit. Maluwang din ang pagkakaayos sa kaniyang necktie na nasa gilid.
"Wala kasing maupuan."
Bahagyang tumaas ang aking kilay sa kaniyang sinabi. Kusa ang aking ulo na napatingin sa paligid. Hindi ba masyadong marami ang estudyante kaya naman marami pang bakanteng lamesa.
"Ayos lang," mahina kong sambing at binigyan siya ng munting ngiti.
Umupo siya sa katapat kong upuan. Tahimik lamang kaming kumaing dalawa. Tinuro sa akin ng lola ko na huwag magsasalita sa harap ng pagkain. Maaari lamang gawin iyon kapag tapos na ang lahat na kumain.
"Nag-enjoy ako sa lunch!" masigla siyang sambit nang matapos kaming kumain. Hinimas niya nang pabilog ang kaniyang tiyan.
Ngumiti ako sa kaniya. Nag-enjoy siya ngunit ang thaimik naman namin..? Inayos ko na ang aking pinagkainan at nakita kong ganoon rin siya.
"Sabay ulit tayo bukas, ha?" tanong niya nang tumayo na kami. Binitbit niya ang aming pinagkainan habang naglalakad kami pabalik sa counter.
Huh? May mga kaibigan naman siyang puwedeng kasabay..? "S-sige. Ayos lang."
Lumawak ang kaniyang ngiti. "Yown! Kita kits!"