Chapter 6
Goal on the Pitch
"Let's continue our discussion tomorrow," anunsyo ng guro namin sa harapan nang mag-ring ang bell, hudyat na tapos na ang klase namin sa hapon. Nang makalabas siya ng kuwarto ay sumunod na rin ang ilang mga kaklase ko.
Mabilisan ko lamang na inayos ang gamit ko. Inilabas ko ang ilang libro na hindi muna kailangang basahin. Isinukbit ko na ang aking bag at binuhat ang mga libro. Naglakad ako palabas ng aming kuwarto at tinungo ang mga locker.
Nakayuko lamang ako habang naglalakad. Iilan lamang ang naabutan kong estudyante sa locker area. Dumiretso ako sa aking locker. Inilagay ko sa isang kamay ang mga libro at inabot ang locker ko na medyo mataas ang kinalalagyan. Hindi kasi mahahaba ang locker rito kundi maliliit lamang na tila kahon.
Bahagya akong tumingkayad upang ilagay ang mga libro sa locker. Mabigat iyon at naramdaman ko ang bahagyang panginginig ng aking mga kamay.
Mula sa gilid ng mata ay nakita ko ang dalawang estudyanteng nakatingin sa akin. Ang kabog sa dibdib ko ay dumoble nang dumulas mula sa aking hawak ang mga libro. Wala na akong nagawa pa kundi ang takpan ang aking ulo gamit ang mga palad.
Dali-dali akong lumuhod upang pulutin ang mga nahulog na gamit. Nararamdaman ko ang nakapapasong tingin ng ilang estudyante sa paligid. Nanginig ang aking mga kamay kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko.
Kailangan kong bilisan. Baka husgahan nila ako at sabihing hindi nag-iingat.
Napatigil ako nang may lalaking lumuhod sa harapan ko at siya na mismo ang pumulot ng mga gamit ko. "Ayos ka lang ba?" tanong niya at tumingin sa akin.
Gusto kong maiyak sa lamlam ng boses niya.
Tumayo ako kaya naman ganoon din siya. Sinubukan kong kunin ang mga libro ko ngunit ipinasok na niya ang mga iyon sa locker ko. Mahina niyang isinara ang pinto noon. Ginawa niya iyon nang walang hirap. Para ginawa ang locker ayon sa kaniyang tangkad.
"S-salamat, Kyle," bulalas ko nang mahina.
Humilig nang bahagya sa kaliwa ang kaniyang ulo nang tumingin siya sa akin. Ang mga mata niya ay tila ba sinusuri ako. "Hindi ka ba nasaktan?" Maliit siyang umiling habang nakataas nang maliit ang mga kilay.
Tinikom ko ang bibig tsaka umiling. "H-hindi naman."
"Bakit hindi ka makipagpalit ng locker?"
"Nakakahiya," mahina kong sagot sa kaniya. Hindi ko iyon magagawa. Pinalaki akong maging kontento sa kung anong binigay at mayroon ka. Hangga't makatarungan iyon at hindi ka inaapi.
Ngumuso siya. "Gusto mo ako na lang kumausap?" alok niya na tila ba isa akong kaibigan sa kaniya at nag-aalala siya.
Marahan akong umiling. "Hindi na kailangan."
Tumitig siya sa akin nang halos sampung segundo bago siya nagbuga ng hangin. Tumango siya. "Saan mo gustong mag-interview tayo?"
"Ah.." Kahapon pa ako nag-iisip ng maaaring lugar kung saan namin gagawin ang panayam ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong maisip. Hindi ko naman magawang magtanong kay Cleo dahil masyado na siyang maraming nagawa para sa akin. "Ayos lang sa akin kahit saan." Iyon na lamang ang sinabi ko.
Muli siyang ngumuso at tumingin sa paligid. "Gusto mo sa pitch?" tanong niya nang bumalik sa akin ang mga mata.
"P-pitch?" naguguluhan kong tanong. Hindi ba sa music iyon?
Nahihiya siyang ngumiti at kinamot ang batok. "Sa soccer field, I mean."
"Hm, ayos lang." Tumango ako ng dalawang beses. Iyon pala ang tawag ro'n? Pitch?
Naglakad kami patungo sa tinawag niyang pitch. Ang lugar na iyon ang kung saan palagi silang nage-ensayo. May mga estudyante kaming nakasalubong at halos lahat sa kanila ay nginitian o binati ang kasama ko. Sikat ba siya?
Nang marating namin ang soccer field ay walang tao roon o estudyanteng naglalaro. Payapa at tahimik. Umupo kami sa isang bench na nasa ilalim ng puno. Dito rin ako umupo kahapon.
Inilabas ko ang cellphone ko. Naglabas rin ako ng notebook at tsaka ballpen. "I-re-record ko ang interview," pagpapaalam ko. "Ayos lang ba?" Bahagyang nakaharap sa kaniya ang aking katawan at ganoon rin siya.
"Sure, sure. I don't mind," mabilis niyang sagot. Pagak siyang napatawa pero agad rin niya iyong binawi. "Wow, English."
Bahagyang umangat ang gilid ng aking labi. "Hindi tayo aabutin ng isang oras kaya mabilis lang." Kinalikot ko ang aking cellphone upang ayusin ang recording.
"Huwag kang magmadali. Marami akong oras para saâ"
Nag-angat ako ng paningin ng hindi niya tinapos ang sinasabi. Nakadekuwaro ang kaniyang mga hita at ang isang bisig ay nakapatong sa likod ng bench. "Para sa interview."
Tumango ako. Inilapag ko ang aking cellphone sa pagitan namin. Pinulot ko na ang notebook at ballpen, at naghanda nang magsulat.
"Magandang hapon, Kyle," mabagal kong bati.
"Pakalalim," banggit niya. "Magandang hapon rin, Binibining Isabelle."
"How do youâ"
"Mahirap ba?" tanong niya bago ko pa maipagpatuloy ang sinasabi. Nanlaki ang mga mata niya.
Ngumiti ako at umiling sa kaniya. "Hindi naman. Kailangan mo lang sagutin base sa personal na buhay.. At wala namang tama at maling sagot rito. Kailangan, totoo ka sa sarili mo."
Pumorma ng maliit na bilog ang kaniyang labi bago tumango. "Ge, ge." Tinaas niya ang hintuturo sa akin.
Muli akonh tumingin sa aking notebook. "How do you manage the balance between academics and being an athlete or soccer player?" basa ko sa tanong.
Ngumuso siya at tumingin sa harapan namin. Tinangal rin niya ang kamay na nakapatong sa bench. "Minsan mahirap, lalo na kung malapit na ang laban. Naku, bugbog talaga mga katawan namin sa pagpa-practice. Pero, sinusubukan ko namang gumawa ng schedule. Kunwari ngayon, walang practice sa hapon. Edi matatanong ko ang mga teacher namin sa hapon kung anong mga kulang ko para alam ko ang gagawin. Kapag may free time naman, sinusubukan kong magbasa ng mga lesson na wala ako. Minsan, extra soda lang katapat ko."
Nagawa naming tapusin ang interview nang maayos. Nakakatuwa dahil parang kaibigan lang akong kausapin ni Kyle kahit na hindi naman talaga kami malapit sa isa't isa. May mga naibabahagi siya sa aking parte ng childhood niya.
"Salamat sa time, kyle," nakangiti kong sambit habang nililigpit ang mga gamit ko.
"Salamat din!" masigla niyang balik. "Teka, aalis ka na?"
"Ah, oo." Isinukbit ko ang bag at tumingin sa kaniya.
May nakikita akong kakaiba sa kaniyang mukha ngunit hindi ko masabi kung ano.
"Sabay na tayo," aniya at ngumiti nang malawak.
Hindi na ako umangal pa dahil pareho lang naman kaming uuwi at iisa lang naman ang daraanan namin.
Tahimik lang kami sa paglalakad. Paligid lamang ang maingay. Nakahawak ako sa magkabilang strap ng aking bag upang suportahan ang aking likod sa bigat.
"Hindi ba mabigat ang bag mo?" biglang tanong ng kasama ko. "Parang ang daming laman."
"Hindi naman masyado." Sinubukan kong lakasan ang aking boses para kahit papaano ay marinig niya ang sinasabi ko.
"Nilagay mo na iyong mga gamit mo sa locker, 'di ba? Dapat, 'di ka na masyadong nabibigatan pa." Kunot ang noo niya habang nagsasalita.
"Ayos lang. Sanay naman ako." Maliit akong ngumiti.
"At nakakainis iyon." Mayroong pagkadiin sa kaniyang boses. "Huwag mong sanayin ang sarili mong nahihirapan."