Back
/ 38
Chapter 7

Chapter 5

Goal on the Pitch

Para sa isang taong hindi marunong mangumbinsi, nagpapasalamat ako dahil wala namang naging kondisyon si Crisostomo nang permahan niya ang consent form. Siguro ay dahil kinumbinsi na siya ni Cleo.. at nagpapasalamat rin ako roon.

Nang matapos akong makakain ng tanghalian at nakapahinga na, tumayo na ako at tinungo ang classroom ni Crisostomo. Hindi na ako nahirapan pa dahil naitanong ko na ito kay Cleo kanina.

Nang marating ko iyon ay agad akong sumilip sa loob. May ilang estudyante na roon ngunit wala ang hinahanap ko. Aalis na sana ako nang may kumaway sa akin mula sa loob. Ang hanggang leeg niyang buhok ay kumaway rin sa akin nang tumayo siya at naglakad sa patungo sa akin.

"Sino hanap mo?" tanong niya at nagtaas ng dalawang kilay. May pagkarahas ang kaniyang boses ngunit parang normal lang naman iyon.

"Ah.." Nang wala akong makapang salita ay umiling na lamang ako. Hindi ko puwedeng sabihin ang sadya ko dahil baka magka-issue. Nakakahiya.

Bahagya akong yumuko sa kaniya bilang pagpapasalamat at pagpapaalam bago tumalikod. Naglakad lamang ako pabalik sa classroom namin habang nakayuko. Wala akong ideya kung saan siya puwedeng pumunta. Tatanungin ko na lamang si Cleo.

Tsaka lamang ako nag-angat ng paningin nang makapasok sa classroom. Kaagad na hinanap ng mga mata ko ang aming presidente. Natagpuan ko siya sa gilid ng bintana at nakikipagkulitan sa ilan naming kaklase.

Lumapit ako sa direksyon niya. Dahil hindi ko maapawan ang kanilang mg aboses, ginamit ko na lamang ang aking hintuturo upang kalabitin si Cleo nang mahina sa kaniyang likod.

Tumigil siya sa ginagawa at humarap sa akin. "Ano iyon, Isa? May problema ba?" Ang kaniyang boses na nakikipagbiruan kanina ay naging malamyos sa akin.

"Alam mo ba kung nasaan si Crisostomo?" mabagal kong tanong. Ang akala ko ay hindi niya narinig iyon ngunit sumagot naman siya.

"Galing ka sa room nila?" taas ang kilay niyang tanong. Naglakad siya palayo sa mga kaklase namin kaya sumunod ako.

Maliit akong tumango sa kaniya nang huminti kami sa malayo.

"Naku! Wala talaga iyon sa room nila ngayon." Naningkit ang mga mata niya. "Baka nasa canteen o 'di kaya, sa ground iyon ngayon." Bumalik sa dati ang mga mata niya nang tumingin sa akin. "Bakit pala?"

"Hm.. K-kakausapin ko sana siya tungkol sa schedule ng.. interview namin." Tinikom ko ang labi.

Sanay naman akong kausap ang mga kasama ko sa bahay ngunit tuwing ang ibang tao na ang kausap ko ay kinakabahan ako.

"Sige, tawagan ko lang." Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa at ginawa na ang sinabi.

"Huwag na," mabilis kong pigil. Nahulog ang tingin ko sa sahig. "Baka maabala ko lang siya. Pupuntahan ko na lang siya mamayang hapon."

"Ano ka ba, hindi ka abala para sa kaniya."

"Huh?" Napaangat ako ng tingin sa sinabi niya.

"Tatawagan ko lang."

Wala na akong nagawa pa nang mag-ring iyong cellphone niya ng tatlong beses bago may sumagot. Itinapat na niya sa tainga ang cellphone. "Sa'n ka? Libre ka ba ngayon?"

Nag-iwas na lamang ako ng tingin habang hinihintay silang matapos na mag-usap.

"Kakausapin ka sana kasi ni Isa, eh. Sige." Ibinaba na niya ang iyon tsaka tumingin sa akin. "Nasa grounds lang siya. Sa harap raw ng building natin, nakaupo. Gusto mo bang samahan kita?"

"Hindi na." Mabagal akong umiling. "Ako na lang. Kaya ko naman. Salamat, Cleo."

Paalos na sana ako nang may maalala. "Siya nga pala.."

Tumingin siya sa akin nang may pag-aantabay.

"Ano palang pangalan niya sa Facebook? Para ma-contact ko sana siya.. Ayos lang bang tanungin ko iyon sa 'yo?"

Pumorma ang isang mapaglarong ngiti sa kaniyang labi. "Sobrang ayos iyon! Akin na cellphone mo."

Tinungo ko ang bag at kinuha roon ang cellphone. Binigya ko iyon kay Cleo. Nang matapos siya sa pagkalikot ay binalik na rin niya sa akin iyon.

"Salamat, Cleo. Una na ako." Binigyan ko siya ng maliit ngunit totoong ngiti bago lumabas ng classroom.

Habnag naglalakad ay tinignan ko ang aking cellphone. Naroon ang profile wall na nilagay ni Cleo.

Cris Kyle Ibarra (Ck)

06

boss sipa

Hindi ko muna pinindot ang kahon na magiging paraan para maging magkaibigan kami ni Crisostomo kung tatangapin niya. Hindi ako sigurado kung ayos lang ba itong pindutin dahil magiging intervewee ko lang naman siya..

Ngunit baka kasi kailanganin ko siyang i-contact sa hinaharap tungkol sa interview.

Pagkalabas ng building ay hinanap ko agad ang pigura niya. Bagsak ang buhok, naka-jersey o jacket, shorts, at mataas na medyas.

Bumagsak ang balikat ko nang wala kong makitang ganoon. Nasaan kaya siya rito? Mas mabuti kaya kung pumayag na lamang ako sa alok ni Cleo kanina na samahan ako? Ngunit nakakaabala naman.

Nang itaas kong muli ang aking ulo ay lumandas ang aking paningin sa isang lalaking nakaupo sa isang lamesa na nakapalibot sa isang malaking puno. Nakapatong ang kaniyang mga paa sa upuang gawa rin sa kahoy habang ang kaniyang mga kamay ay hawak ang isang cellphone. Napansin ko ring mayroong itim na relo ang nakasuot sa isa niyang palapulsuhan.

Naningkit ang mga mata ko. Siya ba iyon? Si Crisostomo ba iyon? Nakasuot siya ng t-shirt na may logo ng eskwelahan namin sa gitna na naternuhan ng pantalon.

Oo nga pala. Wala nga pala silang ensayo tuwing umaga.. Nawala iyon sa isipan ko.

Malalim akong nagbuga ng hangin. Tinipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko upang tukuyang pindutin ang maliit na kahong iyon. Maliit akong ngumiti. Magaling, Isa.

Pinatay ko muna ang hawak na cellphone upang naglakad patungo sa lalaki ngunit nang itaas kong muli ang paningin ay nakita ko siyang bahagyang nakatayo habang sumusuntok sa hangin. Malawak rin ang kaniyang ngiti at paulit-ulit na sumisigaw ng, "Yes!"

Nagsitinginan ang ilang estudyante sa kanila at ngumiti lang.

Saka lamang ako nagdesisyong lapitan siya nang makita siyang huminahon at muling umupo sa lamesa.

Nang makarating ako sa harapan niya ay kaagad siyang bumaba ng lamesa at tumayo sa harap ko.

"Hi!" Munti siyang kumaway sa akin.

Ginantihan ko ang kaniyang ngiti. "Magandang hapon," mahina kong bati.

"Good afternoon!" masigla niyang bati pabalik. "Upo tayo." Umupo lang ako sa kaniyang tabi nang mauna siyang maupo.

"P-puwede na ba nating.. pag-usapan ang schedule ng interview?" Naramdaman ko ang bahagyang pagtaas ng aking dalawang kilay.

Matamis siyang ngumiti at parang batang tumango. "Tanong ka lang. Sasagutin agad kita."

"Gusto ko lang sanang malaman.. kung anong araw ka libre."

"Lagi akong libre."

"Hm?"

Umiling siya at umayos ng upo. Tumikhim muna siya. "Every afternoon lang ang practice namin ngayon since hindi pa naman malapit and next season. Tapos tuwing Miyerkules, rest day namin iyon. Pati Sabado tsaka Linggo," litanya niya sa tonong parang nagkukuwento lamang siya sa kaniyang nakababatang kapatid dahil sa tamis at lamyos ng kaniyang boses.

Tumango ako. "Apat na.. session ang magiging interview natin. At dalawang linggo iyon, ayos sa consent form," maingat kong sambit.

Sunod-sunod siyang tumango. "Anong araw mo ba gusto mo?"

"Ayos lang ba sa iyo ang hapon ng Miyerkules at umaga ng.. Sabado?"

Muli siyang tumango na parang bata. Nakatikom rin ang bibig niya at bahagyang lumobo ang pisngi. "Komportable ka ba sa mga araw na iyon?"

Hindi ba ay dapat siya ang tanungin ko noon? Kahit ganoon ay tumango na lamang ako. "Ikaw..? Komportable ka ba?"

Gumuhit ang maliit na ngiti sa kaniyang labi. "Komportableng-komportable."

Marahan akong tumango. "Crisostomo—"

"Kyle na lang o Ck o Cm. Kung anong gusto mo ro'n," mabilis niyang pagputol sa akin.

Tumango na lamang akong muli. "Kyle.." Nakakapanibagong tawagin siya sa ibang pangalan. "Nag-friend request pala ako sa iyo sa Facebook," saad ko. "Para sana ma-contact kita kung sakali man."

Lumawak ang ngiti sa kaniyang labi. Tumikhim siya. Nakita ko rin ang paggalaw ng bukol sa kaniyang lalamunan nang lumunok siya. "Sige, i-accept na lang kita mamaya."

Maliit akong ngumiti. "Salamat sa oras, Kyle."

Tuluyang lumabas ang kaniyang pisngi nang pinakawalan niya ang malawak na ngiti. "Walang anuman. Salamat rin."

Tumalikod na ako naglakad na pabalik sa building namin. Nang buksan kong muli ang cellphone ay bumungad sa akin ang isang notification mula sa Facebook.

Cris Kyle Ibarra accepted your friend request

10min ago

Ten minutes ago? Hindi ba iyon iyong oras na pinindot ko rin ang munting kahon ng Add Friend?

Share This Chapter