Chapter 11
Goal on the Pitch
Isinalpak ko ang headset sa aking tainga nang makatayo ako. Nagbuga ako ng hangin bago tukuyang naglakad palabas ng aming kuwarto at yinubgo ang daan papunta sa canteen.
Nang makabili ako ng pananghalian ay naglakad na ako palabas ng canteen. Mula sa gilid ng aking mga mata ay may nakita akong lalaking palapit sa akin. Nagmadali akong naglakad upang makalabas na.
Hindi naman siguro sasakit ang loob niya..?
Ayoko lang namang maging laman ng mga chismis. Ayokong pagpiyestahan ako ng mga mata ng ibang estudyante. Ayos na ako sa tahimik na buhay. Ayos na ako sa walang nakakakilala at nakakapansin sa akin. Gusto ko ang ganoon. Tahimik.
Laking pasasalamat ko nang makitang walang taong nakaupo sa bench na lagi kong pinupuwestuhan. Umupo ako roon at tahimik na kinain ang aking pananghalian. Wala masyadong dumadaan at kung mayroon man ay hindi naman nila ako tinitignan.
"Bakit diyan ka kumakain?"
Napatigil ako sa ginagawa nang marinig ang boses na iyon. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakumpirma ko kung sino ang may-ari noon. Nag-aalalang mukha ng presidente ng aming classroom ang bumungad sa aking paningin.
"Wala na bang vacant table sa loob?" tanong niya at tumingin pa sa direksyon ng canteen.
Maliit akong ngumiti sa kaniya. "Huwag mo na akong alalahanin, Cleo. Ayos lang ako rito."
Halata sa mukha niya na hindi siya kumbinsido. "Totoo ba iyan?" tanong niya habang ang mga kamay ay nasa baywang.
"Hm." Isang beses akong tumango.
Nagbuga siya ng hangin. "Hintayin mo 'ko. Babalik ako rito."
Ilang segundo pa niya akong tinitigan bago tuluyang naglakad paalis.
Bumuntong-hinga ako at napatitig sa aking pagkain. Kahapon lang ay may kasalo akong maiingay. Ngayon ay bumalik na ako sa dati na tahimik na kumakain.
"Puwede maki-share?"
Mabilis akong napaangat ng tingin nang marinig ang boses na iyon. May hawak siyang bote ng gatas sa isang kamay at food tray naman sa isa.
"Wala na kasing makakainan, eh."
Simple lamang akong tumango at umusog upang bigyan siya ng mas malaking espasyo.
"Para sa 'yo," aniya at inilapag sa gilid ko ang bote ng gatas.
May kakaiba sa awra niya ngayon. Nakangiti siya ngunit hindi kasing lawak ng mga ngiting nakikita ko sa kaniya noong mga nakaraang araw. Mukha siyang seryoso..
"S-salamat.."
Tahimik lamang kami hanggang sa matapos kami. Wala namang dumaang mga estudyante at nagpapasalamat ako roon.
Sanay ako sa ingay ngunit sa pagkakataong ito... nakakailang. Parang may mali ngunit hindi ko naman maisip kung ano iyon. Wala akong ideya.
"Ayaw mo ba sa loob dahil maingay?" pagbabasag niya sa katahimikang namamayani sa amin.
"Maraming..." Naitikom ko ang bibig. Hindi ko magawang tapusin ang aking pangungusap kaya umiling na lamang ako. "Wala."
"Maraming ano?" Humarap siya sa akin. Kinuha niya ang pinagkainan ko at ipinatong iyon sa kaniya.
Hindi agad ako sumagot. Ilang segundo.. minuto. Hindi ko alam.
"Maraming.. m-matang nakamasid, Kyle. Hindi ako komportable." Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Unang beses kong sabihin iyon sa ibang tao.
"Dahil ba sa 'kin?" kahit ang kaniyang mga mata ay kakaiba. Parang.. parang may nakikita akong sakit roon.
Mabilis akong umiling. "Hindi naman siguro." Wala siyang kasalanan roon. Hindi naman niya kasalanan na pinagtitinginan siya.
Humarap siya sa daan. Malalim siyang bumuntong-hinga bago ipinikit ang mga mata. Ipinagsiklop rin niya ang mga mata. Tumagal iyon nang ilang minuto. Para siyang may iniisip na malalim.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang bumaling siya sa akin.
"Hayaan mo, sa mga susunod na araw, hindi mo na kailangan pang magtiis sa mga mata nila."
Hindi ko naintindihan ang sinabi niya. Basta ang alam ko, para maiwasan ang mga mata ng ibang tao, ako na ang gumagawa ng paraan. Lumalabas ako at nagtutungo sa lugar kung saan maliit lamang ang makakakita sa akin.
***
Hindi ko maintindihan ang aking sarili minsan. Kahapon ay iniwasan ko si Kyle ngunit ngayon naman ay kusa ang aking mga mata na hinahanap siya.
Pumila ako sa loob ng halos sampung minuto bago ako nakaabot sa counter at nakabili ngunit hindi ko siya nakita. Hindi naman sa hinahanap ko talaga siya ngunit napansin ko lang na wala siya.
Bahagyang tumaas ang aking kilay nang makitang may lalaking nakaupo sa bench kung saan ako palaging nanananghalian. Kilala ko ang pigurang iyon..
Tumingin siya sa direksyon ko at itinaas ang palad.
Hindi ko alam kung bakit ngunit nararamdaman kong tumaas ang gilid ng aking mga labi.
Naglakad ako papunta sa bench. Bago ko pa siya mabati ay naunahan niya ako nang malawak siyang ngumiti sa akin. Bumalik na iyong ngiti niya..
"Isa!" Masigla siyang tumayo.
"Kyle.?"
"Gusto mong sumama sa 'kin?" Taimtim siyang tumingin sa akin habang ang mga mata ay tila ba kumikislap pa. "May magandang eating spot akong nahanap. Hindi malayo rito." Binigyan niya ako ng malawak at matamis na ngiti.
Hindi naman siguro iyon masamang ideya, hindi ba..? "S-sige."
Mula sa likod ng kaniyang suot na pantalon, kinuha niya ang isang plastic wrapper. Mabilis niyang ginamit iyon upang takpan ang pagkain ko. Siya na rin ang nagbuhat no'n nang maglakad na kami.
Tahimik naming tinahak ang daang papunta sa sinabi niyang lugar. Hindi ako umimik hanggang sa pumunta kami sa isang lugar kung saan ay may mga gazebo na gawa sa kahoy. Wala irn masyadong tao rito. Sa isang gilid ay may nakita akong signage.
Reading Park
"Quite is Peace."
Sa hindi kalayuan ay may nakita akong parang nakalapag na kumot sa ilalim ng isang kahoy. Paglapit namin roon ay naabutan namin si Cleo na nakaupo roon. May mga tupperware na nakalapag sa kumot kung saan nakaupo si Cleo.
"Para saan 'to?" tanong ko kay Cleo nang nagsimula siyang buksan ang mga tupperware.
Ngumiti siya sa akin nang mapaglaro. "Pampa-pogi points lang niyang si Ibarra." Sinulyapan niya si Kyle na tinatanggal ang plastic na nakabalot sa pagkain ko.
"Upo ka na, Isa. Kain na tayo," malambing na saad ni Kyle nang tumingin siya sa akin.
Umupo kahit na puno ang utak ng mga tanong. "Saan galing lahat ng ito?" hindi ko mapigilang itanong.
"Niluto namin iyan ni Cleopatra," sagot sa akin ni Kyle. Ginamit niya ang kamay upang paypayan ang mga tupperware.
May mga limang tupperware. Ang mga laman ay hotdog, ham, bacon, at buttered mixed vegetables.
"Kailan?" Nag-angat ako ng tingin sa kaniya.
"Ngayong araw lang."
"Huh?"
Tumingin si Cleo kay Kyle at ginaya ang mukha sa akin.
"Magkapitbahay kasi kami." Nahihiyang tumawa si Kyle. "Kain na tayo!"
Binigyan nila ako ng pinggan, kutsara at tinidor na dala nila kahit na mayroon naman akong food tray. Hindi na lamang ako humindi pa.
Tahimik akong kumain. Bukod sa ulam na binili ko sa canteen, kumuha rin ako noong buttered mixed vegetable na niluto nila. Masarap iyon at hindi halo-halo ang lasa. Magaling silang magluto. Siguro ay hobby nila iyon.
"Teka, huwag mo namang ubusin!" malakas na reklamo ni Kyle nang tumusok si Cleo ng hotdog kahit na may nginunguya pa ito.
Nagsalita si Cleo sa gitna ng pagnguya na halos hindi ko na naintindihan pa. "Edi kumuha ka rin!"
Paborito ba nila ang mga iyon? Hotdog, ham, bacon..? Kahit noong isang araw ay nag-aagawan rin sila ng ulam.
"Ano.." Mahina lamang ang boses ko ngunit pareho silang tumingin sa akin, parehong nagtatanong ang mga mukha. "Sabi sa signage kanina, huwag raw masyadong mag-ingay."
Halos sabay silang umayos ng upo at nagpatuloy sa pagkain. Kahit na bumalik rin sila sa pag-aalitan, nagawa naman naming kumain nang maayos.
"Gusto mo ba ang ganito, Isa?" tanong ni Kyle nang makapagligpit kami ng mga pinagkainan. "Walang masyadong tao."
"Hm. Napakatahimik. Ang ganda." Nakangiti ako habang nakatitig sa paligid. May mga punong matataas rito. Mayroon ring mga halaman. Hindi makalat ang paligid.
"Parang taste lang ni Ibarra," bulalas ni Cleo.
Napatingin ako kay Kyle. "Gusto mo rin ng tahimik?"
"Oo. Tahimik at maganda," seryoso niyang sambit habang nakatingin sa akin. Ang mga mata niya ay kumikislap at nangungusap.