Chapter 12
Goal on the Pitch
Nang matapos ang panghapong klase namin ay iniayos ko na ang mga gamit ko. Hindi nagtagal ay naubos ang mga kaklase ko sa loob ng aming classroom.
Nang malakabas ako ay mabilis akong dumungaw sa soccer field. Miyerkules ngayon ngunit nakikita kong may mga naglalaro roon. Mula kaninang pangalawang klase ng hapon nang magdatingan sila sa field at maglaro.
Ang akala ko ay araw dapat nilang magpahinga ito..
"Isa!"
Napatingin ako sa hallway nang may tumawag sa akin. Nakita ko sa hindi kalayuan si Cleo na tumakbo papunta sa direksyon ko.
"Buti naabutan kita," aniya sa gitna ng kaniyang paghinga. "Si Cokey." Tinuro niya ang soccer field kahit na naghahabol pa rin siya ng hininga.
Cokey..?
"Huminga ka muna," mahina kong sambit at pinagmasdan siya. Bahagyang kumislap ang kaniyang noong mayroong bahid ng pawis.
Tumayo siya nang maayos nang umayos ang kaniyang paghinga. "Ayos lang daw bang mausog iyong interview niyo?"
Ah.. Si Kyle.
"Hm?"
Nagbuga siya ng hangin. Ang kaniyang isang kamay ay nakahawak sa strap ng kaniyang bag. "Bigla kasi silang pinag-practice ngayong araw, eh. Baka nga ma-late pa silang matapos."
Napatingin ako sa soccer field. Sila nga iyon. Walang tigil silang naglalaro. Kanina ay may ginagawa sila kung saan ay nakapila sila sa dalawa. Iyong dalawang nasa harapan ay parang sumisipa ng bola. Ngayon naman ay naglalaro na sila sa tingin ko dahil nakakalat na ang mga manlalaro sa field.
"Ayos lang sa aking hintayin silang matapos," sabi ko nang tumingin ako kay Cleo.
"Ano?" bulalas niya. "Baka dumilim na bago pa sila matapos. Baka pagalitan ka sa inyo."
Maliit ko siyang nginitian. "Ayos lang, Cleo. Hindi ako pagagalitan."
"Sigurado ka?" taas ang kilay niyang tanong, mukhang hindi kumbinsido sa sinabi ko. "Kung gusto mo, ako na lang mag-i-interview sa kaniya. Tutal, magkapitbahay naman kami."
Naramdaman ko ang paglawak ng ngiti sa aking labi. May init na yumakap sa aking puso. "Salamat, Cleo," matamis kong sambit. "Pero ayos lang talaga. Responsibilidad ko ito bilang kagrupo mo."
Tinitigan niya ako bago nagbuga ng hangin. "Seryoso ka talaga?" Seryoso ang kaniyang boses. "Kung gusto mo iyong alok ko, huwag kang mahiyang sabihin sa akin."
Masunurin akong tumango. "Maraming salamat, Cleo."
Sabay kaming naglakad pababa. Akala ko ay hihiwalay na siya ng daan ngunit hindi dahil nasa tabi ko siya habang tinatahak ko ang daan papunta sa soccer field.
"Hindi ka pa aalis?" maingat kong tanong.
"Ihahatid pa kita," turan niya.
Tumango ako. Hindi naman niya kailangang gawin pero hinayaan ko na lamang. Baka gusto lamang niyang makasiguro.
"Ayaw mo pa ba talagang umuwi?"
Mahina akong natawa bago umiling. "Ayos lang talaga, Cleo. Huwag ka nang mag-alala."
Tumitig pa siya sa akin nang makarating kami sa soccer field. Kumaway siya bago naglakad paalis.
Alas kuwatro na ngunit tuloy pa rin sila sa paglalaro. Ang mata ng mga manlalaro ay nakapokus lamang sa bola. Wala ni isa sa kanila ang tumitingin sa ibang estudyante kundi sa laro lamang.
Mukhang seryoso sila ngayon..
Umupo ako sa bench na nasa ilalim ng isang puno. Inilabas ko ang librong binabasa ko at sinuot ang headset. Inabala ko ang sarili sa pagbabasa habang naghihintay.
Hindi ko namalayan ang paglipas ng minuto. Pakiramdam ko ay nakikita ko at parte ako ng kuwentong binabasa ko. Parang totoo ang mga tauhan. Tila ba kilala ko sila nang personal kahit na hindi naman talaga.
Napaangat ako ng tingin nang may makitang palad na kumakaway sa harapan ko. Doon ay nakita ko ang lalaking hinihintay ko. Nakakurba ang kaniyang nga labi sa isang ngiti habang nasa baywang ang bola.
Tinanggal ko ang suot na headset nang maupo siya sa tabi ko. Inilagay ko rin ang libro na binabasa ko sa aking bag.
"I'm sorry pinaghintay pa kita. Dapat umuwi ka na lang."
Umiling ako. "Ayos lang. Kaya ko naman maghintay."
Nakita kong pinaglapat niya ang mga bibig at doreysong nakatingin sa field. "Late na tayo matatapos kung gagawin natin ngayon. Ayos lang ba iyon sa 'yo?" May bahid ng pag-aalala sa kaniyang boses.
Tinignan ko siya at isang beses na tumango. "Hm. Nakapagpaalam na ako kina lola ko."
"Talaga?" Nanlaki ang mga mata niyang tumingin sa akin. Pagkawa'y ngumiwi siya. "Naku. Sorry talaga, Isa."
Nginitian ko siya upang sabihin na ayos lang.
"Nagalit kasi si coach, eh kaya may pabigla kaming practice ngayon."
"Ayos lang," walang sawa kong sambit. "Huwag ka nang mag-sorry."
"Pero..." Tumingin siya sa paligid na kakaunti na lamang ang estudyante. "Magsasara na itong school. Ayos lang ba na sa labas tayo?"
Napatingin ako sa kalangitan. Makikita pa rin ang magaang asul ng kalangitan na nasamahan ng iilang ulap. Unti-unti nang nilulukob ng kadiliman ang paligid.
"Hm."
Tumayo siya at lumapit sa puno. Ang akala ko ay makikipag-apir lamang siya roon ngunit mali ako. Tumingkayad siya. Inunat niya ang kamay na may hawak ng bola at isinuksok iyon sa gitna ng mga sanga.
"Tara?"
Sabay kaming lumabas ng paaralan. Pareho kaming tahimik habang naglalakad ngunit ang katahimikang iyon ay komportable. Hindi nakakailang.
Tumigil kami sa paglalakad sa harap ng isang coffee shop. "Timesless Brew" Iyon ang nakalagay sa signage nang tignan ko iyon.
Binuksan ni Kyle ang pinto at tinignan ako. Pumasok ako at sumunod siya. Pagpasok ko pa lamang ay nakaramdam agad ako ng mainit na yakap. Ang modernong antique na tema ng lugar ay tila ba dinala ako sa nakaraan.
Ang maliwanag na ilaw ay sumayad sa mga pulido na hardwood na sahig. Ang amoy ng kape ay sumayaw sa hangin. Nang ilibot ko ang mga mata ay nakita kong puno ang coffee shop ng tao ngunit hindi sila lumilikha ng ingay. Ang kanilang mga pag-uusap ay marahan at banayad lamang.
Nang maglakad kami papubta sa counter ay naglikot ang aking mga mata. Mayroong mga antique na disenyo. Mayroon silang makalumang malaking salamin.
Napangiti ako nang makakita ng matangkad na orasan. Matangmad si Kyle pero sa tingin ko ay magkasing-tangkad sila. Ngayon lamang ako nakakita ng ganoon!
"Uy, Ck!" malawak ang ngiti sa labi ng babaeng bumati sa amin na nasa counter. Bumaling siya sa akin. "Good evening!"
Isang maliit na ngiti lamang ang iginawad ko sa kaniya.
"Puwede ba kaming mag-video rito?" kaswal na tanong ni Kyle sa babae. Isinandag rin niya ang siko sa counter. Magkakilala ba sila?
"Hm? Para saan naman?" tanong ng babae at may pinindot sa computer.
"May interview kami, eh. Ayos lang kaya?"
Nakatikom ang bibig na tumango ang babae. "Hindi naman iyan something na makakasira rito, 'di ba?" Ngumiti siya at bumaling rin sa akin. "Pero kung kailangan niyo ng mas tahimik na paligid, do'n na lang kayo sa taas. Walang tao ro'n."
"Yown!" masiglang usal ni Kyle at nakipag-apir sa babae. "Baba ako mamaya para mag-order." Sumaludo pa siya.
"Salamat po," mahina kong usal at bahagyang yumuko.
Para silang magkakilala..
Tinungo namin ang hagdan kung saan papunta sa ikalawang palapag ng shop. Tulad ng sinabi ng babae sa counter ay wala ngang tao rito. May halos anim na lamesa ngunit walang nakaokupa.
Tinubgo namin ang lamesa kung saan ay nakatabi sa magaan na kapeng dingding. May maayos rito para sa pagkuha namin ng video.
"Ako nang mag-o-order," alok niya nang maibaba ko ang aking bag. "Cookies and milk, tama?" Iginaya niya ang kamay sa akin. May hawak iyong card na may logo ng shop.
Tumango ako bilang sagot.
Ibinaba niya ang kaniyang bag sa kaharap kong upuan at binuksan iyon. Pagkaraan ay inilabas niya ang isang.. tripod? Inilapag niya iyon sa lamesa. "Kung trip ko lang namang gamitin." Maikli siyang ngumiti bago tuluyang umalis.
Kunot ang noong bumagsak ang aking tingin sa bagay na nasa lamesa. Bakit may dala siyang tripod?
Dinampot ko ang tripod at ginamit na lamang iyon. Inilagay ko iyon sa katapat ng mesa namin. Tiniyak ko ring makikita nang maayos si Kyle kapag umupo na siya roon. Kinailangan ko pang i-estimate ang kaniyang tangkad kapag umupo.
Nang maayos ay umupo na ako. Napakatahimik ng paligid. Madilim na sa labas at makikita mula sa hindi kalayuan ang kalsada na puno ng iba't ibang uri ng sasakyan. Hindi tulad sa Manila, hindi iyon siksikan. Makikita at masusubaybayan mo ang kanilang pagkilos. Ang mga pasilidad naman ay nakabukas na rin ang mga ilaw.
Nasa loob ako ng shop at marahil ay sound-proof ang mga ginamit sa paglikha rito kaya hindi pumapasok ang ingay sa labas.
Nang bumalik si Kyle ay dala na niya ang kaniyang mga binili na nasa tray. Mayroon doong baso ng gatas at kape. Mayroon ring tinapay at cookies.
"Here's your order!" malakas niyang sambit. Maingat niyang iniangat ang baso ng gatas at inilapag iyon sa harap ko. Ganoon rin sa platito ng cookies. Nakikita ko ang usok na lumalabas sa kanila.
"Salamat," nakangiti kong sambit. Iniyakap ko ang palad sa baso at naramdaman ang init na nagmumula roon.
"Simulan na ba natin?"
Napaangat ako ng tingin. May naglalarong ngiti sa kaniyang labi. "Hm."
Sinimulan namin ang interview. Natapos iyon nang maayos tulad ng dati. Hindi ko akalaing ikatlong interview session na namin ito.
To: Kuya Jaspi
Pauwi na po ako.
Pagkababa ko pa lamang ng cellphone ko ay agad akong nakatanggap ng sagot mula kay Kuya Jaspi.
From: Kuya Jaspi
San ka? Pauwi nako sunduin na kita
Nang mabasa ang kaniyang sinabi ay binigay ko ang lugar kung nasaan ako.
"Salamat sa oras, Kyle!" ani ko nang maibaba ang cellphone.
"Thank you for waiting," malumanay niyang sambit.
"Kung.." Tinikom ko ang bibig at tinignan siya. Nakatingin sa akin ang kaniyang mga matang naghihintay. "Kung kailangan mo nang umuwi, mauna ka na. Susunduin kasi ako ng kuya ko."
Tumango siya. "Hintayin na natin siya."
Muling naghari sa amin ang katahimikan. Ang kapaligiran ay tahimik, ngunit may buhay.
"Favorite mo ba ang cookies, Isa?"
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya dahil sa bigla niyang tanong. "Hm. Lalo na ang chocolate chip cookies."
Pumorma ng bilog ang kaniyang mga labi. "Bakit naman? Dahil gusto mo ng matatamis?"
Ilang segundo muna akong naghanap ng mga salita bago sumagot. "Hindi naman." Maliit akong napangiti at tumingin sa huling piraso ng cookie. "Masarap siya. Mas gusto ko siya kaysa sa ibang pastries."
"Sana all," bulalas niya habang may isinusulat sa notebook niyang kulay asul.
"Huh?"
"May nag-text sa 'yo kako. Baka kuya mo na iyan." Ibinaba niya ang notebook at uminom sa kaniyang kape.
Dinampot ko ang cellphone at nakitang nag-text si Kuya Jaspi na nasa baba na raw siya.
"Nasa baba na raw si Kuya," ani ko. Isinuot ko ang bag ko.
Panandalian naming inayos ang mga pinagkainan namin at bumaba na. Ibinalik muna namin ang tray sa counter bago lumabas.
Sa mismong tapat lamang ng shop nakatambay si Kuya. Nakaupo siya sa kaniyang motor at hindi na nag-abala pang tanggalin ang kaniyang helmet. Tamad talaga.
Tinanggal niya ang helmet nang napatingin sa gawi namin. Tumayo siya nang makarating kami sa kaniya.
Tinignan niya ako ay nginuso ang kasama ko. Kasabay noon ay nagtaas pa siya ng kilay.
"Siya po iyong.. ini-interview ko," sabi ko at sinulyapan si Kyle.
"Good evening po!" diretso at tuwid na bati ng katabi ko.
Isang beses na tumango si kuya. "Kumusta naman ang interview?"
"Masaya po! Nag-enjoy ako!"
Napatingin ako kay Kyle nang marinig ang sgaot niya. Napakatuwid ng sagot niya. Nagtutunog sundalo siyang kumakausap sa mga nakatatas.
Mahinang tumawa si kuya. "Ano ka ba. Relax ka lang. 'Di ako nangangagat," pabiro niyang usal. Hinawakan niya sa balikat si Kyle.
"Sorry po, kuya. Kinakabahan lang ako." Hinimas-himas ni Kyle ang kaniyang dibdib nang pabilog.
"Bakit naman? May gusto ka ba rito sa pinsan ko?" Kunot ang noo ni kuya na tumingin sa akin.
Hindi sumagot si Kyle kaya napatingin ako sa kaniya. Hindi naman, ano.
"Gusto ko siya syempre!"
Tumaas nang bahagya ang mga kilay ko. Ano.. raw?
"Maganda, mabait, mahinhin, tsaka.. ang cute niya." Ngumiti siya nang malapad.
"Mana-mana lang talaga. Sa 'kin to nagmanaâ" Hindi agad naituloy ni kuya ang sinasabi "Anong pangalan mo?"
"Crisostomo, kuya."
Umismid si kuya na tila ba hindi naniniwala. Pinagkrus pa niya ang mga kamay. "'Wag mo sabihing Ibarra ang apelido mo?"
Kuya..
Nahihiyang ngumiti si Kyle.
"Crisostomo Ibarra ka?" Malakas na humalakhak si Kuya Jaspi. "O'siya, Ginoong Crisostomo Ibarra, iyuuwi ko na ang pinsan ko, ha? Mag-ingat ka sa pag-uwi mo. Baka makasalubong mo pa si Prayle Salvi at magkasagutan pa kayo." Napakamakata at puno ng damdaming saad niya. Binabaan pa niya ang boses at nilagay ang isang kamay sa dibdib.
"Paalam, Kyle. Mag-ingat ka," malumanay kong sabi sa kaniya. "Tsaka salamat sa oras." Maliit akong ngumiti at kinawayan siya.
"Goodie byie!" Malawak siyang ngumiti at kumaway nang paulit-ulit.
"Uwi kaagad, bata." Marahang tinapik ni kuya si Kyle sa balikat bago umangkas sa motor.
"Uuwi ako kaagad, bayaw."