Back
/ 38
Chapter 15

Chapter 13

Goal on the Pitch

Nang sumapit ang Sabado, muli kaming nagpunta sa burol nila Kyle. Hindi na kami dumaan ng memeryendahin dahil may dala raw siya.

Nakangiti kong tinanggap ang tripod na kaniyang inaabot. Hindi ko alam kung bakit nagdadala siya noon pero ayos lang, tulong rin iyon sa aming interview. Ikinabit ko ang aking cellphone roon at tiningnan ang camera.

"Last na to, ano?" tanong ni Kyle habang may inaayos na notebook sa kaniyang kandungan. Tumingin siya sa akin.

"Hm." Tumango ako bago naglakad palapit sa kaniya nang matiyak na maayos na ang camera. "Hindi mo na ulit kailangan pang mag-abala para rito sa interview," malumanay kong sambit bago umupo sa kaniyang tabi.

Nanatili sa akin ang kaniyang mga mata. "Hindi naman abala sa akin itong interview. Sinabi ko naman, marami akong oras."

Bahagya akong napanguso. Humarap ako sa kaniya nang may pagtatanong. "Kahit na tuwing hapon ang pagsasanay ninyo?"

"Marami akong oras para sa interview," may diing pagkakasabi niya saka siya bumungisngis.

Napangiti ako at tinignan na ang aking notebook kung nasaan ang mga itatanong ko.

Hindi ko alam kung bakit tila ba napakasarap pakinggan ang mga sagot niya. Hindi ko namamalayan na dumaan na pala ang halos isang oras at tapos na kami.

Inabot niya sa akin ang isang pack ng cookies at milk bottle.

"Dapat.. ako na ang bumili ng meryenda." Nahihiya kong tinanggap ang mga iniaabot niya. "Ako ang humihingi ng pabor sa 'yo, eh."

Ngumiti siya nang malawak sa akin. "Ilibre mo na lang ako next time. Ngayon, ako muna. Okay ba iyon?" Humarap siya sa tanawin at sumandal sa kahoy na sinisilungan namin.

"Sige," pagpayag ko. "Salamat, Kyle."

Ayoko siyang husgahan sapagkat hindi ko pa siya gaanong kakilala ngunit ang alam ko, mabait siya. Kahit na may pagkakulit siya, sigurado akong mabait siya.

Kontento akong napatingin sa harapan namin kung saan makikita ang magandang palabas ng kaangitan. Magaan ang pagkaasul ng kalangitan. Maganda rin ang iba't ibang uri at disenyo ng mga ulap na mabagal na sumasayaw.

Ang katahimikan na nag-aari sa pagutan namin ay magaan sa pakiramdam. Sinamahan iyon ng kanta ng ilang ibong dumaraan at ang munting pag-ihip ng hangin na tumatangay sa mga dahon.

Ang akala ko noon ay hindi magiging komportable ang paligid tuwing makakasama ako ng taong hindi naman malapit sa akin ngunit hindi pala. Kahit na hindi ako malapit kay Kyle, komportable ako. Walang pag-aalinlangan sa akin.

Nang makauwi ako ay nagkulong ako sa aking kuwarto. Pinagsama-sama ko ang lahat ng interview session namin ni Kyle. Inayos ko rin ang lahat ng datos na nakalap ko mula sa aming mga panayam.

"Have you ever felt burned out?"

"Burnout? Oo naman."

Maliit akong napangiti nang marinig ang pagtawa niya mula sa laptop ko kung saan nagpe-play ang compilation ng aming mga interview.

"Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi. Naranasan ko na iyon—ma-drain at maligaw." May bahid ng paglalaro sa kaniyang boses. "Kahit na gaano ko kamahal ang soccer, nakaka-overwhelm din minsan. May mga pagkakataon na naglalaro akong parang wala lang. Iyong larong mahal na mahal ko, iyong larong walang sawa kong binabalik-balikan, biglang nawalan ako ng interes."

Napatigil ako sa sinusulat nang marinig ang paglalim ng kaniyang boses. Sumeryoso iyon at nawala ang paglalaro.

"Naaalala ko iyong mga pagkakataong wala akong nararamdaman, iyong para bang..."

Nang tignan ko ang screen ng aking laptop ay nakita kong nakatikom ang kaniyang mga labi at nakatanaw sa malayo.

"Parang naapula bigla iyong apoy na umaalab tuwing naglalaro ako. Iyong passion ko, iyong lakas ko, iyong excitement—lahat iyon, biglang nawala sa isang bagsakan. Kwinestiyon ko ang lahat. Ang purpose ko, ang pagmamahal ko sa soccer."

Maliit siyang ngumisi habang nakatingin sa lupa. Bahagya rin siyang natawa. "Noong una, hindi ko pa iyon naiintindihan. Akala ko, pagod lang ako sa mahabang practice namin. Pero noong nagsimula akong mawala sa mood tuwing magpa-practice kami, na hindi na ako excited pa, na parang naiirita ako, alam kong may mali na."

Pinagtuunan ko ng pansin ang kaniyang imahe. Bagsak ang kaniyang balikat at wala rin ang hindi maalis na ngiti sa kaniyang mukha. Seryoso siya.. at malungkot.

Nagbuga siya ng hangin. "Na-realize ko, nawala sa isipan ko kung bakit ako naglalaro. Iyong demand, pressure, na dahil nanalo at naging MVP ka last season, dapat gano'n rin ngayon.. parang nanalo sila bigla. Nawala sa isipan ko na naglalaro ako dahil mahal ko ang soccer."

"The thing is, iyong burnout, hindi lang siya pisikalan. Sa emotional at mental aspect din. Hindi ko sinasabing madali lang iyon, ah." Umiling siya at sumulyap sa akin. "Syempre, hindi. Ang burnout, tuloy-tuloy na digmaan iyan."

Nang mag-angat siya ng tingin ay muling bumalik ang sigla sa kaniyang mukha. "Pero sa pamamagitan ng pag-acknowledge  sa mga kakulangan ko, na kailangan ko ng tulong, natuto akong lagpasan iyon." Gumuhit ang isang maliit ngunit matamis na ngiti sa kaniyang mga labi.

"Ang ginagawa ko lang palagi, huminga nang malalim. Alagaan ang sarili at palaging alalahanin ang dahilan kung bakit nagsimula." Napakalumanay ng kaniyang boses, na tila ba maingat siyang nakikipag-usap sa kaniyang sanggol na anak. Ayaw niya itong mapaiyak kundi mapangiti lamang. "Iyong soccer, palaging nandoon lang at naghihintay. Hindi naman kailangan na ayos ka kaagad, eh."

Wala sa sarili akong napatango.

"Na-realize ko na ang soccer, hindi lang tungkol sa pagkapanalo at pagkatalo. Tungkol siya sa pagmamahal, iyong tawanan at samahan, iyong mga aral na natutunan along the way." Muli siyang tumanaw sa malayo, marahil ay sa magandang asul na langit. "Ang magandang naidulot ng pagiging burnout sa akin, tinuruan ako ng isang important lesson."

Tumingin siya nang diretso sa camera bago tumingin sa kaniyang katabi na abala sa pagsulat sa kaniyang notebook. "Ang pag-aalaga at pagpa-priority sa sarili ay hindi makasarili, kundi pangangailangan."

Kumabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung dahil natamaan ako sa mga katagang binanggit niya o dahil sa paraan ng pagtitig niya sa akin sa video.

Basta ang sigurado ako, sa likod ng mapaglarong katauhan niya, may isang naghihirap para ibalanse ang lahat, one step at a time.

Share This Chapter