Back
/ 38
Chapter 16

Chapter 14

Goal on the Pitch

"Hindi ba masarap ulam niyo sa canteen?"

Napatingin ako kay lola na kakarating lamang sa aming kusina. Galing siya sa kuwarto ni Kuya Jaspi.

"Mas gusto ko po ang luto niyo, lola," malumanay kong sambit.

"Binola mo pa ako." Pinatunog ni lola ang kaniyang dila at lumapit sa akin. Kinuha niya ang kutsara mula sa akin. Siya na ang naglagay ng ulam sa aking baunan. "May mga kasama ka bang maghapunan?"

Hindi ako nakasagot. Hindi kasi ako sigurado sa isasagot. Ngunit kung iisipin, kasama ko naman sina Cleo ay Kyle tuwing tanghalian, hindi ba? Mukhang tama lang naman kung sasabihin ko kay lola na... Bahagya akong tumango nang tumingin siya sa akin.

Pumorma ng isang ngiti ang kaniyang mga labi. "Mabuti naman. Masaya ako para sa 'yo." Isinara niya ang aking baunan at isinilid iyon sa aking lunch bag. "Heto. Dinamihan ko na ang ulam mo. Bigyan mo ang mga kaibigan mo."

Maliit akong napangiti sa kaniyang tinuran. Kaibigan...

"Wow, curry!" masiglang sambit ni Cleo na abot sa mata ang ngiti. Pumalakpak siya gamit ang hawak na kutsara at tinidor. Tutusok na sana siya ng karne mula sa aking baunan.

"Op, op, ops!" Mabilis na hinawakan ni Kyle ang kamay ni Cleo. Tinignan niya ito nang masama. Nang tumingin siya sa akin ay nakangiti na siya. "Isa, ikaw muna."

"Hm." Tumango ako at kumuha na sa banunang nakahain.

Pagkatapos ko ay masiglang kumuha si Cleo. Nanlaki ang mga mata niya habang nginunguya ang pagkain sa kaniyang bibig.

Napapikit naman si Kyle nang sumubo naman siya ng baon ko.

Mga OA...

"Sino nagluto nito, Isa?" tanong ni Cleo. Humarap siya sa akin habang hawak ang kaniyang baunan.

"Ang.. lola ko. Masarap siya magluto, 'di ba?" malumanay kong sagot. May maliit na ngiti sa aking labi.

"Oo! Sobrang sarap," mahabang tugon ni Kyle. "Sa sarap, parang ayoko nang tumigil sa pagkain!"

Mahina akong napatawa na sumabay sa malakas na halakhak ng mga kasama ko. Naramdaman ko ang paglaki ng aking ngiti nang makita silang dalawa.

Magandang magkaroon ng kaibigan, sabi nina kuya ngunit ramdam kong hindi iyon para sa akin. Kahit noong nasa Manila pa lamang ako, wala talaga akong maituturing na kaibigan. Hindi ako iyong unang pinipili tuwing may group activity. Hindi ako iyong palaging kasabay sa pag-uwi. At hindi rin ako iyong ginagamit para magpaalam sa magulang.

Hindi naman ako naiinggit o nalulungkot dahil mas gusto ko ang ganito. Wala akong aabalahin at walang aabala sa akin.

Wala sa kagustuhan ko ang magkaroon ng kaibigan. Sumuko na ako sa aspetong iyon bago pa ako pumunta rito sa probinsya. Kaya naman hindi ko inaasahan ang nangyayari ngayon. Sa loob ng mga nagdaang araw, kasalo ko sila tuwing tanghalian.

Hindi ako sanay na may ibang kasalo bukod kina lola at kuya. Tuwing ibang tao ang kasalo ko, tahimik lamang ako. Ganoon naman ako tuwing kasama ko sina Cleo at Kyle ngunit hindi ko naramdaman na invisible ako. Tuwing kasama ko sila, pakiramdam ko, nakikita ako.

𓍯𓂃𓏧𓍢ִ໋🀦

Sinuri ko nang mabuti ang mga librong nakalagay sa bookshelf. Isa-isa kong binasa ang pamagat ng mga libro. Tumigil ang paningin ko sa isang libro sa isang mataas na parte.

Inunat ko ang kamay upang abutin iyon ngunit hindi ako nagtagumpay. Tumingkayad ako at inabot ang libro. Akmang kukunin ko na iyon nang may makauna sa akin.

Mabilis akong humarap sa taong kumuha ng libro. Suot niya ang kaniyang bag sa isang balikat lamang. Nakatuon ang kaniyang atensyon sa librong hawak.

"Ah, Kyle..." mahina kong tawag sa kaniya.

Nag-angat siya ng tingin sa akin. "Vacant niyo?" tanong niya nang maiabit sa akin ang libro.

"Hm." Tumango ako nang isang beses. "Salamat."

Sabay kaming naglakad.

"Kayo, Kyle?" nagdadalawang-isip kong tanong. Nilingon ko siya.

Nasa harapan lamang namin ang kaniyang paningin habang ang kaniyang kamay ay nakahawak sa strap ng kaniyang bag.

Napatingin ako sa daan nang lumingon siya sa akin. Nararamdaman ko ang munting pagkabog ng aking dibdib. Nahuli kaya niya akong nakatingin sa kaniya?.. Sana naman ay hindi.

"Vacant rin namin. Mukhang nag-usap ang teachers na magpa-vacant ngayon, ah?"

"Huh?" naguguluhan kong tanong. Seryoso ba siya roon o nagbibiro lamang siya..?

"Ha?" Tumingin siya sa akin. Ang mga mata niya ay may pagtatanong at naghihintay ng sagot.

"Hm..?" Bahagya akong nagtaas ng kilay.

Nagtitigan kami na tila ba naghihintay ng sagot mula sa isa't isa na hindi ko rin alam kung ano. Pagkaraan ng ilang segundo ay sabay kaming napatawa nang mahina, sabay sa aming pag-iiwas ng tingin.

Umupo kami sa isang lamesa, hindi kalayuan mula sa ibang estudyante.

"Mag-aaral ka ba?" tanong ni Kyle na nakaupo lamang sa tapat ko.

"Hm. Gagawin ko na iyong mga assignment namin," sagot ko habang nilalabas ang papel at ballpen ko. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Uh... Ikaw? Wala ka bang gagawin?"

Ngumuso siya habang nakatingin sa akin. Ilang segundo ang lumipas bago siya umiling. "Ayos lang bang dito muna ako?" Ngumiti siya ay nagtaas ng ngiti. "Hindi ako mag-iingay, pramis!" Itinaas niya pa ang kaniyang kamay na tila ba nagre-recite ng Panunumpa.

Maliit akong ngumiti sa kaniya at tumango. "Ayos lang sa akin."

Ginawa ko ang assignment na binigay ng mga guro namin. Ginamit ko ang libro para sa isa sa mga asignatura namin.

Si Kyle naman ay nakaupo lamang sa harapan ko. Tulad ng kaniyang sinabi, hindi siya nag-ingay. Nanatili lamang siyang tahimik at tumitingin sa paligid.

Pagkaraan ng ilang minuto, nang matapos ko ang lahat ng aking asignatura ay napatingin ako kay Kyle. Nakadumog na niya ang kaniyang ulo sa lamesa at mukhang nakatulog na.

Pinasadahan ko ng tingin ang aking cellphone at tinignan ang oras. Alas tres pa lamang.

Napatingin ako pabalik kay Kyle. Hindi ko kita ang mukha niya dahil nakaharap iyon sa lamesa. Tanging ang bagsak niyang buhok lamang ang kita ko.

Kahit na gusto kong ibalik na ang librong ginamit ko, hindi ko magawa dahil ayokong iwan si Kyle.. Ang ibig kong sabihin, natutulog kasi siya.

Ipinasok ko na lamang ang mga gamit ko sa aking bag. Doon ay nakita ko ang librong hindi ko pa tapos basahin. Inilabas ko iyon at sinimulang basahin. Ika-sampung chapter pa lamang ako at abot sa labing-apat ang mayroon ang libro. Gusto ko nang malaman kung ano ang kahihinatnan ng libro ngunit kailangan kong pigilan ang sarili. Hindi dapat ganoon. Kahit na gaano mo kagustong malaman ang dulo dahil gusto mong matiyak kung happy ending o tragic ang kuwento, dapat na pigilan ang sarili.

Napatingin ako sa likod ko nang makarinig ng malalakas na boses. Sa kalapit naming lamesa ay may dalawang babae na nag-uusap. Tumawa pa ang isa nang malakas.

Tumungo ang aking mga mata kay Kyle na gumalaw patagilid ang ulo.

Bumalik ang tingin ko sa dalawang babae. Bakit kaya malakas kung mag-usap sila? Nasa library kaya kami.

Kinagat ko ang ibabang labi nang magkaroon ng pagdadalawang-isip. Dapat ko ba silang lapitan at sabihang huwag mag-ingay? Pero baka kasi magalit sila sa akin.. Ngunit tama namang sabihing huwag mag-ingay, hindi ba?

Napapikit ako nang mariin at nagbuga ng hangin. Hindi ko alam. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Hindi ako makapag-isip nang maayos.

Nagbuga ako ng hangin at lumunok. Tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa kanila. Ramdam ko ang bahagyang pagnginig ng aking mha daliri habang palapit sa kanila.

"Ah, excuse me," mahina kong sambit nang makalapit sa kanila.

Mukhang hindi nila ako narinig sapagkat tuloy lamang sila sa pag-uusap.

Nakagat kong muli ang aking labi. Mas lumapit ako dahilan para mapatigil sila at tuluyang mapatingin sa akin. Kunot ang noo nilang dalawa sa akin.

"Bakit?" masungit na tanong ng isa na nakalugay ang buhok.

"Ah.." Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko na hindi ako makabuo ng sasabihin. Naramdaman ko ang bahagyang pagnginig ng aking labi. "K-kasi..."

"Ano nga?" bagot na tanong ng babae.

"Miss."

Napatingin ako sa aking likuran nang marinig ang boses ni Kyle. Lumapit siya sa tabi ko at seryosong nakatingin sa dalawang babae. Nagising ba siya?

"Ah, ano iyon?" lumambot ang boses ng babae na ngayon ay mayroon nang malawak na ngiti.

"Alam niyo ba kung anong lugar 'to?" tanong ni Kyle gamit ang mapaglarong boses ngunit may bahid pa rin ng pagkaseryoso.

Nagtinginan ang dalawang babae. "Ah, nasa library tayo, Ck."

"Gano'n ba?" tuamtango niyang tanong. "Hindi ba kayo naliligaw?"

Napalingon ako sa kaniya kasabay ng dalawang babae.

Bumungisngis ang kasama no'ng nakalugay na babae. "Hindi, ah. Mas gusto namin tumambay dito sa library dahil may aircon at makakapgchismis kami."

Huh? Ano ang.. sinabi niya?

Humagikhik si Kyle at lumapit sa dalawang babae. "Mali iyan. Ang library, ginawa para makapag-focus ang mga nag-aaral at nagbabasa rito. Alam niyo naman iyon, 'di ba?"

Naguguluhang tumango ang mga babae. "Ah, o-oo. Oo, ganoon na nga."

Pummayewang si Kyle at ngumiti. "Kung gano'n, dapat huwag kayong mag-ingay. Bukod kasi sa nakakaabala kayo ng ibang tao, baka isipin nilang hindi kayo marunong mag-isip." Napakatamis ng boses niya habang sinasabi ang mga iyon. Sa huli ay kumindat pa siya. "Tara, Isa." Nagalakad siya pabalik sa aming lamesa kaya sumunod ako.

"Kinulang ba sila sa utak o ano?" rinig kong bulong niya. "Kailangan pang pagsabihan."

Bahagya akong napatawa sa aking utak.

"Hindi ka pa uuwi?" tanong niya nang maisuot ang bag. Binuhat niya iyong librong ginamit ko.

"Uuwi na," munting sagot ko bago kami naglakad upang ibalik ang libro.

"Sabay na tayo?"

Napatigil ako sa paglalakad. Nang lumingon siya sa akin ay pagpatuloy na ako. "Hm. Sige."

Nang makalabas kami ng library ay nakita namin si Cleo na mukhang may hinahabol na babae. Maliit ang buhok ng babaeng iyon. Tumigil siya sa paglalakad at tiningnan nang masama si Cleo. May sinabi siya na tinawanan lamang ni Cleo.

"Naka-Tom and Jerry activated na naman sila," umiiling na sambit ni Kyle.

Nagpatuloy kami ng paglalakad. Ang ibang estudyanteng kasabay namin ay naglalakad na rin palabas ng paaralan.

"Kai, may... itatanong sana ako," nahihiya kong usal. "P-puwede ba?"

"Sure. Ano iyon?" kaswal na aniya.

"Hindi ka ba.." lumunok muna ako bago nagpatuloy, "n-nakakatulog nang maayos sa gabi?" mabagal at malumanay kong tanong.

Nilingon niya ako. "Kasali ba 'to sa interview mo sa 'kin?"

Umiling ako at ibinalik ang tingin sa daan. "Hindi naman. Ayos lang kahit na hindi mo na sagutin."

"Kung nag-aalala ka, nakakatulog ako nang maayos," mabilis niyang sagot. "Iyong kanina, ano kasi, eh.." Mula sa gilid ng aking mata ay nakita kong pinaglapat niya ang mga labi. "Parang perfect iyong atmosphere para matulog. Alam mo iyon?" Lumingon siya akin. Parang may kakaibang kislap sa kaniyang mata. "Parang may invisible lullaby."

Napatango ako sa pagsang-ayon. Masarap talagang matulog kapag tahimik ang paligid. Walang sagabal at mga ingay na gigising sa iyo. Mae-enjoy mo. Isa iyon sa mga nagustuhan ko nang lumipat ako rito sa probinsya. Halos walang maririnig na ingay.

"Ano nga pala iyong binabasa mo kanina?"

Napalingon ako sa kaniya. "Uh, f-fictional book iyon. Galing sa.. isang writing platform."

"Hmm," mahaba niyang usal at tumango-tango. "Tungkol saan? Maganda ba?"

Simple akong tumango. "Hm. Romance ang genre niya." Tinigan ko siya at nakita ang naghihintay niyang mukha. Interesado ba siya? Lumikot ang mga mata ko hanggabg sa dumapo iyon sa daan.

"Tungkol siya sa.." Gusto ba talaga niyang malaman? Kahit na hindi sigurado, ipinagpatuloy ko ang sinasabi. "Dalawang highschool students, sina Hani at Keance. Magkalaban sila sa rank ng top one. Lagi silang.. naglalaban sa scores, recitations at debates. Kaya naiinis talaga si Hani kay Keance. Nagpapakahirap kasi siya sa pag-aaral habang si Keance, hindi na kailangan pang mag-effort kasi natural intelligent naman siya. Kahit kailan.. ayaw na maging kaibigan ni Hani si Keance pero hindi iyon ang kaso para kay Keance. Ayaw naman talaga niyang makipaglaban kay Hani, eh... Pero iyon lang ang paraan para malaman ni Hani na nage-exist siya. Iyon lang ang paraan niya para makausap si Hani." Mabagal at puno ng pag-iingat ang pagkukuwento ko.

Sa tingin ko, nakakabagot ang paraan ng pagsasalita ko at nawala na ang interes niya... Akala ko lang iyon hanggang sa magsalita siya.

"Crush pala niya si Hani?" Humagikhik siya. "Lakas naman niyang si Keance. Galing niya, ah? Ginamit niya ang talino niya para mapansin siya ng crush niya. Malaking sana all." Pumikit siya at ngumiwi. "Sana, mapansin rin ako ng crush ko."

"Gusto mong... mapansin ka niya?"

"Oo. May tip ka ba?" Nagtaas siya ng kilay sa akin.

"Uh.." Nagtikom ako ng labi. Hindi ko alam kung makakatulong ang aking sasabihin ngunit gusto ko pa ring sabihin. "Alamin mo ang gusto niya. To be loved is to be observed."

Share This Chapter