Chapter 15
Goal on the Pitch
Paglabas ko pa lamang ng aming classroom ay bumungad na sa aking paningin si Kyle na nakatayo sa gilid ng aming pintuan. Nakatayo siya nang matuwid na tila ba isang pulis na nagbabantay.
"Kyle," mahinang tawag ko rito.
Lumambot ang kaniyang tayo nang makita ako. "Isa!"
Tatanungin ko pa lamang sana siya kung anong ginagawa niya rito ngunit naunahan na niya ako.
"Papunta ka na ba ng canteen?" tanong niya.
"Hm," simpleng sagot ko. Humakbang kami pagilid upang bigyan ng daan ang ibang estudyante.
"Sabay na tayo?" Ngumiti siya nang matamis.
Ibinalik ko ang ngiti niya at sabay naming tinahak ang daan papunta sa canteen.
"May dala ako para sa 'yo."
Napaangat ako ng tingin sa kaniya nang biglang may iniabot siya sa akin.
"Cookies!" masigla niyang banggit.
Tinanggap ko ang puting supot na binibigay niya na may logo pa ng isang bakery shop. Mukhang logo iyon ng pinagbilhan namin noong unang ikalawang araw ng panayam namin.
"May nadaanan kasi akong isang bakery shop kanina. Naalala kita kaya bumili ako."
"S-salamat, Kyle. Hindi mo naman ako kailangang bilhan." Bahagya kong binuksan ang supot at nakitang may laman iyong tatlong pack ng cookies.
"Pero gusto ko."
Napangiti ako nang maramdaman ang bahagyang pagkabog ng dibdib ko. Ganito lang siguro kapag hindi sanay na nabibigyan ng regalo mula sa hindi kapamilya.
"Kyle," mahina kong banggit sa kaniyang pangalan nang maglakad na kami pabalik sa classroom nang matapos ang recess. "Wala ka namang.. practice mamayang hapon, hindi ba?"
"Wala," tumatango niyang sagot. "Bakit?"
"Gusto mo bang..." Pinaglaruan ko ang aking mga daliri. Nilulukob ng hiya ang aking dibdib. ".. Lumabas for dinner?"
"T-talaga?" Tumigil kami sa paglalakad. Bigla siyang humarap sa akin.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang biglang namula ang kaniyang mukha. Hindi iyon masyadong pula pero alam kong pumula iyon. Naiinitan siya..? Ngunut hindi siya namumula tuwing naiinitan sa paglalaro sa soccer field.
"I-ina.." Tumikhim siya at madramang nagbuga ng hangin sa gilid. "Inaaya mo ba talaga ako ngayon?"
"Uh, hm." Tumango-tango ako. "A-ayaw mo ba?"
"Hindi ko ayaw!" mabilis niyang sagot. C"Sa katunayan, sobrang gusto ko! Saan ba? Anong oras?" Nagsimulang tumaas ng magkabila niyang pisngi na kahit na paglapatin niya ang mga bibig ay sumusuko pa rin iyon.
"Pwedeng sabay na lang tayo mamayang hapon umuwi," usal ko.
"Sige. Hihintayin ko iyan!" Abot sa mga mata ang kaniyang ngiti hanggang sa maghiwalay kami ng daan pabalik sa classroom.
ð¯ðð§ð¢Ö´à»ð¦
"Cleo, tapos ka na ba?"
"Yes, ma'am," sagot ni Cleo.
"Punta ka nga muna sa room ni Ma'am Jamille. Pakisabi, kailangan na iyong proposal report niya ngayong araw," malambing na utos ng aming guro.
Tumayo si Cleo at hinila ang isa naming kaklase. Inakbayan niya iyon at sabay silang lumabas.
Ibinalik ko ang aking tingin sa aking papel at ipinagpatuloy ang pagsagot. Itinaon ko ang aking pansin sa aking papel. Ilang minuto ang lumipas ay natapos ko rin iyon. Kasabay ng pag-upo ko nang maayos ay ang pag-upo rin ni Cleo sa aking tabi na nakabalik na pala.
"Mukhang natuluyan na talaga si Ck. Nakangiti sa kawalan, eh. Ni hindi man lang ako napansin," naiiling niyang sambit.
Hindi nagtagal ay nag-dismiss na ang aming guro. Nagsitayuan na ang mga kaklase ko. Tinulungan ko si Cleo na magsara ng mga bintana. Nnag matapos namin iyon ay sabay kaming lumabas.
Bago pa kami tuluyang makalabas ay napaatras kami nang marinig ang mabilis na yapak ng sinumang tumatakbo mula sa labas.
Lalo kaming napaatras nang pumasok ang taong tunatakbo. Humawak sa haligi ng pintuan at biglang huminto dahilan para pumasok nang kaunti ang kaniyang katawan. Humihingal siyang napatingin sa amin.
"Kyle?"
"Koks!"
Tumayo siya nang maayos at pumameywang. Sinubukan niyang ngumiti ngunit nauwi iyon sa isang ngiwi. "Isa!" Hinabol muna niya ang hininga.
"Bakit ka tumatakbo? May humahabol ba sa 'yo?" Lumapit ako sa bintana at sinilip ang direksyong pinanggalingan niya ngunit wala naman akong nakitang sumusunod.
"Nagmadali ka, 'no?" may paglalarong tanong ni Cleo. Inakbyan niyo ang kaibigan. "Gano'n mo ba ako ka-miss?"
"Teka nga!" Tinanggal niya ang kamay ni Cleo. "May pupuntahan kami ni Isa, ano!"
"May pupuntahan tayo." Binigyan ni Cleo ng diin ang huking salitang kaniyang binanggit.
Bumagsak ang balikat ni Kyle.
"Bakit? Disappointed ka? Kala mo, kayo lang 'no?" pang-uuyam pa ni Cleo.
"Tigilan mo na nga ako!" asik ni Kyle.
Napailing ako nang magsimula silang magbangayan habang naglalakad kami. Hindi ko alam kung paano nila nakakayanang samahan palagi ang isang katulad kong tahimik.
Nang makalabas kami ng paaralan, si Cleo ang pumara ng jeep para sa amin.
"Saan pala tayo pupunta?" tanong ni Kyle nang makaupo kami.
"Sasama ka nang walang alam?" tanong ni Cleo na nasa tabi ko. "Hindi lang makahindi kay Isa?"
"So? Sara mo nga bunganga mo, Cleopatra. Pasalamat ka, na-reincarnate ka pa." Inirapan niya ang kaibigan at nakangiting bumaling sa akin. Marahan niya akong inangatan ng mga kilay na para bang muling pinapaalala sa akin ang kaniyang tanong.
"Ah, b-birthday ng girlfriend ni Kuya Jaspi," malumanay kong sagot. "Nakilala mo na siya."
"Siya iyong sumundo sa sa 'yo noon?"
"Hm." Simple akong tumango.
Nalaglag ang kaniyang panga. "Wala kaming regalo," madrama niyang sambit at mariin pang pumikit.
"Ayos lang iyon. Ayaw rin niyang tumanggap ng regalo. Basta pumunta raw tayo, ayos na iyon."
"Pero bakit kasama si Cleopatra?" kunot ang noong tanong ni Kyle. Masama niyang tiningnan ang kaibigang katabi.
"Kasama ka tapos ako hindi?" nang-aasar na sumbat ni Cleo.
"Inimbitahan siya ni Kuya Jaspi," sagot ko kay Kyle.
"Bleh!" Inilabas ni Cleo ang kaniyang dila kay Kyle.
"Magkakilala na sila?" Nanlaki ang kaniyang mga mata.
"Hm."
"Pa'no?"
"Gano'n talaga ang buhay-buhay, ginoo. Nagkabanggan lang kami. Nag-sorry ako. Tapos boom! Nagkakilala na kami," pagkukuwento ni Cleo na may kasama pang mga galaw mula sa kaniyang kamay.
"Daya," bulalas ni Kyle. Ngumuso siya na parang isang bata.
Tumigil kami sa isang kainan. Pumasok kami roon at sinalubong kami ng lamig. Paglingon ko sa isang direksyon ay natagpuan ng aking mga mata sina Kuya Jaspi.
"Nandoon sila," banggit ko sa aking mga kasama at saka kami naglakad patungo roon.
Kasama ni Kuya Jaspi ay ang kaniyang kasintahang nakasuot ngayon ng hoodie at simpleng pantalon, at si Kuya Piolo na nakapolo.
"Buti nakarating ka, Gandang Lalaki!" Tumayo si Kuya Jaspi at nakipag-apir kay Cleo.
"Happy birthday po, ate," nakangiting banggit ni Cleo kay Ate Rain.
"Oh?" Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita si Kyle. "Ginoong Crisostomo Ibarra?Nagagalak akong nakarating ka sa aming munting handaan." Inilagay pa niya ang kamay sa dibdib at bahagyang yumuko.
"Nakapa-poetic mo naman, kuya," usal ni Kyle.
"Normal lang iyan sa isang manunulat," nakangiting sambit ni Ate Rain na nakatingin sa kanila. "Upo na kayo. Um-order na kami habang hinihintay kayo."
"Happy happy birthday po, ate," kanta ni kyle at hindi nagpatalo sa pagngiti.
"Writer ka po?" tanong ni Cleo kay kuya nang makaupo kami.
"Oo. Sa 'kin namana ni isa ang hilig sa pagbabasa."
"Malayong magpinsan kaya kayo," puna ni Kuya Piolo kaya umugong ang kaniyang boses na may pagkalalim.
Sumimangot si Kuya Jaspi kay Kuya Piolo.
"Magkaklase kayo ni Isabelle?" tanong ni Ate Rain sa katabi kong si Cleo.
"Oo, ate. Hindi lang basta classmate dahil magkasama rin kami sa research. But there's more! Magkatabi rin kami," masiglang pagkukuwento ni Cleo. "Konti na nga lang, iisipin kong souomates kami, eh."
"Ang kapal naman ng mukha mo para isipin iyan?" bangay ni Kyle. "Hindi mo deserve si Isa."
"At ikaw, deserve mo?"
Hindi agad nakasagot si Kyle. Nakita kong napatingin sa kaniya sina Kuya Jaspi at Ate Rain. Si Kuya Piolo naman ay nagkibit ng balikat at pinagpatuloy ang pagkain sa pansit na nasa kaniyang pinggan.
"Cat got your tongue?" natatawang bulalas ni Cleo. Tinapik niya ito sa balikat at hinimas-himas na para bang pinapagaan ang ang kaniyang loob. "Ang tandaan mo, nahuli ka man ngayon, hindi ka naman makukulong. Motivation iyon, Koks."
"Ako lang ba o parang nakikita ko ang mga sarili natin noong highschool sa kanila?" biglang tanong ni Kuya Piolo.
"Ikaw nga lang," bagot na sagot ni Kuya Jaspi at muling ipinagpatuloy ang pagkain.
"Pero totoo," pagsang-ayon ni Ate Rain saka tumingin sa akin. "Kasing ganda ko si Isabelle noon."
"Parang iba may kakaiba sa ganda mo, Ate Rain?" Mariing kumunot ang noo ni Cleo habang nakatitig kay Ate Rain. Magulong nakapusod ng kaniyang buhok na animo'y nasa bahay lamang kami at kumakain ng normal na dinner. "Parang lang-beauty queen."
Naglagitik ng daliri si Kuya Jaspi. "Tumumpak ka ro'n, Gandang Lalaki! Sumasali nga siya sa mga pageant mula elementarya hanggang highschool."
Maliit akong napangiti. Totoo iyon. Kahit na parang napakasimple ng itsura ni Ate Rain ngayon, kitang-kita ang liwanag na bumabalot sa kaniya. Kumikinang siya kahit na wala siyang gawin. Natural na iyon sa kaniya.
Natapos ang aming handaan nang maayos. Maraming kuwentuhan at tawanang aming pinagsaluhan. Sa kaunting oras na iyon, nakaramdam ako ng kontentong saya.
"Isa."
Napatigil ako sa paglalakad nang tawagin ako ni Kyle na nasa likod ko lamang. Nagpatuloy ang aming mga kasama. "Hm?" tanong ko nang makaharap ako sa kaniya.
"Maganda ka sa sarili mong paraan," malumanay niyang usal. Pagkatapos ay ngumiti siya nang matamis.