Chapter 17 Part 1
Goal on the Pitch
Ano nga ba ang sukatan upang masabing kaibigan mo na ang isang tao? Sa lalim ba ng pagkakakilala sa isa't isa? Sa tagal ng pagsasama? Sa dami ng mga pagsubok na napagdaanan?
Kung oo ang sagot, ibig sabihin ay hindi ko pa nga maaaring tawaging kaibigan sina Cleo at Kyle. Kamakailan ko lamang sila nakakausap.
Puwede ko na ba silang ituring na kaibigan ko? Halos araw-araw na kaming magkasalo sa pananghalian. Kaibigan na bang maituturing iyon?
"Magpahinga ka na, ija."
Napatingin ako sa aking likuran nang maramdaman ang marahang paghagod ni lola sa aking likod. "Sige po," mahina kong sambit. Isang beses akong tumango nang may suot na maliit na ngiti.
Nagtungo ako sa aking kuwarto at umupo sa aking lamesa. Naroon ang aking mga libro. Pinilit kong ituon ang aking atensyon roon kahit na may mga pagtatanong pa rin sa aking isipan.
Hindi ako kagalingan kaya kailangan kong pag-igihan sa pagre-review.
ð¯ðð§ð¢Ö´à»ð¦
"Isabelle."
Napatigil ako at napalingon sa aking likod kung nasaan si Kuya Jaspi na nakasakay sa kaniyang motor.
Itinaas niya ang salamin ng helmet kaya nagtagpo ang aming mga mata. Tiningnan niya ako nang seryoso. "Kung ano man iyang bumabagabag sa isip mo, mas mabuting harapin at komprontahin mo iyan kaysa ang takasan at iwasan o iwaksi lang iyan. Kung ganoon ang gagawin mo, hinding-hindi ka matatahimik."
Parang paborito kong kanta ang kaniyang sinabi, paulit-ulit sa aking isip. Walang tigil at tila ba ayaw akong lubayan.
"Focus on your paper. Ang makita kong tumingin sa ibang direksyon," inilibot niya ang kaniyang seryosong mga mata, "patay sa akin." Napakalalim at seryoso ng kaniyang boses.
Umiling ako at iwinaksi ang mga nasa aking isipan. Kailangan kong mag-focus. Ibinaba ko ang aking paningin at itinuon ang pansin sa papel. Bumuntong-hininga ako bago tuluyang pinulot ang aking lapis.
Nakakatawa dahil nagawa kong maalala ang mga inaral ko kagabi dahil kina Cleo at Kyle.
Sabay kaming naglakad ni Cleo papunta sa Reading Park. Ramdam kong mayroon maliit na ngiti sa aking labi. May kung anong kumikiliti sa aking tiyan.
Tama si Kuya Jaspi. Kailangan ko iyong harapin. Nais kong matahimik at makumpirmi. Hindi na ako makapaghintay na itanong sa kanila iyon.
"Si.. Kyle?" tanong ko kay Cleo nany maihanda na namin ang mga pagkain at wala pa ring dumarating na Kyle.
Tumingin siya sa akin nang may pagtatanong. "Hindi niya sinabi?"
Tinitigan ko siya at umiling. Anong dapat niyang sabihin?
"May meeting sila ng soccer team," kura niya at pagak na ngumiti. "Urgent kasi."
Naliit akong ngumiti at tumango. Kung ganoon, bukas ko na lamang iyon itatanong. "Kain na tayo.."
Ganoon na nga siguro. Ngumiti ako at nagsalok na ng makakain. Maganda ang maghintay..
ð¯ðð§ð¢Ö´à»ð¦
"Isa!"
Mula sa librong binabasa, napatingin ako sa aking likuran at nakita si Kyle na tumakbo palapit sa aking direksyon.
"Ah, Kyle." Ibinaba ko ang aking libro nang makatabi siya sa akin.
"Hindi pala ako nakasama sa inyo kanina kasi may meeting kami," bungad niyang sambit.
"Hm. Sabi nga ni Cleo."
"Buti naman at may silbi pa rin ang Cleopatrang iyon." Humalakhak siya. "May pupuntahan ka ba sa Sabado?"
"Huh? W-wala naman." Bahagya akong umiling. Tuwing Sabado, naglalaba lamang kami ni lola.
"May friendly game kasi kami ng soccer team," mabagal niyang sabi na para bang may pag-aalinlangan. "Gusto mong manuod?"
"Ah, ano.." Hindi ko alam ang isasagot. Kahit kailan kasi ay wala pang nag-aya sa akin na lumabas para manuod o ano man.
"Hindi ka ba papayagan?" Marahan niyang iniangat ang mga kilay.
"Hindi naman sa ganoon.." Naitikom ko ang labi. "Papayagan naman siguro ako. Pero.." Naramdaman ko ang pagkabog ng aking dibdib. Sasabihin ko ba?
"Pero?"
Tumigil ako at ganoon rin siya. Hinarap ko siya ngunit hindi ko magawang tumingin diretso sa kaniyang mga mata.
"Bakit mo ako..." Nagbuga ako ng hangin. Nag-angat ako ng tingin at nakita ang taimtim niyang mga mata. "Iniimbitahan?"
Tumingin siya nang diretso sa akin, puno ng pasensya. "Dahil magkaibigan tayo."
Nahagip ko ang aking hininga. Sinagot niya ang tanong ko kahit na hindi ko pa ito nasasabi...