Chapter 17 Part 2
Goal on the Pitch
"Uh..." Mahina ang aking boses at hindi ko magawang itaas ang aking tingin. Hindi dahil may ginawa akong mali o ano man. Nahihiya kasi ako..
"Mariah?"
"Uhm.." Marahan kong kinagat ang loob ng aking labi. Mahina akong nagbuga ng hangin nago tuluyang nagsalita. "I-inaya po ako ng isang kaibigan ko sa Sabado." Mabilis akong nagtikom ng bibig pagkatapos magsalita.
Alam ko namang walang masama sa sinabi ko. Kinakabahan lamang ako dahil unang beses ito. Sa loob ng buong buhay ko, unang beses akong magpapaalam na may pupuntahan kasama ang isang kaibigan. Kaibigan.
"Maganda iyan. May kaibigan ka na," magaang tugon ni lola. Nang mag-angat ako ng paningin ay nakita ko ang maliit na ngiti sa kaniyang labi.
Tila ba nabunutan ako ng tinik sa kaniyang tinuran. Kahit pa na inaasahan ko nang papayag siya, iba pa rin kapag narinig mula sa kaniya.
"Iyong si Ibarra ba iyon?"
Napatingin ako kay Kuya Jaspi na nakatuon ang atensyon sa plato pero nakikinig pala. "Opo."
Tumigil siya sa pagkain at tumingin sa aming lola. "La, alam mo ba iyong isang kaibigan ni Isabelle, akalain mong kapangalan iyong tauhan ni Doctor Pepe? Crisostomo Ibarra!" buong sigla niyang pagkukuwento. Humalakhak pa siya ng napakalakas. "Gusto ko iyong kaibigan mong iyon, ah."
Umiling si lola bago tumingin sa akin. "Saan kayo pupunta?" mabagal niyang tanong at itinaas ang dalawang kilay.
"Soccer player po siya tapos may.. friendly game po sila. Inaya po niya akong manuod."
Tumatango-tango siyang sumubo. "Gusto mo bang pumunta?" Pagkalunok ay tumingin siyang muli sa akin nang may pagtatanong sa mumha.
Nakita kong tumingin rin si Kuya Jaspi sa aking gawi.
"Opo," simple kong sagot sabay tango.
"Kung gano'n, sige, pumunta ka. Maganda iyan para hindi ka makulong rito sa bahay. Kailangan mong magliwaliw."
Dahan-dahang kumurba sa isang ngiti ang aking mga labi. Hindi ko mapigilang masabik sa araw na iyon. Ano kayang magyayari?
ð¯ðð§ð¢Ö´à»ð¦
"Paalam po." Maliit akong kumaway. Hinintay ko munang makaalis si Kuya Jaspi sakay ng kaniyang motor bago ako humarap sa aming paaralan.
Kumunot ang aking noo nang makita ang jsang pigura sa gilid ng gate. Nakatayo lamang siya roon suot ang aming uniporme at ang kaniyang bag. Bahagya siyang nakanguso at nagmamasid sa paligid na tila ba may hinahanap.. o hinihintay.
"Good morning, Isa!"
Napatigil ako sa paglalakad nang bigla siyang tumabi sa akin. "Hm. Good morning, Kyle." Binati ko siya ng isang maliit ngunit totoong ngiti.
Tumaas ang kaniyang magkabilang pisngi kasabay ng pagkurba ng kaniyang labi. Nahuli ko ang munti g pagkagat niya sa dulo ng kaniyang dila. "Kumusta ang tulog? Nakatulog ka ba nang maayos? Hindi ka naman ba binangungot?"
May kung anong kumabog sa loob ko. May kakaiba. Hindi ko masabi. Hindi ko mapangalanan. Iyong ngiti ba niya iyon? Alam kong palagi siyang masigla at nakangiti ngunit may kakaiba.
"Maayos akong nakatulog, Kyle. Salamat. Ikaw?" balik ko. Kahit na may nararamdaman akong kakaiba, pinilit kong huminga nang maayos.
"Sobrang ayos rin! Ang sarap matulog lalo na kapag walang inaalala," mahaba niyang sambit at nag-inat pa.
"Hindi ka ba nag-aalala sa laro niyo sa Sabado?"
Masigla siyang umiling na animo'y sobrang saya tungkol sa pinag-uusapan namin. "Hindi. Sa totoo nga, excited ako." Pagkuwa'y humarap siya sa akin. "Napag-isipan mo na ba? Sasama ka?"
"Hm." Tinanguan ko siya ng isang beses bago kami muling naglakad. "Naipaalam ko na kina lola at kuya."
"Hmmm." Tumango-tango siya. "Kung gano'n, gusto mo bang sunduin kita?"
"Hindi na kailangan," ani ko. "Marunong ka ba magmaneho?"
"Marunong naman pero bawal pa akong lumabas nang may motor dahil wala pa akong lisensya, eh." Bahagyang bumagsak ang kaniyang balikat. Hinila niya ang magkabilang strap ng kaniyang bag at saka ngumuso. "Pero puwede tayong mag-commute kung gusto mo. Ano? Gusto mo bang sunduin kita?"
"Pero.. 'di mo alam ang bahay namin." Humina ang aking boses.
"Pero puwede mong sabihin." Nagkibit siya ng balikat at tila ba sinundan ang aking tono.
"Hmm. Sasabihin ko muna kina lola."
"Sige. Hihintayin ko ang sagot mo."
Tumigil kami sa harap ng building ng aming strand.
"Enjoy sa klase!" masigla niyang sambit. Ang kaniyang ngiti ay napakalawak. Sunod-sunod siyang kumaway bago tumatalon-talong umalis.
Mahina akong napatawa bago tumuloy sa aming building. Hindi ko alam kung saan papunta ang aming pagkakaibigan pero hinihiling kong sana, sana lamang, maging maayos ang lahat.. Kahit sa tahimik na paraan.
ð¯ðð§ð¢Ö´à»ð¦
Napatingin kami kay Cleo nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone.
Ngumiwi siya. Nagmamadali niyang ibinulsa ang cellphone bago tumayo. Nanliliit ang kaniyang mga matang tumingin kay Kyle. "Crisostomo, babatukan talaga kita kapag 'di mo tinukungan si Isa na mag-ayos dito." Iginaya pa niya ang kaniyang kamao. Lumambot ang kaniyang ekspresyon nang humarap sa akin. "Kita tayo mamaysa sa room, Isa." Maliit siyang kumaway bago tumakbo palabas ng canteen.
"Saan siya pupunta?" bulalas ko habang hinahabol siya ng tingin.
"Isa nang Isa, sipain kita papuntang mars, eh!"
Napatingin ako kay Kyle. "Huh?"
Bumungisngis siya at umiling. "Pupunta lang iyon kay Hunyo."
Hun.. yo?
Iwinaksi ko na lamang iyon mula sa aking isipan. Nang matapos kaming kumain ay nag-ayos na kami.
Paglabas namin ng canteen ay nadaanan namin ang isang grupo ng nga lalaki na sunod-sunod na tinawag si Kyle.
"Ck!"
"Cooks!"
"Kokey!"
"Soto!"
"Ibarra!"
"Crisotomo!"
"Balik ako maya!" sigaw ni Kyle pabalik at itinaas pa ang palad.
Ang iba sa kanila ay natawa at napangisi. Ang iba naman ay umiling.
"Hm?" mahina kong tanong sa sarili nang magpatyloy kami sa paglalakad. Iba-iba sila ng itinawag kay Kyle..?
"Ang?" tanong ni Kyle at tumingin sa akin.
"Ang dami nilang tinatawag sa 'yo," malumanay kong tugon. "Hindi ka ba nalilito?"
"Hindi naman." May naglalarong kakaibang ngiti sa kaniyanh labi anng muli siyang tumingin sa akin. "Kung gusto mo, puwede mo ring dagdagan."
"Huh? Bakit naman..?"
"Para may sarili ka ring tawag sa 'kin."
"Hmm, gusto mo ba? Na may itawag rin ako sa iyo?"
"Syempre, gusto ko!" Mahina siyang tumawa. "May naiisip ka ba?"
"Mag-iisip pa ako," tanging tugon ko. Hindi ako makapag-isip. Lalo na at nakaharap sa akin ang mukha niya. Nakatuon sa akin ang kaniyang atensyon. Mabilis ang pagkabog ng aking dibdib na tila ba kinakabahan ako.
"Hm." Isang beses siyang tumango gaya ng parati kong ginagawa. "Take your time, Misa."