Back
/ 38
Chapter 21

Chapter 18

Goal on the Pitch

Mariah Isabelle Fuertes

Okay lang raw na sunduin mo ako

Kasunod ng chat kong iyon ay sinabi ko rin ang address ng aming bahay. Kontento akong ngumiti bago humiga. Maluwag ang aking hininga nang ipikit ko ang aking mga mata. Ramdam ko ang kiliti sa aking puso.

Pakiramdam ko ay para akong baliw na hanggang sa paggising ay may ngiti pa rin sa aking mukha. Tumayo ako at ihinanda na ang aking sarili.

"Isabelle, hindi mo naman sinabi na napakamapagbiro pala nitong kaibigan mo." Iyan ang bungad sa akin ni lola pagkalabas ko ng aking kuwarto.

Natagpuan ko siya na nakaupo sa aming munting sala. Kasama niya roon si Kyle na tuwid na nakaupo sa tabi ni lola.

Magaang humalakhak si Kyle bago tumayo. "Lola, salamat po at pinayagan niyo si Isa na sumama sa akin ngayon," pahayag niya habang nakangiti. Bahagya siyang yumuko.

Hinawakan ni lola si Kyle sa balikat. "Sabi ko nga, mabuti at napagdesisyunan niyang gumala-gala kahit kahit minsan lang."

Matipid akong ngumiti kay Kyle nang magtama ang aming mga mata. Ang mga tingin niya ay may kinang at umabot roon ang kaniyang suot na ngiti.

"Una na po kami, lola," pagpapaalam ko nang makarating kami sa labas ng aming bahay.

"Mag-ingat kayo at magsaya!" Kumaway siya habang may malawak na ngiti sa labi.

"Promise po, ibabalik ko nang buo at ligtas si Isa," turan ni Kyle bago tuloy-tuloy na kumaway pabalik kay lola.

Magkatabi naming tinahak ang highway ng aming lugar kung saan dumadaan ang mga pampasaherong sasakyan.

"Ang cute ng lola mo," biglang usal ni Kyle nang makalayo kami sa bahay. "Pareho kayo." Mula sa gilid ng aking mata ay nakita ko siyang sumulyap sa akin.

"Kyle, hindi ka ba kinakabahan para sa laro niyo mamaya?" tanong ko.

"Siguro, oo pero super slight lang." Hinabaan niya ang pagbanggit sa salitang super. "Kasing laki lang ng kakapanganak na langgam."

"Pero galing sa itlog ang langgam..?"

"Talaga?" Nanlalaki ang mga mata niyang tumingin sa akin.

"Hm." Simple ko siyang tinanguan. "Pero hindi ka talaga kinakabahan?"

"Mas angat ang excitement at saya. Kasama kita, eh." May naglalarong ngiti sa labi niya nang ibalik ang tingin sa daan.

Pagkarating namin sa highway ay naghintay lamang kami ng ilang minuto sa waiting shed bago kami nakasakay ng jeep. Tahimik lamang kaming pareho.

Nahuli ko ang dalawang babae sa kabilang upuang sumulyap sa direksyon namin. Sigurado akong diretso ang kanilang tingin sa katabi kong lalaki.

"Kyle," mahina kong tawag sa kaniya.

Sumulyap naman siya akin at humig papalapit. "Bakit?" pabulong niyang tanong.

"Uh.." Nang tapunan ko ulit ng tingin ang dalawang babae, nakatingin pa rin sila sa aming direksyon at parang pinapanood ang aming kinikilos. Nang tumingin sila sa akin ay mabilis silang nag-iwas ng tingin.

"Hayaan mo sila."

Napatingin ako kay Kyle nang bigla siyang magsalita. Nakita niya rin iyon..?

"Hindi nila ako makukuha tulad ng pagkakuha mo sa akin."

Huh.?

Inilagay niya ang kaniyang kamay sa hawakang bakal at itinuktok roon ang hawak na barya. Mabilis namang tumigil sa pag-andar ang jeep na sinasakyan namin.

Maglalabas pa lamang sana ako ng pambayad pero nag-abot na siya ng pera sa nauuna sa aming pasahero.

"Tara, Isa." Sumunod ako sa kaniya nang maglakad na siya palabas.

Napatingin ako sa kaniya nang iyalay niya ang kaniyang kamay. Anong dapat gawin ro'n?

Ngumiti siya bago hinawakan ang aking kamay at inalalayang bumaba ng jeep. Hinid na lamang ako umangal. Maingat naman niya akong binitawan nang tuluyan akong makababa.

Pumasok kami sa stadium at nagtungo sa isang pinto. Pagkabukas ng pinto ay bumungad sa paningin ko ang malawak na soccer field. Alam kong malawak ang soccer field sa aming paaralan ngunit medyo mas malawak rito. Sa palibot ng field ay makikita rin ang mga upuan na parang bleachers.

"Wow, may dala si Ck!"

Napatingin ako sa direksyon na pinanggalingan ng boses. Doon ay nakita ko ang isang grupo ng mga lalaki na pare-pareho ng damit. Sila ang soccer players ng aming paaralan.

"Hello!" Halos sabay-sabay silang bumati sa amin. Kumaway pa ang iba sa kanila.

"Hi po," bati ko. Maliit akong ngumiti at bahagyang kumaway.

"Ano ulit pangalan mo?" tanong ng isa sa kanilabat humilig.

"Isabella po."

"Huwag ka nang magpo sa amin. Pwede mo kaming ituring na kaibigan lalo na at magiging parte ka rin ng big family namin balang araw."

"Huh?" bulalas ko. Naramdaman ko ang aking mga kilay na gumalaw pataas. Ano raw..?

"Tulad nitong si Abbie." Inakbayan niya ang babaeng nakaupo. Nakasuot rin siya ng jersey. "Naging parte siya ng pamilya namin noong sinagot niya si—"

Hindi niya natapos ang kaniyang sinasabi nang batukan siya ni Kyle. "Masyado nang maraming lumalabas diyan sa bibig mo."

Nagsitawa sila.

Humarap sa akin si Kyle. "Isa, magpapalit lang ako sandali ng damit, ha?" Maingat siyang nagtaas ng kilay. "Kapag may ginawang hindi maganda ang mga ugok, tadyakan mo lang mga mukha nilang hindi rin maganda. Okay?"

Bahagya akong napangiti bago tumango.

Humarap siya sa mga kasama nang nakapameywang. "Ipapatalo ko itong laro kapag may katarantaduhan kayong ginawa o sinabi habang wala ako," may pagbabantang ani ni Kyle bago tuluyang umalis.

"Yes, master!" sigaw nila at sumaludo pa na akala mo naman ay commander nila ang nagsalita.

"Isabelle!" Napatingin ako sa kumawit sa aking siko. Ngumiti siya sa akin at hinila ako paupo. "Anong strand mo?" tanong niya at hinawi ang mahabang buhok.

"H-humss."

"More on recitation kayo ro'n, 'di ba?" kura ng isa sa kanila.

"Hm."

"Ibig sabihin, magaling ka sa public speaking?" tanong pa ng isa.

"Uh.. H-hindi, eh," nahihiya kong sagot.

"Ano ka ba, Gilv. Hindi dapat ganiyan ang mga tanong mo," suway ng isang lalaking may suot na hikaw. Ngumiti siya nang malawak at humarap sa akin. "Umamin na ba siya?"

Kumunot ang aking noo. "S-sino po?"

"Si Kyle," sagot ng isa pa.

Nahihiya akong napangiti at umiling. "Wala naman po siyang dapat aminin.."

"Ang bagal naman niya," usal ng isa na naman.

Tumigil sila sa pagtatanong ng mga bagay nang dumating si Kyle.

"Enjoy sa game! Fighting, guys!" sigaw ni Abbie nang makapaghanda na sila.

"Isabelle," tawag sa akin ng isang manlalaro. "I-cheer mo kami, ah?" Matamis siyang ngumiti.

"Kayo ni Abbie."

"Uh.. Hm." Maliit akong ngumiti at tumango.

Bahagyang dumami na ang mga tao. Kanina pa dumating ang makakalaban nila.

Nanood lang si isa kahit na hindi niya alam ang rules ng game.

Hindi ko alam kung ano ang mga panuntunin ng laro at kung paano iyon laruin. Ang tanging alam ko lamang ay dapat pag-agawan ang bola at i-shoot iyon sa kahon na net sa magkabilang dulo ng soccer field.

Wala akong naiintindihan sa laro nila ngunit nakakawili silang panoorin. Takbo at lakad ang ginagawa nila.

"Huwag mo masyadong isipin mga pinagsasasabi nila, ha?"

Napatingin ako kay Abbie na kasama kong naiwan nang bigla siyang magsalita. Anghrl kung ilalarawan ang kaniyang mukha. Napakaamo ng kaniyang mga katangian. Kumikinang rin ang mahaba at matuwid niyang buhok.

"Karamihan sa kanila, may saltik talaga."

Mahina akong natawa sa kaniyang binanggit. Mukha siyang anghel ngunit ang sinabi niya ay hindi galing sa anghel...

"Salamat, Isabelle!" Iyon agad ang sinabi nila nang matapos ang laro at bumalik sila sa pag-upo.

Tumaas ang aking mga kilay at hindi alam kung kanino titingin. "Ha? W-wala naman akong naitulong," tanging sambit ko. Pinapaulanan kasi ako ng pagpapasalamat galing sa mga manlalaro ngunit wala naman akong ginawa...

"Presensya mo pa lang, malaking bagay na iyon," puno ng ngiting sabi ng isang manlalaro.

"Nakita mo iyong curve goal ni Ck sa huli?Iyon ang nagpanalo sa amin," sabi ng isa pa na puno ng pagmamalaki. Tumingin siya sa akin nang seryoso. "At dahil iyon sa 'yo!"

Share This Chapter