Back
/ 38
Chapter 22

Chapter 19

Goal on the Pitch

Kapag may pinayo ang isang tao sa iyong gawain at nakita mong hindi rin niya ginagawa ang bagay na iyon, nakakainis iyon, hindi ba? Iyon ang naramdaman ko nang ibaba ko ang aking tingin sa aking kandungan at nakita ko ang tuhod ni Kyle na mayroong gasgas. Mayroon ding tuyong dugo  roon.

Nang tapunan ko ng tingin ang kaniyang mukha ay tila ba hindi niya alam na mayroong gasgas sa kaniyang tuhod. Nakatingin lamang siya sa malaking field sa aming harapan. Nauna na ang mga kasamahan ni Kyle sa paglalaro at kaming dalawa na lamang ang naiwan.

"Kyle, may gasgas ka sa tuhod," banggit ko.

Tumingin siya sa akin sandali bago tinignan ang aking tinutukoy. Ngumiti siya sa akin. "Ayos lang."

Nangunot ang aking noo. Ano'ng ayos roon..? "Pumunta tayo sa clinic. Mayroon ba iyon dito?" Inilibot ko ang aking paningit at natagpuan ang isang parang maliit na kuwarto sa isang gilid na mayroong krus sa taas ng pintuan.

"Hindi na. 'Di ako papatayin nito," saad niya na para bang wala lang.

"Bakit hindi ka nag-iingat?" Nagkaroon ng inis sa aking boses.

Tumingin siya sa akin. Bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata bago lumunok. "N-normal lang naman to sa laro, eh." Bahagyang nanginig ang kaniyang boses. Lumihis siya ng tingin at itinuon sa harapan. "Tsaka sanay naman na ako kaya nga hindi ko na nararamdaman ang sakit, eh."

Naramdaman ko ang pagnguso ng aking mga labi. "At nakakainis iyon." Kinalikot ko ang maliit kong sling bag at inilabas roon ang isang band aid.

Lumuhod ako kaniyang harapan dahil wala naman ng mga upuan roon. Napataas ang aking mga kilay nang napaigtad siya. Nilagyan ko ng tubig ang aking panyo. Pupunasan ko na sana ang sugat ni Kyle nang bigla niya akong hawakan sa kamay. Nag-angat ako ng tingin.

"Huwag na," aniya at umiling pa.

Ako naman ang umiling. Marahan kong tinanggal ang kaniyang kamay na nakahawak sa akin. Ibinalik ko ang tingin sa kaniyang sugat at pinunasan iyon gamit ang basang parte ng aking panyo. Wala akong dalang betadine o alcohol. Nang mawala ang mga dugo ay marahan at maingat kong inilagay ang band aid. Pinadaan ko ang aking daliri sa band aid upang tiyaking nakakapit na iyon sa kaniyang balat.

"Huwag mong sasanayin ang sarili mong mahirapan. Sabi mo iyon sa 'kin." Maliit akong ngumiti bago umupo sa kaniyang tabi. "Kahit pa normal iyon at sanay ka na, mag-ingat ka pa rin. Kahit para lang sa mga taong nag-aalala sa iyo."

"Salamat," mahina niyang bulalas.

Mula sa gilid ng aking mga mata ay nahuli kong pinaglapat niya ang kaniyang mga labi. Mula sa tuhod na may band aid ay tumingin siya sa ibang direksyon.

"San mo gustong kumain?" tanong niya pagkaraan ng ilang minutong pananahimik.

"Ah.. Kahit saan," sagot ko.

"Hindi ka galit?"

"Huh?" Napatingin ako sa kaniya nang may pagtatanong "Bakit.. Bakit naman ako magagalit?"

Tumingin siya sa akin nang diretso. Tumingin iyon ng ilang sandali bago nag-iwas ng tingin. "Ayos lang sa karinderya?"

"Hm." Tumango ako kasabay ng aking maliit na ngiti. "Basta may makakain. Iyon ang importante."

Humarap siya sa akin kaya napatingin n alang ako sa kaniya. "Pili ka. Karinderya, fast food chain, o restaurant," aniya sabay ng pagbibilang ng mga daliri.

"Okay lang sa akin kahit saan. Ayos lang sa akin."

Ngumuso siya. Nagbuga siya ng hangin bago tumingin ulit sa kaharap.

"May alam akong paraan para makapili tayo, Kyle," mabagal kong sambit. Nagdadalawang-isip pa ako dahil baka hindi magtagumpay.

Humarap siyang muli sa akin. "Sige, ano iyon?" Ngumiti siya nang malawak.

"Pahiram ng cellphone mo."

Mabilis niyang ibinigay sa akin ang kaniyang cellphone na nakalapag sa katabi niyang upuan.

Ipinakita ko sa kaniya ang aking cellphone at panyo, kasama ang kaniyang panyo. "Pili ka ng isa rito. May karinderya, fast food chain, at saka restaurant dito," pahayag ko at pinagmasdan siya.

"Saan naman?"

"Syempre hindi ko sasabihin." Mahina at bahagya akong napatawa. Ang aking cellphone ay sa karinderya, ang aking panyo ay sa fast food chain, at ang cellphone naman ni Kyle ay sa restaurant.

"Ang pipiliin ko ba, akin na?"

"Huh?" Napataas ang aking mga kilay.

"Panyo mo ang pili ko," simple niyang turan at ngumiti sa akin nang pagak.

"Fast food ang ibig sabihin." Ngumiti ako pabalik at ibinalik sa kaniya ang kaniyang cellphone.

Lumawak ang suot niyang ngiti. "Tara sa fast food!" sigaw niya at tumayo. Binitbit niya ang kaniyang backpack bago kami nagtungo sa banyo upang makapagpalit siya.

Nang matapos siya ay nilakad lamang namin ang fast food chain. Nag-order ako ng spaghetti at fried chicken. Kay Kyle naman ay burger steak. Bumili rin kami ng fries.

"Alam mo ba kung anong importante tuwing kakain?" bigla niyang tanong nang makaupo kami. Maingat niyang inilapag ang aming mga order.

"May pagkain?" sagot ko.

Pagak siyang ngumiti. "Oo, importante ang pagkain. Pero may iba pa. Alam mo ba iyon?" Tinaasan niya ako ng mga kilay. Umupo na rin siya sa aking tapat.

"May.. tubig?"

Pumikit siya at mariin na pinagtikom ang mga labi, halatang nagpipigil ng ngiti dahil sa pagtaas ng kaniyang mga pisngi. "Syempre naman." Nagbuga siya ng hangin at tumingin sa akin.

May kakaiba talaga sa paraan ng pagtingin niya. May hindi ako mapangalanan roon. Para bang.. mayroong kislap sa kaniyang mga mata.

"mportante rin ang taong kasama mong kumain."

Napalunok ako at tumingin sa pagkain nang makaramdam ng kakaiba. May kung anong kumikiliti sa aking tiyan...

Itinuon ko ang aking pansin sa pagkain. Kumain lamang kami nang tahimik.

"Ang galing niyo kanina sa laro, Kyle," sambit ko nang matapos kaming kumain. Inuubos na lamang namin ang fries na sinaluhan rin namin ng sundae.

"Talaga?" Kumislap ang kaniyang mga mata.

"Hm. Kahit hindi ko talaga alam ang mga panuntunin, nagustuhan ko namang manood." Maliit akong napangiti. "Hindi ka ba kinabahan habang naglalaro?"

"Medyo lang pero mas nag-enjoy ako. Parang training na rin kaso namin iyon."

Pagkatapos naming kumain ay lumabas na kami.

"Gusto mo na bang umuwi?" tanong niya habang naglalakad kami.

"May pupuntahan pa ako, eh," sagot ko at napatikom ng bibig "Ayos lang kung mauuna ka na."

"No. Wala naman akong lakad. Sasamahan na lang kita."

Napataas ako ng mga kilay.

"Tutal, nakalaan talaga ang araw na ito para sa 'yo." Tumingin siya sa akin. "Saan ka ba pupunta?"

"Sa bookstore."

Nagtungo kami papunta sa bookstore. Naglakad-lakad lamang kami. Ako naman ay nagtitingin lamang ng mga libro. Ang iba ay binabasa ko ang blurb.

"Hindi ka bibili?" tanong niya nang lumabas kami nang walang binibili.

"Pag-iipunan ko pa."

May gusto talaga akong bilhin ngunit hindi pa puwede sa ngayon dahil hindi ba kasya ang aking pera. Gusto kong maging responsable sa pag

Nang matapos kami sa bookstore ay napagpasyahan naming umuwi na. Sumakay lamang kami ng jeep pauwi. Napaigtad ako nang maramdaman ang kaniyang ulo sa tuktok ng aking ulo.

Nakatulog ba siya? Itinutok ko ang aking cellphone sa amin. Gamit ang repleksyon ng aking cellphone, nakita ko ngang nakasara ang kaniyang mga mata. Mukhang napagod rin siya sa laro nila. Palagi siyang mukhang masigla ngunit kapag wala palang nakakakita, lumalabas ang kaniyang kapaguran...

"Salamat, Mariah Isa." Iyon ang kaniyang unang sinabi nang makartaing kami sa harap ng aming bahay.

Tumingin ako sa kaniya.

"Dahil sinamahan mo ako ngayong araw," pagappatuloy niya at kontentong ngumiti. Matamis iyon at abot sa mga mata.

"Hm. Wala naman akong masyadong naitulong." Sinagot ko ang kaniyang ngiti. "Salamat din, Kyle. Sa pag-invite at pagsama sa akin."

"Sa susunod ulit?"

"Hm." Tumango ako.

"Goodie byie." Masigla at tuloy-tuloy siyang kumaway gamit ang dalawang kamay.

"Hm. Goodie.. byie." Lumawak ang aking maliit at simpleng ngiti.

Share This Chapter