Back
/ 38
Chapter 30

Chapter 27

Goal on the Pitch

Hindi ko alam kung talagang alam ni Kyle ang mga nais ko o ano dahil nagustuhan ko talaga ng mga iniregalo niya sa akin. Wala ang mga iyon sa wishlist ko pero ibinigay niya.

Napangiti ako nang madaplisan ng tingin ang aking lamesa kung nasaan ang mga iniregalo ni Kyle. Magaan sa mata ang kulay na asul ng hinabing bag na ibinigay niya. May laman iyon noong libro. Nakakalambot sa puso na ang librong iyon ay ang librong pinag-iipunan ko rin. Ayokong kuwestiyonin kung saan siya kumuha ng pera dahil nais ko iyong i-appreciate nang puro. Mayroon ding bookmark na mayroong disenyong bulaklak na daisy. Iyong isa ay gawa sa tunay na bulaklak at iyong isa naman ay gawa sa artificial na bulaklak.

Pagbalik namin sa paaralan ay balik lamang sa normal na buhay. Medyo malamig pa ang simoy ng hangin ngunit bumabalik na ang dating init. Bumalik na rin ang soccer team sa pag-eensayo. Tuwing tanghalian naman ay kumakain kami sa reading park.

"Cleo," tawag ko sa presidente ng aming klase nang makita kong naiwan siya. May program kasi kaya naman lahat ng mga estudyante ay pinapapunta sa main hall.

"Mauna na kayo. Sunod na lang ako," aniya at ngumiti pa ngunit nauwi naman iyon sa isang ngiwi. Para siyang may iniinda o pinipigilan.

Tiningnan ko ang aming mga kaklase at nakitang nakalayo na sila. Napagdesisyunan kong maglakad na lamang palapit kay Cleo. "Sabay na lang tayo," ani ko. "Ano pa bang gagawin mo?"

"Ano.." Mariin niyang pinaglapat ang mga labi at luminga-linga pa sa paligid. "Magsi-cr lang ako saglit."

"Hintayin na lang kita."

Mabilis siyang naglakad papunta sa banyo. Hinintay ko lamang siya sa tapat ng aming kuwarto dahil baka mahiya siya sa akin. Kahit na magkaibigan kami ay hindi pa kami ganoon kalapit sa isa't isa kaya naman baka nahihiya pa rin siya sa akin sa ilang bagay.

Kahit naman ako ay mahihiya rin kapag ganoon...

Napatingin ako sa aking cellphone nang tumunog iyon. Nang makita ang pangalan ni Kyle na tumatawag, agad ko iyong tinanggap.

"Hi, Kyle," bati ko.

Rinig ko ang magkakahalong boses sa paligid ni Kyle na halos magtunog bubuyog na.

"Nandito na kayo sa hall?" pasigaw niyang tanong.

"Ah.. Hindi pa. Nandito pa kami ni Cleo sa building namin," tanging sagot ko. Tumanaw ako sa malayo kung nasaan ang soccer field. Kakaiba sa pakiramdam na makitang walang mga nag-eensayo roon ngayong hapon. Pati sila kasi ay nasa hall din.

"Talaga? Ire-reserve ko kayo ng upuan. Nasa gilid na parte lang ako."

Hinintay ko lamang si Cleo nang matapos ang usapan namin ni Kyle. Naririnig ko na ang tunog ng speaker mula sa hall. Nakaramdam ako ng bahagyang pagkabog sa aking dibdib. Hindi naman siguro kami pagagakitan, hindi ba..? Baka kasi ipatawag kami sa guidance office at kailanganin ring ipatawag ang mga magulang...

"Cleo," bulalas ko nang makita ko siyang tumatakbo appalapit sa akin.

"Tara na!" sigaw niya at nakisabay akong tumakbo nang umabot siya sa aking puwesto.

Hindi ko alam kung bakit kami tumatakbo. Kung dahil ba kailangan naming magmadali para hindi maparusahan o dahil baka wala na kaming uupuan. Halos wala na kasing mga estudyante sa paligid at siguro ay nasa hall na silang lahat.

Nang makababa kami sa building ay mayroon kaming nakasabayang mga estudyante sa pagtakbo.

Nang mahanap namin si Kyle ay umupo kami. Pareho kaming naghabol ng hininga.

Inabutan ako ni Kyle ng bote ng tubig na bukas na. Hindi na ako nag-alinlangan pang tanggapin iyon. Pakiramdam ko ay napakalayo ng aming tinakbo. Halos ilang buwan na noong huli akong tumakbo, mukhang taon na nga ang nakalipas. Tumatakbo lamang kasi ako tuwing kailangan para sa aming PE.

"Nasan akin, Ibarra?" tanong ni Cleo na mukhang nahabol na ang hininga. Nakasandal na siya sa upuan at ang ulo ay nakabitin lamang sa ere, sumusunod sa kaniyang pagkakasandal.

"Walang iyo, Cleopatra."

"Daya!" Tumuwid ng upo si Cleo at sinimangutan ang aking katabi.

"Heto, Cleo." Ibinigay ko ang tubig sa kaniya. "Dapat magbigayan tayo. Ganoon ang magkakaibigan," pahayag ko at matamis silang nginitian. Inilabas ko ang panyo mula sa aking bulsa at pinunasan ang mga pawis sa aking noo.

"Narinig mo iyon, Ck? Kaibigan ka at ako." May pagdiin si Cleo sa salitang kaibigan. Pumaharap pa siya upang matingnan nang maayos si Kyle na pinanliliitan na siya ng mga mata.

"Oo na!" Nag-ikot ng mata si Kyle at nahulog ang kaniyang tingin sa lapag.

Bahagya akong napaigtad nang biglang umalis si Kyle sa pagkaakupo at lumuhod sa aking harapan. Napako ang tingin ko sa kaniya nang ayusin niya ang pagkakatali ng mga sintas ko.

"kung ayaw mong matapilok at masaktan, dapat maayos ang sintas mo kung tatakbo ka."

𓍯𓂃𓏧𓍢ִ໋🀦

"Isa, sama ka, ah? Amusement park tayo. Birthday ko kaya don't worry. Libre ko lahat," masiglang sambit ni Cleo nang mailapag namin ang mga pagkain sa lamesa. Medyo mahangin kasi kaya sa canteen namin napagdesisyunang kumain gaya noong kapaskuhan. Matamis niya akong nginitian at tinaas at babahan pa ng kilay.

"Ah.. Kailan ba iyon?" may pag-aalinlangan kong tanong.

"Bukas," agaran niyang tugon. "Biyernes naman bukas kaya puwede tayong gumala nang gabi pero kung hindi ka puwede, ayos lang din." Ngumiti siya nang bumabawi. "Basta, huwag mong kalimutang i-greet ako, ah?"

Nakangiti ko siyang tinanguan. "Sige, susubukan kong magpaalam kay lola ko."

Mabilis na nanlaki ang kaniyang mga mata. "Talaga?"

"O-oo. Hindi naman siya masyadong strict."

"Napaka-cute mo talaga, Cleopatra." Nanggigigil na pinisil ni Kyle ang pisngi ni Cleo habang may pagkain pa sa labi.

Sinamaan ni Cleo ng tingin si Kyle at tinanggal ang kamay nito sa pisngi. "Sama mo si June bukas, ah?"

"Opo, Tandang Cleopatra." Humagikhik pa siya na halatang nang-aasar na naman.

"Eh, anong tawag mo sa 'yo, Ginoong Crisostomo Ibarra?" Puno ng sakrastiko ang boses ni Cleo at nginisian pa ang kaibigan.

Panay ang pagpapalit ng mga mata ko sa kanilang dalawa. Nagbago na ang taon ngunit sila ay hindi pa.. Nakakatuwa.

"At least, sikat pangalan ko."

"Mas sikat naman si Cleopatra!"

𓍯𓂃𓏧𓍢ִ໋🀦

Pagdating ng Biyernes ay pumunta kami sa amusement park. Masaya ako dahil masaya rin si lola nang payagan akong sumama.

Kasama namin si June, ang kaklase at presidente ng klase nina Kyle. Medyo humaba na ang dating hanggang taas ng balikat niyang buhok. Ang kaniyang ekspresyon naman ay tulad pa rin ng dati, nakaka-intimidate at medyo nakakatakot.

Ngunit si mukhang hindi ganoon ang nararamdaman ni Cleo dahil panay siya sa pagkulit rito.

"June, gusto mong hairband?" nakangiting tanong ni Cleo. Itinaas niya ang hawak na hairband na mayroong design ng mga tainga ng isang kilalang children show.

Nagtaas ng isang kilay si June at mukhang walang interes sa sinasabi ni Cleo. Tumingin siya sa ibang direksyon. Pinulot niya ang isang hairband na mayroon namang disenyo na tainga ng isang aso. "Suot mo 'to," aniya na may tunog ng awtoridad.

Nakangiting kinuha iyon ni Cleo at dinampot naman ang hairband na mayroong disenyo ng tainga ng itim na pusa. "Ito sa 'yo para pair tayo." Humagikhik pa siya na parang isang bata na sabik na sabik.

"Isa."

Napalingon ako kay Kyle nang tawagin niya ako.

"Gusto mo rin bumili?" Maingat niya akong tinaasan ng mga kilay.

Maliit akong ngumiti at umiling. "Nagtataka lamang ako."

Nakatayo kami sa gilid ng gumagawa ng cotton candy. Pinapanood kasi namin si manong na nakangiti habang gumagawa noon. Mukha siyang masaya sa ginagawa.

"Saan?"

"Parang hindi natatakot si Cleo kay June," mahina kong tugon. Itinuon ko na lamang ang tingin kay manong. Kasalukuyan siyang gumagawa ng ni-request ni Kyle na mga kulay.

"Takot iyan. 'Di lang halata."

Nang makuha namin ang mga biniling cotton candy, umupo kami sa nakitang bench. Medyo mahaba iyon kaya nagkasya kaming apat.

"Ba't 'di kayo bumili ng hairband?" tanong ni June at tiningnan kami ng aking katabi. Mayroong kakaiba sa kaniyang boses dahil awtomatiko kang mapapatingin sa kaniya kapag narinig mo siya. Para iyong isang command na dapat sundin.

Hindi ako makahanap ng sagot.. Hindi siya mukhang palakaibigan ngunit alam kong mabait siya.

"Ayaw namin maistorbo bonding niyo, eh," sagot ni Kyle nang hindi tinitingnan ang kausap. Pinagpatuloy lamang niya ang pagkain sa cotton candy na halo-halo ang kulay.

Tumayo ang mga balahibo ko nang umihip ang hangin. Dumampi sa aking balat ang malamig na simoy na dala ng hangin. Simpleng damit lamang ang suot ko at wala akong dalang jacket o hoodie. Hindi ko kasi inakalang magiging malamig ngayon.

Wala sa sarili akong napayakap sa sarili. Bahagya akong ng labas ng hangin.

"Nilalamig ka?" tanong ni Kyle nang lumingon siya sa akin.

"Ayos lang ako." Pinilit kong ngitian siya. Sinabi nga ni lola at Kuya Jaspi kanina na magdala ako...

"Op!" malakas na sambit ni Kyle na lara bang may inaawat. Ang kaniyang mga kamay ay nakaunat sa likod at harap ko kaya naman nagmistula akong nakakulong sa kaniyang mga kamay.

Kumabog ang dibdib ko. Para bang may nagwawala roon na hindi ko maipaliwanag.

"Popormahan mo ba si June o hindi?" labulong na sambit ni Kyle dahilan para magpatingin ako sa kabilang gilid ko kung saan ko nakita si Cleo na kinukuha pabalik ang kaniyang jacket na hindi na niya suot. "Minus pogi points iyan."

Tinanggal ni Kyle ang kaniyang jacket at isinuot sa akin mula sa likod. Bahagyang nanlaki ang aking mga mata nang mapalapit siya sa akin. Para bang nahihirapan akong huminga dahil sa lapit niya. Naamoy ko ang kaniyang pabango.

"Iyan," aniya at umayos na ng upo.

Nagbuga ako ng hangin nang makalayo na siya sa akin. Kukurap-kurap pa ang aking mga mata. Sinubukan kong dahan-dahang magbuga ng hangin upang pakalmahin ang sarili.

"Narinig mo iyon, Isa? Kapag binigyan mo ng jacket, ibig raw sabihin, pinopormahan na."

Napalunok ako sa sinabi ni Cleo at wala sa sariling napatingin sa suot kong jacket. Napakapit ako sa laylayan noon.

Ang ibig bang iparating ni Cleo ay.. pinopormahan ako ni Kyle...?

Share This Chapter