Back
/ 38
Chapter 31

Chapter 28

Goal on the Pitch

"Hi, Mariah!"

Napaangat ako ng tingin nang may magsalita. Walang tumatawag sa akin sa unang pangalan ko maliban sa isang tao at batay sa boses na tumawag sa akin, alam kong hindi siya iyon. Kahit na mayroong bigat, alam kong boses iyon ng isang babae. At isa pa, hindi rin niya alam kung saan ako nag-aaral.

Nagtama ang mga mata namin ng taong iyon. Mayroong maliit na ngiti sa kaniyang labi. Maliit siyang kumaway. Ang kaniyang buhok ay kumaway rin sa akin nang umihip ang hangin. Nasa kaniyang tabi si Cleo na malawak ang ngiti.

"Uh.. Hello, June." Ibinalik ko ang kaniyang ngiti. Itinaas ko rin ang aking palad at bahagyang kumaway sa kaniya

"Bakit ka nandito, Jundina?" tanong ni Kyle na tapos na sa pag-aayos ng aming mga kakainin.

"Ikaw ba, bakit buhay ka pa?" pabalang na tugon ni June at sinamaan ito ng tingin.

"Mula ngayon, kasama na natin siyang magla-lunch!" anunsiyo ni Cleo. Sabay sila ni June na umupo sa tapat namin ni Kyle.

Sa veranda ulit kami kumain dahil medyo mahangin pa. Mayroon namang lamesa rito kaya walang problema.

"Buti naman at nakaya mong tagalan itong mga gunggong na ito?" tanong ni June sa gitna ng aming pagkain.

Inangatan ko siya ng tingin upang kumpirmahing ako nga ang kaniyang tinatanong. "Ah.." Nahihiya akong tumawa. Sinulyapan ko sina Cleo at Kyle at nakita ang kanilang mga mukhang naghihintay. "Mabait naman sila.."

Agaran silang ngumiti nang malawak. Hinarap nila si June at inilabas ang mga dila upang belatan ito.

Umismid si June. "Tigilan niyo 'ko kung ayaw niyong mawalan ng dila." Maawtoridad ang kaniyang boses.

Tumigil naman sina Cleo at Kyle sa ginagawa at pinagpatuloy ang pagkain.

Maliit akong napangiti. Nakakahanga talaga siya na kaya niyang pasunurin ang kahit na sino. Kakaibang kakayahan iyon..

𓍯𓂃𓏧𓍢ִ໋🀦

Sa mga sumunod na araw ay hindi namin masyadong nakasama sina Cleo at June sapagkat busy sila sa paggawa ng mga booth. Minsan ay tumutulong rin ako ngunit kadalasan ay mga opisyal ng aming klase ang nagtatrabaho. Kahit na nais kong tulungan si Cleo araw-araw, sinabi niya sa aking hayaan ko na lamang ang mga opisyal namin dahil responsibilidad nila iyon.

Halos isang linggo ang paghahanda para sa foundation ng eskuwelahan na gaganapin sa loob ng tatlong araw. Ang akala ko ay magiging simple lang selebrasyon dito ngunit nagkamali ako. Sa huling araw ng foundation day, isasabay rin ang aming js prom. Mabuti na lamang ay hindi mandatory ang paghahanap ng ka-partner rito dahil kung hindi, baka si Kyle o si Cleo na lamang ang aayain ko.

Kabi-kabilaan ang booth na makikita. Punong-puno rin ang grounds ng mga estudyante na naglilibot. Sobrang buhay na buhay ang paligid dahil sa samu't saring ingay. Hindi iyon ingay na masakit sa tainga. Sa halip, maganda iyon sa pandinig ko. Mga tawanan ng mga estudyante at munting usapan.

Sa hindi kalayuan ay naaninag ko na ang pigura ni Kyle. Mayroon siyang kausap na lalaki, mukhang isa sa mga soccer players.

"Huwag mo nga akong tawaging Kyle!" nakasimangot na saway ni Kyle sa kausap at pabiro pa itong itinulak.

Napahinto ako dahil sa kaniyang sinabi. Ayaw niyang tinatawag siya nang ganoon..? Dumaloy nang bahagya ang pagsisisi sa aking sistema. Ngunit iyon ang tawag ko sa kaniya palagi...

Nakita kong nagtawanan pa sila bago tuluyang umalis ang kausap niya.

Hindi ko alam kung tutuloy ba ako o iiwas na muna ngunit nang magtama ang mga mata namin, wala na akong nagawa pa. Lalo na nang tawagin niya ako sa pangalan.

"Isa!" masigla niyang pagtawag sa akin. Inangat pa niya ang palad habang nakangiti nang malapad sa akin.

Ngumiti ako at nilapitan na siya.

"Kanina ka pa ba?" tanong niya nang magsimula kaming maglakad.

"Hindi naman," tanging tugon ko. Ramdam ko ang tinginan ng ibang estudyante sa amin. Medyo nasasanay na ako sa mga iyon ngunit nakakailang pa rin minsan. Sinusubukan kong ipaalala sa sarili na hindi naman nanghuhusga ang lahat sa kanila. Ang iba, hinahangaan lang si Kyle kaya napapatingin.

"Ah, Kyle."

Agad siyang napatigil kaya tumigil rin ako. Tumingin siya sa akin. "Ano iyon?"

"Uhm.." Pinaglaruan ko ang aking mga daliri. Ayos lang naman sigurong itanong, hindi ba? "Ayaw mong.." Ramdam ko ang mabilis na pagkabog sa dibdib ko. Hindi ko magawang itanong nang diretso. Hindi ko alam kung purong kaba lamang ito o baka dahil natatakot rin ako sa maari niyang isagot.

"Bakit, Isa? Ano iyon?" Mas lumapit siya sa akin at humilig pa paharap sa akin.

Lalo lamang kumabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung anong mayroon sa akin sa mga nagdaang araw. Kumakabog palagi ang aking didbib tuwing lumalapit siya sa akin.

Tumikhim ako at pinanatili ang mga mata sa ibang direksyon. Hindi ko kayang tumingin nang diretso sa kaniyang mga mata. Pakiramdam ko ay baka sumabog na ang puso ko.

Bahagya akong napaigtad nang nang hawakan niya ako sa isang balikat. Para bang may dala iyong kuryenteng mabilis na dumaloy sa aking mga ugat.

Nababaliw na ba ako..? Bakit ganito?

"May problema ba?" nag-aalala niyang tanong. Sinuri niya ang aking mukha.

Naramdaman ko na lamang ang biglang pag-init ng aking pisngi. Ano ito? Baka bigla akong mamula at makita niya!

"May sakit ka ba? Masama bang pakiramdam mo?" Idinampi niya ang likod ng palad sa aking noo.

Tumaas ang aking mga balahibo nang maramdaman ang naghahalong lamig at init mula sa kaniyang kamay. Hindi ako mapakali. Para bang nagkabali-baliktad ang lahat ng mga laman ko. Hindi ko maintindihan. Nais kong itago ang mukha sa kaniya dahil sa mga bagay na pumapasok sa aking utak. Nakakahiya!

"Medyo mainit ka—"

"Hindi!" pasigaw kong sambit. Bahagya pa akong napaatras dahilan para maiwan sa ere ang kamay ni Kyle.

Halata sa kaniyang mukha ang pagkagulat. Bahagyang bumuka ang kaniyang labi at ang mga kilay ay tumaas.

Tumikhim ako. "Ano.. Ang ibig kong sabihin ay wala akong sakit."

Sinubukan kong pakalmahin ang kabig sa dibdib ko. Nagpakawala ako ng hangin sa labi. Ano nga ulit ang sasabihin ko kanina?

Ibinaba niya ang kamay at inilagay sa bulsa ng suot na vest. "Pero medyo mainit ka. Kung gusto mo, pahinga muna tayp sa gilid." Tumingin siya sa paligid na mukhang may hinahanap. "Gusto mo bang magmeryenda muna?"

"Kyle," pagtawag ko nang maalala ang nais itanong kanina.

Bumalik sa akin ang kaniyang tingin. "Ha?"

"Ayaw mo bang tinatawag kang Kyle?" walang pagdadalawang-isip kong tanong. Sinubukan kong tingnan siya diretso sa mga mata. Muling bumalik ang kabog sa aking dibdib kaya naman binawi ko ang aking tingin. Bumagsak iyon sa lupa. "Kung ayaw mo, iba na lang ang itatawag ko sa 'yo..."

"Ang totoo..." Nakita kong bahagya niyang sinipa ang batong nasa harapan niya. "Ayokong naririnig iyon sa iba."

Napaangat ako ng tingin sa kaniya. Kinagat ko ang loob ng aking labi.

"Sa 'yo ko lang gustong marinig iyon," prente niyang usal at ngumiti nang matapos.

Napakaganda...

Halos sampalin ko ang sarili sa naisip. Ano bang nangyayari sa akin? Baliw na ba ako? O baka naman... Hindi naman siguro?

"Ikaw lang ang puwedeng tunawag sa akin ng Kyle."

Kumabog ang dibdib ko. Ibang kabog iyon. Sa pagkakataong ito, sigurado akong hindi na iyon basta kaba na lamang. Alam ko ang pakiramdam na ito. Mahilig akong magbasa ng mga romance na kuwento kaya pamilyar ako rito.

Mukhang nagugustuhan ko na siya...

Share This Chapter