Chapter 29
Goal on the Pitch
Umupo kami sa lamesa na pag-aari ng isang booth. Um-order roon si Kyle ng pagkain at inumin namin. Nilalaro ko lamang ang aking mga daliri habang hinihintay siya.
Nawawala na siguro ako sa katinuan. Bakit naman ako magkakagusto sa kaniya? Hindi dapat dahil magkaibigan kami. Ang magkaibigan ay dapat na manatiling magkaibigan. Paano na lamang kapag nalaman niyang nagugustuhan ko siya? Baka iwasan niya ako o lumayo siya sa akin.
Ngayon na nga lang ako nagkaroon ng kaibigan tapos ganoon pa ang mangyayari. Hindi lamang si Kyle ang mapapalayo sa akin dahil baka pati rin si Cleo...
"Narito na!" masiglang sambit ni Kyle. Inilapag niya sa aming lamesa ang mga binili.
"Salamat.. Kyle."
Matamis siyang ngumiti at hindi ko mapigilang hangaan iyon. Napakainit ng bawat ngiti niya at abot iyon sa kaniyang mga mata. Kahit nga tuwing naglalaro sila ay nakikita ko pa rin siyang nakangiti. Kahit na nadadapa siya at nadudulas, ngumingiti pa rin siya na tila ba ang salitang ngiti ay parte ng kaniyang pangalan.
"Alam mo, Isa. May secret talent ako," aniya sa gitna ng aming pagkain. Kinuha niya ang tissue na kasama ng mga binili niya.
Pinanood ko lamang siyang tupiin iyon nang tupiin. Noong una ay wala akong ideya sa kung ano ang sinusubukan niyang buoin.
"Charan!" Malawak ang ngiti sa kaniyang labi nang iabot sa akin ang rosas na kaniyang ginawa gamit ang tissue.
Tinanggap ko iyon at pinagmasdan. Hindi ko alam kung sanay na siyang gumawa nang ganoon o ano dahil maayos na maayos at maganda ang proma ng bulaklak.
"Hindi ko pa alam kung pa'no gumawa ng daisy pero aaralin ko para sa 'yo."
Naramdaman ko na lamang ang awtomatikong pag-angat ng gilid ng aking mga labi. Nang iangat ko ang tingin sa kaniya ay para bang bumagal ang pagtakbo ng aking mundo. Para siyang nagliliwanag. Tila ba mayroong mga sunrays sa paligid niya. Punong-puno ng kulay ang kaniyang paligid. Ngunit hindi ko maalis ang aking panibgin sa kaniya. Napakaganda ng paraan ng pagngiti niya. Bagay na bagay iyon sa kaniyang mukha.
Hindi ko napigilang mapahawak sa aking dibdib. Tingin ko talaga ay may problema na sa akin...
Tila ba naibalik ako sa aking katinuan nang biglaang may humawak sa magkabila kong braso. Naguguluhan ko silang tiningnan. Kumunot ang aking noo nang hindi ko sila mamukhaan. Hindi ko sila kakilala.
"Hoy!" malakas na pagtawag ni Kyle sa kanila. Napatayo siya at mayroong pagbabantang nakatingin sa mga nakahawak sa akin.
Napatayo ako upang hindi mahirapan ang mga nakahawak sa akin sa paghawak nila. Bahagya kasi silang nakayuko habang nakahawak sa magkabila kong braso.
"A-anong problema?" tanong ko. Hindi naman sila mukhang mga pulis para arestuhin ako. At saka, menor de edad pa lamang kaya ako.
"Inaaresto ka namin."
"Huh?"
"Anong?" bulalas ni Kyle at hinawakn sa kamay ang isa. Pilit niyang tinnaggal ang pagkakahawak nila sa akin. "Sa jail booth ba 'to?"
Mabilis na umiling ang dalawa.
"Inaaresto namin siya dahil may ninakaw siyang puso," diretsong saad ng mas matangkad na lalaki at hinawakan akong muli sa braso.
"Teka!" Muling tinanggal ni Kyle ang kamay na kumapit sa akin. Tumingin siya sa akin. "Ayos ka lang ba? Gusto mong sumama sa kanila?"
"Uh.." Hindi ako makapag-isip nang maayos. Ni hindi ko maintindihan kung ano'ng nangyayari. Wala sa sarili na lamang akong napatango.
"Sasama siya kaya huwag niyo nang hawakn kundi!" Masamang nginiwian ni Kyle ang dalawa. "Hihintayin kita, Isa. Kung ayaw mo na sa loob, sumigaw ka para palabasin ka ha?" Mapaglaro siyang ngumiti sa akin.
Tanging pagtango lamang ang sinagot ko sa kaniya. Pagkatapos noon ay naglakad na kami. Pinagigitnaan ako ng dalawang estudyante. Nais ko sanang tanungin kung anong nangyayari ngunit hindi ko na naman magawa.
Pumasok kami sa isang tolda. Bumungad sa aking paningin ang isang lalaking nakaupo. Mayroong lamesa sa kaniyang harapan at isang bakanteng upuan.
"Welcome to blind date booth!" masiglang bati noong babaeng medyo mas maliit kaysa sa akin. Naka-braids rin ang kaniyang buhok. Ang ngiti niya ay nakakagaan ng araw. "Nahuli mo raw ang puso niya kaya ayon, nandito ka. Pero huwag kang mag-alala dahil twenty minutes ka lang rito. Enjoy!" May paggalaw pa ng mga kamay ang paraan niya ng pagsasalita. Pumalakpak siya ng dalawang beses at lumabas na sila.
Hindi ko alam ang dapat na gawin nang maiwan kaming dalawa ng lalaki. Gusto ko ang katahimikan pero hindi ang ganitong klase ng katahimikan. Nakakailang.
"Sorry, ah? Nadamay ka pa."
Napaangat ako ng tingin sa kaniya nang basagin niya ang pananahimik naming dalawa. May katangkaran siya kahit na nakaupo. Maganda ang pagkaakulot ng kaniyang buhok na bumagay sa medyo kayumanggi niyang balat. Mayroon din siyang suot na salamin.
"Uh.." Sa dinami-rami ng puwedeng sabihin, wala akong mahanap. Kaya naman pinili ko na lamang tumango. "Hm. Ayos lang."
Ngumiti siya nang hindi kasali ang ngipin. "Ako nga pala si Aivan." Inunat niya ang kamay at nakitang may kalakihan ang kaniyang palad.
"Isabelle," turan ko at nakipag-kamay sa kaniya.
"Sa HUMMS ka, 'di ba?"
Tumango lamang ako.
"HUMMS din ako."
Bahagyang nanlaki ang aking mga kilay. "T-talaga?" Bakit parang hindi ko siya nakikita noon?
Nagkamot siya ng batok at bahagyang kinagat ang pang-ibabang labi. "Sa ground floor kami kaya hindi mo siguro ako nakikita masyado."
Napatango ako bilang pagsang-ayon.
"Mga kaibigan kong nagbayad rito para sa 'yo at sa akin kasi alam nilang gusto kita."
Bahagyang tumaas ang aking mga kilay. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman lalo na nang magpatuloy siya sa pagkukuwento.
"Noong una, nakatulala lang talaga ako sa kawalan tapos akala nila, tinititigan kita." Mahina siyang tumawa. "Pero noong nagtagal iyong pang-aasar nila, unti-unti na kitang hinahanap. Lagi kong hinihintay ang pagdaan mo sa room namin." Pinaglapat niya ang mga labi. Pagkaraan ay hinilamos ang mukha gamit ang mga palad. "Hindi ko alam kung paano pero ngayon.." Umayos siya ng upo at tiningnan ako nang diretso. "Inaamin ko na sa sarili ko at sa 'yo na gusto kita."
Kumabog bigla ang dibdib ko. Namawis ang aking noo. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Bakit ganito bigla ang mga nangyayari?