Back
/ 38
Chapter 33

Chapter 30

Goal on the Pitch

"Sama-sama tayo sa Biyernes, ah? Iba na ang nakatoka sa pagbabantay no'n." Iyan ang sinabi nina June at Cleo nang kumain kami ng pananghalian. Kaya naman sa loob ng dalawang araw ng foundation day, si Kyle lamang ang kasama ko.

Marami kaming nadaanang nagbebenta ng mga k-pop merch. Mayroong photocard, postcard, poster na mukha ng iba't ibang koreano at koreana. Ang iba pa ay damit, sumbrero at pamaypay na mukha rin ng mga tao. Hindi naman ako mahilig sa ganoon kaya hindi ako bumili. Kung libro lamang sana ang ibinenta, bibili talaga ako.

"Teka, Isa!"

Napatigil ako sa paglalakad at napatingin kay Kyle. Napatingin ako sa kaniyang kamay na nakaunat. Ang kaniyang palad ay nakasara kaya pumorma roon ang kaniyang kamao. Ibinalik ko ang tingin sa kaniyang mukha at nakita ang kaniyang ngiting umabot sa mata.

"Para sa 'yo 'to," aniya kasunod ng pagbukas ng palad. Doon ay nakita ko ang isang porselana na gawa sa mga perlas na magaan na asul ang kulay. Ang paborito kong kulay... "Parehas tayo." Itinaas niya ang isang kamay at ipinakita ang porselanang nakasuot na sa kaniya.

Agad akong napangiti. Bumagay ang kulay ng porselana sa kaniyang balat at braso. Hindi masyadong mahigpit o malawak ang pagkakagawa. Sakto lang na tila ba ginawa iyon para lamang sa kaniya.

Kumabog ang dibdib ko nang kunin niya ang aking kamay at kusang isinuot ang binibigay. Nakatitig lamang ako sa kaniyang habang ginagawa iyon. Puno ng pag-iingat ang kaniyang bawat galaw.

"Bagay," bulalas niya nang matapos. Pinagtabi niya ang aming mga brasong may suot na porselana.

May kung ano mang kumiliti sa aking puso nang gawin niya iyon. Ang ganda ng itsura nilang magkasama. Tila ba ginawa para sa isa't isa.

"Picture-an ko, ah?"

Hindi na ako nakaangal pa nang ilabas niya ang kaniyang cellphone. Bahagya akong napaigtad nang hawakan niya ako sa braso. Tumingin siya sa akin nang may ngiti at mayroon iyong ipinapahiwatig.

"Huh?" Mahina ang aking pagtatanong.

Umiling siya at tuluyang itinapat ang cellphone sa aming magkatabing kamay. Hindi ko mapigilan ang magpigil ng hininga. Hindi ko maalis ang aking patingin roon. Para bang may kung ano sa loob kong nagsasayaw.

"Ang ganda," usal niya nang bitawan niya ako.

Lumunok ako at tumingin sa malayo nang magpatuloy kami sa paglalakad, malayo mula sa nakasuot sa aking palapulsuhan. Ramdam na ramdam ko iyon. Para nitong kinikikiti ang aking balat kaya naman bahagyang nagsitayuan ang aking mga balahibo.

Hindi ko na kailangan pang dapat na tanungin kung ano itong mga nararamdaman ko. Hindi ngayon ako kalatalinuhan ngunit nagagawa ko namang maintindihan ang mga bagay-bagay at isa ito sa mga bagay na kaya kong intindihin. Sa dami ng mga nabasa kong nobela, karamihan sa mga iyon ay romance kaya bakit pa ako napapatanong?

Alam kong hindi lang dahil sila lang naman ni Cleo ang nakakasama kong lalaki bukod kay Kuya Jaspi kaya ako nakakaramdam ng ganito. Alam ko kung ano ito ngunit ayokong aminin. Hindi ko kayang aminin kahit na sa sarili ko lamang.

Ano kasi... Paano kapag nalaman niya? Paano kapag nahalata niya? Ano na lamang ang sasabihin niya sa akin? Ako na nga lang itong nakikipagkaibigan sa kaniya tapos nagkaroon pa ako ng ibang nararamdaman para sa kaniya... Napaka-weird noon.

Nahihiya ako kay Cleo. Siya ang dahilan kung bakit ko nakilala at bakit ako napalapit kay Kyle. Hindi naman niya ako ipinakilala para magustuhan ko si Kyle.. Kailangan ko itong pigilan habang maaga pa...

Napatigil kami sa paglalakad nang may marinig na ingay. Napadako kaagad roon ang aking mga mata dahil ang ingay na iyon ay hindi lamang normal na ingay ng mga estudyante. Para bang mayroong nag-aaway.

Sa wedding booth iyon. Mukhang may nagsusumbatang dalawang babae. Ang isa ay nakasuot ng simpleng dress at ang isa naman ay abot paang puting dress. May belo rin sa kaniyang ulo na nasa likod. Maraming tao ang nakapalibot roon at napansin ko ring pati ang ibang estudyante sa paligid ay napatihil sa ginagawa at napatingin doon.

"Mang-aagaw kang higad ka!" mahaba at madramang sigaw ng isang babaeng estudyante. Walang ano-ano man ay tinakbo niya ang pagitan nila ng babaeng nakadamit ng pangkasal. Hinablot niya ang buhok nito at pinaghihila.

Nagpumigil ang babaeng nahila ang buhok. Tumili siya ng pagkataas. Sinubukan ng ibang estudyanteng nakapalibot doon na awatin ang nagwawalang babae ngunit mas nahiraoan sila nang gumanti ang babaeng magpapakasal sana. Hinablot rin niya ang buhok noong babae at sabay sampal.

Walang nakapigil sa dalawang iyon. Panay sila sa pagmumura sa isa't isa at hindi nagpaawat sa pakikipagsabunutan.

Sa isang pagkurap ko, mayroong pangyayaring pumasok sa aking utak. Kapag nalaman ng ibang babae na nagkakagusto ako kay Kyle, panigurado ay tatakbo rin sila sa akin at sasabunutan. Sasabihan nila ako ng malandi at peke. Na kinaibigan ko lamang si Kyle para akitin ito.

Mabilis na kumabog ang aking dibdib sa antipasyon na naramdaman. Nakakatakot. Nakakabahala. Paano kapag nangyari iyon?

Wala sa sarili akong napayakap sa sarili. Umihip ang hangin at mayroong kiliting dumaloy sa aking katawan.

"You're under arrest!"

May dalawang estudyanteng lumapit sa amin. Nakasuot sila ng uniporme ng pulis at mayroon pang laruang baril.

"Ano na naman ba 'to?" rinig kong angal ni Kyle.

"Hinuhuli ang estudyante suot iyan," tugon ng isa at tiningnan ang aming mga porselana.

"Ano?" bangay pa ni Kyle.

Hindi ako makaangal dahil tinatangay pa rin ng hangin ang aking utak. Kahit nang dalhin na kami sa Jail Booth ay nakatulala pa rin ako at nagpatangay na lamang sa kanila. Rinig ko ang pag-angal ni Kyle ngunit wala naman siyang magagawa.

Ipinasok kami sa toldang sinarhan gamit ang pinagtabi-tabing kawayan. Ginaya nila ang itsura ng bakal sa presinto. Umupo kami sa kartong nakalatag. Mayroon kaming ibang kasama ngunit hindi ko na sila pa nagawang tingnan.

Paano nga kapag nangyari iyon? Wala akong ibang mapupuntahan...

"Uy, Tristan!"

Napatingin ako kay Kyle nang para bang may tinawag siya. Nakipag-apir siya sa isa sa mga kasama namin.

Kumunot ang aking noo nang makita kung sino iyon. Maganda ang pagkakaayos ng kaniyang kulot na buhok. Bumagay iyon sa kaniyang kayumangging balat.

Bahagyang nanlaki ang aking mga mata nang makilala siya. Hindi ako puwedeng magkabali—mali. Sana ay nagkakamali ako. Hindi puwedeng.. Magkakilala sila ni Kyle..?

"Hi, Mari Isabelle!" nakangiti niyang pagbati sa akin at itinaas pa ang palad. "Ako iyong sa Blind Date Booth."

Share This Chapter