Back
/ 38
Chapter 34

Chapter 31 Part 1

Goal on the Pitch

Pagdating ng huling araw ay kasama na namin sina June at Cleo, na mabuting bagay para sa akin.

"Bagay sa 'yo iyan. Black cat ka kasi," nakangiting usal ni Cleo na pinapanood si June na pinipintahan ang mukha.

Pumila kami sa face paint booth para magpapinta ng mukha. Halos kami ang nauna sa Face Paint Booth. Sabi nila ay para raw tumagal sa amin. Ideya talaga ito nina Cleo at kyle ngunit nakakabiglang sumang-ayon rin si June kaya wala na akong magagawa pa. Maganda rin ito upang maranasan ko, hindi ba?

"Anong ipapalagay mo, Isa?"

Napalingon ako sa aking likuran kung nasaan si Kyle. Bahagyang umatras si Kyle para magkaroon ng espasyo sa pagitan namin.

"Ah, baka cookies o 'di kaya ay clouds," tugon ko at simpleng ngumiti. Sinubukan kong huwag pansinin ang kabog sa aking dibdib.

"Cute. Bagay iyon sa 'yo."

Hindi nagpaawat ang kabog sa loob ko dahil doon. Ngumiti ako at tumango kay Kyle. "Anong ipalalagay mo sa iyo?" tanong ko upang hindi niya mahalata ang nangyayari sa aking loob.

Ngumuso siya at tumingin kay June na pinipintahan. Sa likod ng nagpipinta ay mayroong mga puwedeng pagpiliian kung wala kang maisip.

"Soccer," wala sa sarili kong usal.

Tumingin siya sa akin nang nakataas ang mga kilay.

"Iyong... bola ng soccer. Bagay rin sa 'yo iyon," dagdag ko.

Ngumuso siya at tumango. "Gusto iyon."

Nakangiti akong humarap nang matapos si June. Sinabi ko lang ang sa akin.

Hindi rin nagtagal ay natapos na kaming lahat. Ilang hakbang pa lamang ang layo namin ay agad kaming pinigil ni Cleo.

"Teka!" Pumunta si Cleo sa aming harapan nang nakabukas ang mga braso.

"Ano?" marahas na angal ni June.

Sumagit ng matamis na ngiti si Cleo. "Picture muna tayo." Inilabas niya ang cellphone at inunat ang kamay.

Naging malikot ang aking mga mata. Hindi ko alam kung saan titingin at kung ano ang gagawin. Hindi ako sanay sa ganito. Ang profile ko nga sa Facebook ay ang litrato ko lamang noong bata ako na kinuhanan ng mga magulang ko.

"Isa," tawag ni Cleo.

Napatingin ako sa kaniya. Hindi ko pa nagagawang makatingin sa kaniya nang diretso ay nakaramdam na ako ng kuryente nang mayroong brasong umakbay sa akin. Napatingin ako kay Kyle na pinanggalingan ng kamay. Nginitian niya ako nang matamis. Muling lumikot ang aking mga mata. Wala sa sarili akong napatingin sa screen ni Cleo at simpleng ngumiti.

Nabitawan ko ang aking hininga nang tanggalin ni Kyle ang kaniyang kamay mula sa aking balikat. Bakit bigla niyang ginawa iyon..? Alam na ba niya ang nararamdaman ko para sa kaniya?

Nilibot namin ang halos buong grounds. Halos tinigilan nga namin ang bawat booth na mayroon. Ang iba ay sinusubukan namin at ang iba naman ay pinapanood lamang namin.

"Bili naman tayo ng bracelet!" masiglang mungkahi ni Cleo ngunit bigla siyang napatigil. Saka ko lamang nalaman kung bakit nang makitang nakatingin pala siya sa kamay namin ni Kyle.

"Traydor kayo," bulalas ni June at umismid.

"Bili tayo ng atin, June. Iyong kapareha ng kanila."

Agarang umangat ang mga pisngi ni June. "Tara!"

"Huwag!" pag-angal ni Kyle bago pa makapaglakad sina Cleo.

Sabay na napatingin sina Cleo at June sa amin. "Bakit naman?"

"Nahuli kami kahapon dahil dito. Ayokong manubos."

Naningkit ang mga mata ni June na tila ba hindi pa kontento sa nakuhang dahilan.

"Totoo iyon," gatong ko.

Bago umuwi para maghanda para sa aming js prom, pinasok muna namin ang photo booth. Pagpasok namin sa loob ay bumungad sa aming paningin ang kulay pink na backdrop. Sa isang gilid ay puno iyon ng iba't ibang bagay na puwedeng gamitin. May mga arrow, hairband, shades na may iba't ibang disenyo, mayroon ding mga wig at mga bigote.

Kumuha lamang ako ng simpleng bigote at iyon ang ginamit. Kung ano-anong pose ang kanilang ginawa ngunit iisa lamang sa akin. Nakatayo at nakaposisyon ang bigote sa pagitan ng ilong at bibig ngunit pakiramdam ko ay natakpan ang mga iyon sa laki ng bigote.

Binigyan kami ng tig-iisang kopya. Napaka-weird ng itsura ko roon. Para ang estatwa na walang ibang pose.

Pinasadahan ko ng tingin ang bawat larawan. Iba-iba ang kanilang ekspresyon sa bawat litrato. Iba-iba rin sila ng gamit na pandisenyo. Ang saya nila tingnan. Ang gandang makitang magkakasama sila. Para bang masaya sila at natagpuna nila ang isa't isa.

Naramdaman ko ang pamilyar na kabog sa aking dibdib nang pinagtuunan ng pansin si Kyle sa isang litrato. Nasa dibdib niya ang hugis pusong shades. Ang mga mata niya... nakatingin...

Umiling ako. Ano ba itong nakikita ko?

Tiningnan ko ang sumunod na litrato at nakitang may hawak siyang arrow na nakatutok sa akin. May disenyo iyong puso-puso at may sinasabi rin. Ang mga mata niya ay nasa camera. Nakangiti rin siya ngunit kakaiba ang ngiti niyang iyon. Matamis at may ibig sabihin.

Dumako sa arrow ang aking mga mata.

Whom I like

Share This Chapter