Chapter 31 Part 2
Goal on the Pitch
Hindi siya kasinggarbo ng prom namin noon sa Manila pero mas gusto ko rito. Hindi required ang pagkakaroon ng kapareha o partner. Walang grand entrance na dadaan ka sa red carpet kasama ang kapareha at magpi-picture. Nakakailang iyon. Pinagtitinginan ka ng iba.
Nang makarating ang lahat at makahanap ng kani-kaniyang upuan ay nagsimula na ang seremonya. Mahaba-habang welcoming remarks mula sa iba't ibang opisyales.
Nang matapos ang lahat ng nagsalita ay nagsimula na ang cotillion. Nanood lamang kami ng mga kasama ko dahil hindi naman kami sumali. Hindi ako sumali dahil baka hindi ko maikabesa ang mga step ng sayaw at saka ayokong pinapanood ako ng ibang tao.
May iba pang nagkaroon ng intermission number tulad na lamang ng dance club at choir club ng aming paaralan.
Kumain kami nang matapos ang lahat ng iyon. Maraming pagpipilian at lahat iyon ay nailagay sa aking plato. Nalula ang aking paningin nang ilapag ko sa lamesa ang aking plato. Napakaraming laman noon at sigurado akong hindi ko iyon mauubos. Sayang ang pagkain...
Malumanay at dahan-dahan lamang ang aking pagkain. Maririnig rin ang malumanay na tugtog galing sa speaker. Rinig rin ang mahihinang pagtawa at usapan ng ibang estudyante. Nag-uusap rin ang mga kasama ko sa lamesa ngunit hindi ko mabigyan ng atensyon dahil ang utak ko ay nasa malayo.
Hindi mawala-wala sa aking isipan ang nakita ko sa litrato namin sa photo booth...
"Ayaw mo sa pagkain?"
Bumalik ako sa reyalidad nang marinig si Kyle. Sinulyapan niya ang aking pagkain.
Umiling ako. "Ano kasi..." Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi. "Marami lang."
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa na tila ba npakalamlam ng tunog. Hindi siya marahas o hindi maganda sa pandinig. Malamyos iyon at..
Binatukan ko ang aking sarili sa utak. Daapt ko na talagang itigil ang mga naiisip. Hindi na ito tama. Hindi ito maganda.
"Bigay mo na lang sa 'kin kung ayaw mo," mahinhin niyang suhestiyon at nilapit pa ang plato sa akin. May ngiting sapat sa kaniyang labi.
Bahagyang tumaas ang aking mga kilay. "H-hindi na. Kakainin ko na lang."
"Sigurado ka?" paniniguro niya at tiningnan pa ako nang maigi.
Ibinalik ko ang tingin sa aking pagkain at tumango. Itinuon ko ang aking pansin sa pagkain. Hindi ko iyon naubos at halos kalahati lamang ang aking natapos.
Nang matapos ang lahat sa pagkain ay tumugtog ang isang malamyos na kanta kasabay ng paga-anunsyo ng host. "The slow romantic music plays and it's the time when emotions and feelings were being shown. Why don't you take this as an opportunity to ask your special one to dance?"
Nagsimulang magsitayuan ang mga lalaki at ayain ang siguro'y mga kapareha nila upang magsayaw. Nagsitunguhan sila sa gitnang parte at doon sumayaw nang marahan gaya ng aking mga napapanood at nababasa.
Napatigil ako sa manonood nang tumayo si Kyle na nasa aking tabi. Biglang bumalik sa aking alaala ang kaniyang sinabi noon.
Sinusubukan niyang umamin sa nagugustuhan niyang kaibigan.
Yayayain ba niya ang kaibigan niyang iyon at aamin?
Nanlaki anh aking mga mata nang bigla niyang ilahad ang palad sa aking harapan. "May I take this dance?" tanong niya sa mababang boses.
May kumalabit sa aking puso at hindi ko napigilan ang pagporma ng maliit na ngiti sa aking mga labi. Marahan kong ipinatong ang kamay sa kaniyang palad. Doon pa lamang ay may kuryente nang dumaloy sa aking ugat.
Inalalayan niya akong tumayo at naglakad kami papunta sa gitna.
Kumabog ang dibdib ko nang makatabi namin ang ibang estudyanteng nagsasayawan. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko alam kung saan ilalagay ang mga kamay.
Kumalma ang aking isipan nang hawakan ni Kyle pareho ang aking mga kamay at dahan-dahang ipinatong sa kaniyang batok. Muntik ko nang hindi iyon maabot ngunit buti na lamang ay pinagsuot ako ng takong.
Bahagya akong napaigtad nang maramdaman ang paghawak niya sa magkabila kong baywang. Magaan lamang ang kaniyang paghawak na tila ba isa akong babasagin at mamahaling gamit.
Nagsimula kaming gumalaw nang dahan-dahan. Sinusunod ang daloy ng musika.
Ang aking paningin ay nakatutok lamang sa sahig na makintab. Hindi ko magawang tingnan si Kyle sa mata. Binantayan ko rin ang galaw nh aming mga paa upa g hindi madisgrsya.
"Isa."
"Hm?" tanging sagot ko at hindi siya tiningnan.
"Isa," muli niyang pagtawag. Mayroong magaan na diin roon.
"B-bakit?" Nag-angat ako ng tingin ngunit tumingin lamang ako sa kaniyang likuran. Hindi ko mapogilan ang pagkabog ng dibdib ko. Napakalamyos rin kasi ng tugtog.
"Anong gusto mo sa lalaki?"
Wala sa sarili akong napatingin sa kaniya dahil doon. Kahit na ayoko ay sa kaniyang mga mata lumandas ang aking paningin. Seryoso iyon at walang pagbibiro.
"Tulad ba ni Keance na ayaw saktan si Hani?" Nagtaas siya ng dalawang kilay at ramdam ko mula sa kaniyang boses ang pasensya.
Napaisip ako sa sinabi niya. Sa dami na ng nabasa kong libro, tiyak kong mataas na ang ideya ko para sa lalaki o standards kung tawagin nila. "Gusto ko iyong tatanggapin ako at ang pamilya ko," pahayag ko. "Iyong hindi ako sasaktan at rerespetuhin ako."
May isang taong pumasok sa isip ko. Nakaramdam ako ng pagpisil sa aking puso. Nagsimula iyon sa isa at maliit na pisil. Habang bumabalik sa alaala ko ang mga panahon na kasama ko pa siya at hinahangaan ko pa siya, lalong dumami at dumiin ang mga pisil sa aking puso.
"Gusto ko iyong hindi ako iiwan.. Gusto ko.." Huminga ako nang malalim. "Gusto ko iyong hindi katulad ni papa."
Ang sabi nila ay kadalasan raw sa mga anak na babae, kapag lumaki na ay hahanap sila ng lalaking magpapaalala sa kanila ng kanilang ama. Ngunit ako, ayokong mapabilang sa mga babaeng iyon. Mabait at mapagmahal si papa bilang ama sa akin ngunit bilang asawa kay mama?
Lumunok ako ngunit may kung anong bumabara sa aking lalamunan. Tila ba mayroong kung anong dumagan sa akin at nahirapan akong huminga.
Naibaba ko ang mga kamay mula sa batok ni Kyle. "Kyle, lalabas lang ako," pagpapaalam ko at naglakad na paalis.
"Teka." Hinawakan niya ako sa braso. Hindi iyon mahigpit kaya magagawa kong umalis ngunit tumigil ako at tiningnan siya. "Sa'n ka pupunta?" Bakas sa kaniyang boses ang pag-aalala.
"Magpapahangin lang ako sa labas," tugon ko.
Naglakad siya papunta sa tabi ko. "Sabay tayo." Ngumiti siya nang matamis at nagpaunang maglakad nang hindi tinatanggal ang kamay sa akin.
Sumunod ako sa kaniya at nagtungo lamang kami sa garden ng hotel. Umupo kami sa bench na nakita namin. Mayroong mga nakakabit na ilaw o LED lights sa mga halaman kaya naman hindi madilim sa kinalalagyan namin.
Napatingin ako kay Kyle nang bigla niyang isuot sa akin ang kaniyang suit. "Baka lamigin ka," aniya at umupo nang maayos sa aking tabi nang matapos.
Hindi naman backless o ano ang aking suot. Sa katunayan, pinili kong magkaroon ng parang jacket ang suot ko dahil alam kong magiging malamig dahil gabi...
Tahimik lamang kaming dalawa habang nakatitig sa mga halaman sa aming harapan na nadisenyuhan ng mga ilaw. Ang ganda nila tingnan.
"Galing ako sa Manila bago naging estudyante sa paaralan niyo," pagbabasag ko sa aming katahimikan.
Mula sa gilid ng aking mata ay nakita ko siyang tumingin sa akin. Nagtagal iyon ng ilang segundo bago siya tuminging muli sa aming harapan.
"Nakikitira ako kina lola ngayon kasi..." Bahagya kong nakagat ang pang-ibabang labi. Pinaglaruan ko ang mga daliri dahil wala akong maisip na itutuloy. "Pareho akong iniwan ng mga magulang ko."
Nagbuga ako ng hangin at tumingin sa kalangitan. Wala ang buwan ngayon kaya namn medyo madilim ang kalangitan. Mabuti na lamang ay kaya ng mga bituin na magningning kaya kitang-kita ang pagkutitap nila.
"Ang mabait kong mama, nasa ibang bansa. Pumunta siya ro'n para sa akin. Para makapagtapos raw ako ng pag-aaral at maging maganda ang trabaho." Bajagya akong napangiti at inalala ang itsura niya.
May pagkaputi ang kaniyang balat. Mabipis ang mg akilay at inosente ang mga mata. Mukha siyang anghel kung tutuusin. Napakahinhin rin ng boses niya at ang mga ngiti niya... napakatamis. Nakakahaplos ng puso.
"Iyong papa ko.." Muli kong nakagat ang pang-ibabang labi. Iisipin ko pa lamang siya ay nasasaktan na ako. Sinubukan ko namang intindihin ang ginawa niya ngunit hindi ko kaya. Hindi ko magawa.
Nagkibit ako ng balikat. "Nasa first love niya. Siguro ay ginawa niyang motto ang 'First love never dies'." Bahagya akong natawa sa sinabi.
Mayroon siyang sinabi ngunit hidni ko narinig dahil sobrang hina noon. Ang alam ko lamang ay maikli ang sinabi niya.
"Nang malaman niyang bumalik na rito sa Pilipinas ang first love niya at wala pa itong asawa at nobyo.. pinili niya iyon kaysa sa amin."
Uminit ang gilid ng aking mga mata. Lagi kong tinatanong ang sarili ko kung bakit. Bakit niya iyon ginawa? Hindi ba niya mahal si mama? Hindi ba importante ang pamilya namin para sa kaniya? Kung hindi, hindi ba ako sapat para manatili siya?
Napakabait ni mama sa kaniya. Lagi siya nitong inaasikaso at nilalambing. Lahit na mayrokng trabaho si mama ay siya pa rin ang naglalaba at gumagawa ng lahat ng mga gawaing bahay. Ano ang mali? Ano ang naging problema?
Bumalik ang first love niya.
Ganoon ba talaga iyon? Dahil lamang bumalik ang una mong minahal, iiwan mo na ang kasalukuyan mo? Hindi ba, napakamakasaliri ng ganoon?
Kasalanan ko ba? Kung hindi niya mahal si mama, kasalanan ko ba? Kaya ba sila nagsama dahil lang sa akin? Kaya ba sila nagpakasal nang dahil lamang sa akin at hindi dahil mahal nila ang isa't isa?
Napatingin ako kay Kyle nang maramdaman kong may malambot na bagay ang dumampi sa aking pisngi. Nakita ko siyang pinunasan ang aking pisngi.
Mabilis kong kinuha mula sa kaniyang kamay ang tissue at pinunsan ang sariling pisngi. Gusto kong parusahan ang sarili. Bakit ba ako umiyak bigla? Lagi na lamang akong umiiyak tuwing naaalala siya.
"Wala kang kasalanan."
Napalunok ako bago tiningnan si Kyle. Ang kaniyang tingin ay diretso lang nang lumingon siya sa akin. Sinalubong niya ang aking mga tingin.
"Huwag mong isiping may kasalanan ka sa nangyari," seryosong pahayag niya. "Kung ano man ang nangyari, wala kang kasalanan doon."
Gumuhit ng maliit na ngiti ang aking mga labi sa narinig. Nagpaulit-ulit iyon sa aking isipan.
"Wala kang kasalanan."
"Salamat, Kyle." Pumihit ako paharap muli at tiningnan ang mga halaman. Ngayon, pati ang mga halaman dito ay alam na ang kuwento ng aming pamilya.
"Ikaw naman, Kyle?" tanong ko. "Kamusta ang pamilya niyo?"
"Wala naman akong maikukuwento tungkol sa pamilya namin." Pinagkrus niya ang mga braso at bahagyang lumiyad.
"Masaya ba ang pamilya niyo?" kuryuso kong tanong. Napaharap na rin ako sa direksyon niya.
Tinitigan niya ako nang matagal bago sumagot. "Puwede mong sabihing gano'n."
Matamis akong ngumiti. "Nakakainggit," bulalas ko.
"Ayokong mainggit ka."
Mas lumawak ang ngiti sa aking mukha. "Nakakainggit pero hindi ako naiinggit," sambit ko. "Natutuwa ako para sa iyo. Masaya ako at mayasa kayo."