Chapter 32
Goal on the Pitch
Ayos lamang ako. Magiging maayos ako. Dapat maging maayos ako.
Kailangan ko na itong pigilan at iyon ang aking desisyon. Alam kong hindi magiging maganda ang idudulot ng aking nararamdaman para sa kaniya.
At ayos lamang ako sa desisyong iyon. Hindi ko na dapat pang bigyan ito ng pansin. Baka lalo lamang umusbong at hindi ko na mapigilan pa. Habang maaga pa, dapat ay pogilan na. Kailangan ay ituon ko na lamang ang aking atensyon sa pag-aaral at pagbabasa ko.
Hindi ko alam kung dapat ko bang sisihin ang mga librong nabasa ko dahil ganito ang mga naiisip ko. Wala naman silang kasalanan dahil ako ang pumiling basahin sila... Wala akong masisisi kundi ang sarili.
"Mariah!"
Napatingin ako sa aking katabi na si June nang bigla niya akong tawagin. Nakakapanibago pa rin sa pakiramdam na may tumatawag sa akin sa pangalang iyon..
"Anong tingin mo kay Ck?" tanong niya. Ang kaniyabg boses ay puno ng pangi-intriga.
Napadako ang aking tingin kina Cleo at Kyle na naglalakad paalis. Papunta sila sa canteen dahil ibabalik ang aming hiniram na kutsara.
Nang matapos ang foundation day ay bumalik ang lahat sa dati. Nagpatuloy rin ang pag-eensayo nina Kyle na buong araw na dahil malapit na ang kanilang laro.
"Mabait siya.. sila ni Cleo," tugon ko. "At parehog mapaglaro."
Nahuli ko ang bahagyang pag-ismid niya. "But Ck as a whole? Iyong si Ck lang, anong tingin mo sa kaniya?" Taimtim siyang nakatingin sa akin. Tila ba hinabahaan ang pasensya upang makuha ang sagot na ninanais.
"Uhm.." Kumabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit bigla siyang nagtatanong sa akin ng ganoon at ngayon pa. Pinaglaruan ko ang mga daliri. Paano kapag nahalata niya sa aking sagot ang aking nararamdaman? Hindi naman siguro niya sasbaihin kay Kyle, hindi ba? Mukhang hindi naman siya ganoong klase ng tao.. May tiwala ako sa kaniya.
"Magaling siya sa soccer..." usal ko.
Ngumiwi siya. "Alam na iyon ng lahat."
"Lumiliwanag siya tuwing naglalaro. Hindi lang kasi niya iyon ginagawa dahil kailangan." Pinaglapat ko ang aking mga labi. Tumingin ako sa direksyong tinahak nina Kyle at nakitang wala pa naman sila. "Mahal niya iyon kaya kahit na nahihirapan siya, pinagpapatuloy niya. Ang cool niya."
Ngumiti ako nang kontento. Tuwing nakikita ko siya sa ensayo nila, lumiliwanag siya. Hindi lang dahil siya ang tinuturing na star player kundi dahil nakangiti siya at bakas sa mukhang nage-enjoy. Parte na ang larong iyon sa buhay niya.
"Gusto mo siya?"
Natigilan ako sa tanong na iyon. Gusto ko siya? Oo. Gusto ko siya... ngunit paano niya nalaman? Halata ba sa sagot ko?
"A-anong ibig mong sabihin?" tanong ko at hindi siya tiningnan. Ayokong makita niya sa akibg mga mata ang tunay kong nararamdaman. Nais kong humawak sa aking dibdib upang pakalmahin ang kumakabog roon. Baka marinig iyon ni June at lalo akong mahalata.
"Gusto," pag-uulit niya. "Sabi mo kasi, cool siya."
"Uh.. Hm." Tumango na lamang ako. "Gusto ko siya.. dahil cool siya."
"Eh, si Ck bilang si Ck? Kung hindi mo iisipin iyong soccer, anong tingin mo sa kaniya? Gusto mo ba siya? Aside sa pagka-cool niya sa soccer. Cool din ba siya bilang siya lang?"
Hindi ako makapag-isip nang maayos. Wala akong mahanap na salita. Ano ang isasagot ko sa kaniya? "Huh? A-anong ibig mong sabihin?"
Humarap siya sa akin kaya bahagya akong napaigtad. Wala sa sarili na lang din akong humarap sa kaniya.
"Alam mong gusto ako ni Clei, 'di ba?" malumanay niyang tanong at ti aasan ako ng mga kilay.
Marahan akong tumango. Halata iyon sa mga kilos ni Cleo at hindi niya iyon itinatanggi. Alam ko rin iyon sa paraan ng pagtitig sa kaniya ni Cleo.
"Gusto mo rin ba Ck? In a romantic term, or.." Tumitig siya sa akin nang seryoso.
Hindi ako makagalaw. Pakiramdam ko, konting galaw ko lamang ay malalaman na niya ang itinatago ko.
"Crush mo ba di Ck?"
Mabilis ang aking naging pag-iling. "Hindi."
"Talaga?"
Tumango ako. Sana ay tanggapin niya ang sagot ko. "Hm."
Ngumiti siya at inakbayan ako. "Tama iyan. Huwag mong magugustuhan iyon dahil mahihirapan ka lang. Maraming nagkakagusto ro'n at chick magnet siya."
Hindi ko matanggal sa aking isipan ang sinabi ni June. Tama ba ang aking desisyon na huwag na lang pansinin ang aking nararamdaman dahil baka masaktan lamang ako? Pero hindi naman ito seryoso...
Napatigil ako sa aking paglalakad nang maaninag si Kyle. Nakatalikod siya mula sa akin ngunit alam kong siya iyon. Ang hukob ng kaniyang katawan at a g paraan ng kaniyang pagtayo..
Naningkit ang aking mga mata nang makitang mayroong babaeng estudyante sa kaniyang harapan. Medyo mas maliit iyon kay Kyle ngunit nagawa ko pa ring tingnan ang mukha.
Bahagyang may laman ang kaniyang pisngi ngunit bumagay iyon sa kaniyang buhok na tinirintas sa dalawa at nakasabit pa sa kaniyang mga balikat. Mayroon din siyang magandang ngiti.
Lalong naningkit ang aking mga mata nang makitang inunat niya ang mga kamay at niyakap si Kyle.
A-ano...
Lumunok ako nang makaramdam ng kakaibang kiliti sa aking tiyan. Hindi iyon gaya ng kiliti na nararamdaman ko sa mga nagdaang araw. Iba iyon. Pamilyar ngunit ayokong pangalanan.
"Selos ka ba?"
Napalingon ako sa aking tabi at nakita si June na nakatanaw rin sa aking tinitingnan. "H-hindi," sagot ko. Bakit naman ako magseselos?
"Sabi ko sa 'yo, chick magnet iyan, eh. Lalo na varsity."
Lumanlam ang aking mga mata. Naramdaman ko ang pagbagsak ng aking mga balikat. Alam kong hindi ko na dalat ito nararamdaman dahil sabi ko, hindi ko na dapat pang pagtuunan ng pansin ang nararamdaman ko.
Bahagya kong nakagat ang loob ng aking labi. Bumagsak sa lupa ang aking paningin. Sabi ko, ayos lang.
"Sabi mo, wala kang gusto sa kaniya?"
Wala na akong kawala. Nahuli na niya ako. Alam kong sa oras na iyon, alam na niya ang totoo.
Ang akala ko ay kapag nagdesisyon ako g huwag nang pansinin ang nararamdaman ko ay magiging maayos na ako ngunit mali ako. Pinaniwala ko ang aking sarili na ayos lang ngunit nagsinungaling ako.